08/10/2026
PAALALA AT PANAWAGAN SA LAHAT NG PET OWNERS ng Veraville Villa Grande Classic:
Ang pagkakaroon po ng alagang hayop ay may kaakibat na responsibilidad. Hindi lamang po tayo responsable sa pagkain, kalusugan, kalinisan at kapakanan ng ating mga aso, pusa, ibon, at iba pang alagang hayop. Bilang mga pet owners, tungkulin din po nating tiyakin na hindi sila basta-bastang nakakalabas ng ating mga tahanan nang walang nagbabantay o umaalalay sa kanila.
Ang mga alagang hayop na malayang gumagala sa mga kalsada ay maaaring magdulot ng iba’t ibang panganib —- maaari silang makadumi sa paligid, makapanakit o makakagat ng ibang residente, o maging sanhi ng aksidente sa mga motorista at pedestrians.
Kahapon, Oktubre 07, 2026, sa hindi inaasahang insidente ang nangyari na may kinalaman sa ganitong sitwasyon. Isang homeowner at BOD/Officer ng VVGC HOA, si Ms. Maryann Cabral, ay sakay ng kanyang e-trike nang biglang may mga asong lumabas mula sa isang tahanan sa White Drive. Dahil hindi niya agad nakita ang mga aso at upang maiwasang masagasaan ang mga ito, napilitan siyang biglang magpreno. Dahil sa biglaang pagpreno, tumilapon at bumagsak ang kanyang e-trike, na naging sanhi ng pagkakaroon niya ng maraming sugat at pinsala. Kinailangan din siyang dalhin sa ospital upang mabigyan ng kaukulang medical attention.
Mas nakalulungkot pa rito na hindi umano agad lumabas ang may-ari ng mga aso upang tumulong kay Ms. Cabral matapos ang insidente.
Ang pangyayaring ito ay isang mahalagang paalala sa ating lahat na ang pagiging pet owner ay may kaakibat na pananagutan at obligasyon. Hindi natin dapat hintayin na may masaktan, makagat, o magkaroon ng mas malubhang aksidente bago tayo kumilos.
Kaya naman, mariin po naming hinihiling sa lahat ng pet owners na:
1. Siguraduhing ligtas at maayos na nakakulong o nakatali ang inyong mga alagang hayop;
2. Huwag silang hayaang gumala sa kalsada nang walang kasama o nagbabantay;
3. Panatilihing malinis ang paligid at agad linisin ang anumang dumi ng inyong alagang hayop;
4. Siguraduhing hindi sila magiging sanhi ng panganib o abala sa ibang residente.
Kapag may insidenteng kinasasangkutan ng inyong alagang hayop, maging responsable at agad tumulong sa sinumang naapektuhan.
Ang layunin po ng paalalang ito ay hindi manisi kundi maiwasan ang pag-uulit ng ganitong insidente at mapanatili ang kaligtasan, kaayusan, at magandang samahan ng lahat ng residente ng Veraville Villa Grande Classic.
Maging responsable tayo bilang pet owners. Ang kaligtasan ng ating mga alaga at ng ating kapwa residente ay pananagutan nating lahat.
Maraming salamat po sa inyong pang-unawa at pakikiisa.
VVGCHOA
Board of Directors / Officers
Veraville Villa Grande Classic Homeowners Association