21/09/2026
WALANG MARCOS KUNG WALANG DUTERTE. WALANG DUTERTE KUNG WALANG MARCOS.
Ang original sin ay ang kawalan ng pananagutan para sa mga nang-abuso at nagnakaw sa bayan pagkatapos ibagsak ng 1986 EDSA People Power uprising ang diktadurang Marcos Sr.
Walang nakulong na torturer.
Walang nakulong na berdugong opisyal ng pulis o militar.
Walang nakulong na kroni, o kontraktor, o kasabwat sa malaking nakawan noong Martial Law.
Walang nakulong na kahit isang Marcos o Romualdez.
Nitong buwan nga lang, ang huling kriminal na kaso na maaaring magpakulong sana kay Imelda Marcos para sa kanyang mga kasalanan sa taumbayan ay binaliktad pa ng Korte Suprema โ sa panahong si Ferdinand Marcos Jr. ang nakaupo sa Malacaรฑang. (Ano ang aasahan natin?)
Ito ang parehong Korte Suprema na nagpahintulot sa pananatili ng Martial Law noong 1973, sa desisyon nito sa Javellana v Executive Secretary; at ang Korte Suprema na nagbaliktad din sa naunang conviction (noong 1993) ni Imelda para sa isang graft case na may kinalaman sa pagpapatayo ng LRT-1 noong 1984.
Kaya noong naging pangulo si Rodrigo Duterte, walang habas ang pang-aabuso sa kapangyarihan na inihasik nito. Iniutos at pinahintulutan ni Duterte ang pagpatay ng pulisya sa libo-libong mga inosenteng mamamayan sa ilalim ng kanyang madugong drug war. Sumunod dito ang pamamaslang, pagdukot, pagpapakulong, at pananakot sa daan-daang mga aktibista, organisador, lider-estudyante, magsasaka, manggagawa, lingkod-bayan, at iba pang lumalaban sa kanyang rehimen.
Ipinatapon ni Duterte sa bilangguan si Leila de Lima dahil sa mariin niyang pagtutol sa madugong drug war ng rehimeng Duterte.
Binuo ng rehimeng Duterte ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang magpatupad ng de facto Martial Law sa buong bansa, na ipinagpapatuloy naman ni Marcos Jr.
Nakasandig ito sa pananatili ng Martial Law mindset sa ating gobyerno, na para bang hindi ibinagsak ng EDSA 1986 ang diktadura.
Sa gitna ng pagdanak ng dugo sa ilalim ng rehimeng Duterte, katakot-takot na kaso ng nakawan ang sumunod, mula sa budget insertions, presidential pork barrel, paglobo ng pondo sa imprastruktura, hanggang sa pandarambong ng Pharmally, na pagmamay-ari ng drug lord at kroni ni Duterte na si Michael Yang.
Sa panahon ng mga Duterte nagsimulang kumita ng bilyon-bilyon sa flood control projects ang mga Discaya.
Magkasabwat ang mga Marcos at Duterte sa pagnanakaw at pamamaslang. Ngunit higit na nagsabwatan ang dalawang dinastiyang ito sa pambabaluktot sa katotohanan at kasaysayan ng ating bayan.
Si Duterte ang nagpalibing sa mga labi ni Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani noong 2016.
Mga troll networks at propagandista ni Duterte ang tumulong na maglinis ng pangalan ng mga Marcos sa social media, gamit ang bilyon-bilyong nakaw na yaman nila.
Sa panahon ni Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education, itinulak niya sa ilalim ng MATATAG curriculum ang pagtatanggal ng pangalang "Marcos" sa paksa hinggil sa diktadurang Marcos.
Noong 2022, nagsanib-pwersa sa ilalim ng bandera ng Uniteam ang mga Marcos at Duterte upang ipanalo ang halalan sa pamamagitan ng pagbaha ng bilyon-bilyong pera, disimpormasyon, pambabaluktot sa kasaysayan, at iba pang taktika ng panloloko.
Ngayon, naghiwalay na ang mga paksyong Marcos at Duterte. Nakakulong na si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court. Humaharap sa isang impeachment trial si Sara Duterte. Nakakulong na rin si Martin Romualdez, pinsan ni Marcos Jr. at isa sa mga benepisyaryo ng malaking nakawan noong panahon ng diktadurang Marcos Sr. Ikinukubli pa rin ng rehimeng Marcos Jr. ang kamay nito sa matinding nakawan sa flood control projects sa kanilang panahon.
Nag-iba na rin ang tono ng mga alipores ng pamilya Duterte. Tila ba nakikiisa na rin daw sila sa mga panawagang "never again, never forget," at ilang ulit pang nanawagan na bumitiw sa pwesto si Marcos Jr. (Talaga ba?)
Pero ang hindi dapat natin nakalilimutan, sa ating muling paggunita ng anibersaryo ng Martial Law apat na taon matapos manalo ang tambalang Marcos-Duterte, ay WALA SILANG PINAGKAIBA.
Parehong duguan ang rekord ng mga Marcos at Duterte, mula sa panahon ng Martial Law ni Marcos Sr., hanggang sa drug war ni Duterte, hanggang sa kasalukuyan.
Parehong may bahid ng pandarambong ang kanilang mga dinastiya, at patuloy itong pinakikinabangan ng kanilang mga angkan, alipores, at kaalyado.
Parehong sinungaling, mapanlinlang, at ahente ng historical distortion ang mga pamilya Marcos at Duterte. Sa patong-patong na kasinungalingan nila nakatuntong ang kanilang kapangyarihan.
Kaya naman, ang ibig sabihin dapat ng "never again!" natin ay isang malinaw na NEVER AGAIN TO MARCOS, NEVER AGAIN TO DUTERTE. Never again sa pasistang diktadura. Never again sa tiraniya. Never again sa pandarambong sa yaman ng ating bansa.
At ang ibig sabihin dapat ng "never forget" natin ay ang walang-sawang pag-uulit na walang Duterte kung walang Marcos, at walang Marcos kung walang Duterte. Dalawang mukha lamang sila ng iisang halimaw.
Huwag tayong makakalimot sa mga mahahalagang aral ng Setyembre 21.
Never again!
Never forget!
Marcos singilin, Duterte panagutin!