03/11/2026
KARAPATAN CARAVAN: PAGSISIGURO SA KARAPATAN AT PAGLILINGKOD SA MGA KATUTUBO
Noong ika-28 ng Oktubre, 2026, matagumpay na isinagawa ng Commission on Human Rights (CHR) – Region ang makabuluhang programang Karapatan Caravan sa Barangay Salazar, Carranglan, Nueva Ecija – isang inisyatibong nakatuon sa pagtugon sa mga pangangailangan at pagtatanggol sa karapatan ng ating mga kapatid na Indigenous People.
Ang gawaing ito ay isinagawa sa kaalaman at buong pagsuporta ng Punong Bayan na si Mayor Rogelio B. Abad, na nagpapatunay sa matibay na pagtutulungan ng region at lokal na pamahalaan para sa kapakanan ng ating mga kapatid na katutubo. Ang pangunahing layunin ng programa ay maghatid ng malapit, libre, at de-kalidad na serbisyo publiko direkta sa komunidad ng mga katutubo, upang hindi na nila kailanganing lumayo o maghirap sa paghahanap ng tulong mula sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa mahusay na pamumuno ni Atty. Mabelyn A. Palukpok, Chief ng Legal Division ng CHR, nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno – bawat isa ay nag-ambag ng natatangi at napakahalagang serbisyo na naging susi sa tagumpay ng programa.
Ang Commission on Human Rights (Region), bilang nanguna sa inisyatiba, pinangunahan nito ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa karapatang pantao, lalo na ang mga karapatan ng mga katutubo sa lupa, kultura, at pagkakapantay-pantay. Nagsilbi rin itong tagapagtanggol at tagapamagitan upang masiguro na ang bawat serbisyong ibinigay ay naaayon sa batas at paggalang sa dangal ng bawat mamamayan.
Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region and Provincial na nagbigay ng impormasyon tungkol sa mga karapatan ng mga nakakulong at ang kanilang pamilya, pati na rin ang mga programa para sa rehabilitasyon at muling pagsasama sa lipunan.
Carranglan Municipal Police Station, tiniyak ang kaayusan at kaligtasan sa buong pagpapatupad ng programa, habang nagbigay din ng gabay tungkol sa mga batas, pag-iwas sa krimen, at pagtugon sa mga hinaing ng komunidad. Namahagi rin sila ng maagang pamaskong handog sa mga bata roon.
Provincial Health Office at Municipal Health Office Carranglan, naghatid ng napakahalagang serbisyong medikal at pangkalusugan, kabilang ang pagsusuri, pagbibigay ng gamot, at edukasyon sa pangangalaga sa katawan.
Department of Social Welfare and Development (DSWD Region), nagbigay ng impormasyon at paglilinaw tungkol sa mga programang makakatulong sa pamilya at mga mahihirap na sektor.
Municipal Agriculture Office na nagbahagi ng mga kaalaman sa makabago at angkop na pamamaraan sa pagsasaka at paghahayupan, pati na rin ang pagbibigay ng suporta sa kabuhayan.
Public Employment Service Office (PESO – Carranglan), nagbukas ng pagkakataon sa trabaho, pagsasanay, at impormasyon tungkol sa mga hanapbuhay na maaaring pasukan ng mga mamamayan.
Public Attorney’s Office (PAO - San Jose City), nagbigay ng libreng serbisyong legal, payo, at tulong sa paghahain ng mga kaso o paglutas sa mga usaping legal.
Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO – Nueva Ecija), nagbigay ng gabay sa wastong pangangalaga sa kalikasan, pagprotekta sa lupang ninuno, at pagsunod sa mga batas pangkapaligiran.
Ang Karapatan Caravan ay hindi lamang isang simpleng paghahatid ng tulong – ito ay patunay na kapag ang bawat ahensya ay nagtutulungan at nagbibigay-halaga sa kanilang tungkulin, ang serbisyo ay nakararating nang direkta sa mga taong pinakakinakailangan nito. Ang dedikasyon ng bawat tanggapan ay nagpapatibay sa katotohanan na ang gobyerno ay naririto, nakikinig, at kumikilos para sa karapatan, kapakanan, at pag-unlad ng bawat Pilipino – kabilang ang ating mga kapatid na katutubo.