15/09/2026
CSIMO UPDATES | Isang mahalagang hakbang tungo sa mas maaasahang suplay ng tubig para sa mga sakahan ang isinagawa sa Barangay Casuray, Magarao, Camarines Sur sa pormal na turnover ng Casuray Pump Irrigation Project sa Casuray Farmers Agrarian Reform Cooperative (CFARCO). Pinondohan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program–Irrigation Component (CARP-IC) na nagkakahalaga ng ₱10,000,000.00, ang proyekto ay may 60 ektaryang service area at inaasahang mapapakinabangan ng 116 farmer-beneficiaries, kabilang ang 75 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs). Kabilang sa proyekto ang pump site works, pumphouse, sump pump, steel gate, intake structure, at main canal system na binubuo ng 277 metrong lined canal at 783.95 metrong unlined canal, na kumukuha ng tubig mula sa Bicol River.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng National Irrigation Administration (NIA) at mga katuwang nitong ahensya, kabilang sina Engr. Carol L. Rañola, NIA–Camarines Sur Irrigation Management Office (CSIMO) Manager, at Engr. Marivic R. De Lima, Acting Manager ng Engineering and Operations Division (EOD), NIA Region V. Nagbigay rin ng mensahe si Engr. Allen Christopher Agtarap ng CARP-IC Project Management Office (PMO) bilang kinatawan ni Engr. Larry Franada, CARP Central Office Project Manager. Nakiisa rin sa programa ang mga opisyal mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), Provincial Agrarian Reform Coordinating Committee (PARCOM), Local Government Unit of Magarao, Barangay Local Government Unit ng Casuray, at iba pang katuwang na organisasyon. Samantala, pinangunahan ni Cecilio Almazar, Pangulo ng CFARCO, ang pagtanggap ng proyekto para sa mga benepisyaryong magsasaka.
Nagsimula ang implementasyon ng proyekto noong Marso, 2025 at pormal na natapos noong Abril, 2026, sa loob ng 388 calendar days. Sa pagkumpleto at turnover nito, inaasahang mas mapapabuti ang pagkakaroon ng sapat at maaasahang patubig para sa mga magsasaka sa Casuray at mga karatig na lugar, na makatutulong sa pagpapaigting ng produksyon at pagpapatatag ng kanilang kabuhayan. Higit pa sa isang irrigation infrastructure, ang Casuray Pump Irrigation Project ay bunga ng pagtutulungan ng NIA, CARP-IC, DAR, PARCOM, lokal na pamahalaan, at mga magsasaka tungo sa isang mas produktibo at mas matatag na sektor ng agrikultura sa Magarao, Camarines Sur.
sa