18/08/2026
🪅PISTA SA NAYON: ARAW NG PAMILYANG 4P's 2026
Isang araw na puno ng saya, pagkakaisa, kultura, at pagmamahalan ng bawat pamilyang Pilipino ang matagumpay na idinaos noong Agosto 14, 2026 sa Barangay Binagasbasan, Garchitorena, Camarines Sur, sa pagdiriwang ng Araw ng Pamilya 2026 ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na may temang “Pista sa Nayon.”
Nakiisa sa makulay na pagdiriwang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya mula sa tatlong islang barangay ng Garchitorena—Denrica, Sumaoy, at Binagasbasan. Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, binigyang-halaga ng aktibidad ang mayamang kulturang Pilipino, ang ating sariling wika, at higit sa lahat, ang matibay na samahan ng pamilyang Pilipino.❤️
Tampok sa programa ang masiglang paligsahan sa katutubong sayaw, sayaw-ehersisyo, at pag-awit, kung saan buong husay at kumpiyansang ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang talento. Lalong naging makulay ang araw dahil sa iba't ibang palaro at gawaing pampamilya, pati na rin ang pagtatanghal ng payaso at maskot, kuhanan ng larawan, libreng cotton candy, pagpipinta sa mukha, at iba pang gawaing naghatid ng ngiti at saya, lalo na sa mga bata. 🎭🎨🍭📸
Higit pa sa mga paligsahan at kasiyahan, ang Araw ng Pamilya ay nagsilbing pagkakataon upang higit na mapagtibay ang pagkakaisa, pagtutulungan, at magandang samahan ng mga pamilya at komunidad. Ipinakita rin nito na sa kabila ng pagkakahiwalay ng mga pamayanan dahil sa dagat, nagkakaisa ang bawat isa sa pagpapahalaga sa pamilya, kultura, at komunidad. 🤝❤️
Ang tagumpay ng gawaing ito ay hindi magiging posible kung wala ang buong pusong pakikiisa at suporta ng ating mga katuwang. Lubos na nagpapasalamat ang DSWD Pantawid Pamilyang Pilipino Program – MOO Garchitorena sa Sangguniang Barangay ng Denrica, Sumaoy, at Binagasbasan, Pamahalaang Lokal ng Garchitorena sa pamumuno ni Hon. Nelson Bueza, MSWD Head Muriel Berunio, MDRRMC Garchitorena, at DepEd Garchitorena sa kanilang oras, pagsisikap, tulong, at patuloy na pakikipagtulungan.
Maraming salamat sa inyong walang sawang suporta at malasakit sa mga pamilyang Pantawid. Ang inyong pakikiisa ay malaking bahagi ng tagumpay ng programa at nagbibigay-daan upang makapaghatid tayo ng mas makabuluhan at masayang mga gawain para sa ating mga benepisyaryo. 💙
Taos-pusong pasasalamat din sa lahat ng mga magulang, kabataan, mga bata, lider, kawani, katuwang, at boluntaryo na naglaan ng panahon at lakas upang maging matagumpay at hindi malilimutan ang pagdiriwang na ito.
Sa Pista sa Nayon, tunay na buhay ang diwa ng Buwan ng Wika—pagmamahal sa sariling kultura, pagpapahalaga sa ating pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng bawat pamilyang Pilipino.
Masayang pamilya, matatag na komunidad, at kulturang Pilipinong patuloy nating ipinagmamalaki!❤️