08/10/2026
PONDONG NINAKAW SA BAYAN: ISOLI MO NA, INDAY SARA!
Pinagtitibay ng Commission on Audit (COA) with finality ang disallowance sa ₱73.287 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022, matapos nitong ibasura ang motion for reconsideration ni Vice President Sara Duterte at iba pang opisyal ng OVP. Ayon sa COA, hindi sapat ang mga acknowledgment receipts at iba pang dokumentasyong isinumite upang mapatunayan ang wastong paggamit ng nasabing pondo.
Hindi maliit na halaga ang ₱73 milyon. Sa halip na mapunta sa kuwestiyonableng gastusing hindi sapat ang dokumentasyon, maaari itong ilaan sa mga serbisyong direktang kailangan ng mamamayan, tulad ng dagdag na pondo para sa mga silid-aralan, pagpapalawak ng health care services sa mga probinsya, at iba pang batayang pangangailangan ng mga Pilipino.
Kaya habang dinidinig ang impeachment trial laban kay Sara Duterte, hindi sapat na ibalik lamang ang ₱73 milyon. Ang pagbabalik ng pondo ay hindi awtomatikong nag-aalis ng pananagutan sa paggamit nito. Sa halip, ang pinal na disallowance ng COA ay higit na nagpapatingkad sa usapin ng paggamit ng confidential funds, na kabilang sa mga alegasyong kinakaharap ni Duterte sa impeachment trial.
Hindi sapat ang refund dahil ang kailangan ng mamamayan ay pananagutan. Ang ₱73 milyon ay pera ng taumbayan.
Sa gitna ng kakulangan sa pondo para sa edukasyon, kalusugan, pagkain, at iba pang batayang serbisyo, nararapat lamang na matiyak ang accountability ng mga opisyal sa paggamit ng pondo ng bayan at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas at tiwala ng publiko.