02/02/2026
Snappy salute po Tawi-Tawi Maritime Pulis Sou I 🫡
PNP-MARITIME GROUP, MABILIS NA RUMESPONDE SA NASIRANG BANGKA SA TAWI-TAWI
Sa gitna ng hamon ng pagbabantay sa malawak na karagatan, muling nagpakita ng malasakit at kahandaan ang Philippine National Police – Maritime Group matapos tumulong sa isang motor launch na nasiraan habang bumibiyahe sa karagatang sakop ng Bongao at Sibutu, Tawi-Tawi.
Noong Enero 30, 2026, dakong hapon, isang tawag ng paghingi ng saklolo ang natanggap ng 1st Special Operations Unit (SOU) mula sa sakay ng M/L Piaksa. Ayon sa ulat, tumigil ang biyahe ng sasakyang-dagat dahil sa problema sa makina habang patungo sana sa Sibutu.
Agad na kumilos ang mga tauhan ng PNP-Maritime Group sa koordinasyon ng Tawi-Tawi Maritime Police Station (MARPSTA). Sa pamamagitan ng kanilang patrol boat, mabilis nilang tinungo ang huling lokasyon ng motor launch upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at tripulante.
Matapos ang ilang oras ng operasyon, natagpuan ang nasabing bangka at napatunayang ligtas ang lahat ng sakay. Apat na sibilyan ang pansamantalang inilipat at dinala sa 1st SOU Headquarters upang mabigyan ng kinakailangang tulong, habang ang iba pang sakay ay nanatili sa motor launch habang inaayos ang pagsagip at paghila nito pabalik sa dalampasigan.
Pinuri ni PNP Chief, PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang maagap na aksyon ng mga tauhan ng Maritime Group, lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng mabilis at maingat na pagtugon.
“Hindi natin pwedeng balewalain ang bawat tawag ng saklolo, lalo na sa dagat kung saan isang aberya lang ay maaaring maglagay sa peligro ang buhay. Ang ganitong uri ng pagtugon ang gusto nating maramdaman ng publiko,” ani PGen Nartatez Jr.
Patuloy na pinaigting ng PNP-Maritime Group ang kanilang presensya at kahandaan sa mga baybayin at karagatan ng bansa bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maagapan ang mga insidenteng maaaring magbanta sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
“Laging handa ang PNP-Maritime Group na rumesponde at tiyakin ang kaligtasan ng mga biyahero at mangingisda,” dagdag pa ni PGen Nartatez Jr.
Hinikayat ng PNP ang mga biyahero at mangingisda na agad makipag-ugnayan at huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa pinakamalapit na yunit ng PNP-Maritime Group sa oras ng pangangailangan—patunay ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)