27/07/2026
PAALALA SA PUBLIKO
PARA SA LAHAT NG MGA OPERATOR AT DRAYBER NG TRICYCLE SA BAYAN NG CALATAGAN, BATANGAS
Ipinababatid sa lahat ng mga operator at drayber ng tricycle na ang lahat ng tricycle na bumibiyahe sa loob ng Bayan ng Calatagan, kabilang ang mga tinatawag na "colorum" o mga walang kaukulang prangkisa, permit, at/o rehistro, ay hinihikayat na magparehistro at sumunod sa lahat ng umiiral na batas at mga lokal na ordinansa.
Ang paalalang ito ay alinsunod sa mga sumusunod na batas:
1. Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan na magbigay ng prangkisa at magsagawa ng regulasyon sa operasyon ng mga tricycle-for-hire sa loob ng kanilang nasasakupan;
2. Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code, na nag-aatas na ang lahat ng sasakyang de-motor na ginagamit sa mga pampublikong lansangan ay dapat na may wastong rehistro alinsunod sa batas; at
3. Mga umiiral na ordinansa ng Bayan ng Calatagan na nagtatakda ng mga tuntunin sa pagpaparehistro, pagbibigay ng prangkisa, at operasyon ng mga tricycle sa loob ng munisipalidad.
Dahil dito, hinihikayat ang lahat ng operator at drayber ng mga colorum na tricycle na samantalahin ang pagkakataong ito upang maiparehistro ang kanilang mga sasakyan at makakuha ng kaukulang prangkisa at iba pang kinakailangang permit bago ang Agosto 21, 2026.
Mahigpit ding ipinababatid na simula Agosto 21, 2026, ay magsasagawa na ang kinauukulang ahensiya at awtoridad, ng Anti-Colorum Operation. Ang sinumang mahuhuling bumibiyahe o nagpapatakbo ng tricycle nang walang kaukulang rehistro, prangkisa, permit, o iba pang kinakailangang dokumento ay papatawan ng kaukulang aksiyon at mga parusang itinakda ng umiiral na batas at mga lokal na ordinansa.
Para sa mga kinakailangang dokumento at proseso ng pagpaparehistro, mangyaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Municipal Tricycle Franchising and Regulatory Office (MTFRO) mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Makipagtulungan tayo upang mapanatili ang isang ligtas, maayos, at legal na sistema ng pampublikong transportasyon sa Bayan ng Calatagan.
Maraming salamat sa inyong pakikiisa at kooperasyon.