04/06/2026
FATHER FLAVIE VILLANUEVA, IDINAWIT NG 18 DATING MARINES SA ALLEGED "MALETA" ISSUE
Nadawit ang pangalan ni Father Flavie Villanueva matapos siyang banggitin ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines sa mga alegasyong may kaugnayan sa umano'y pagtanggap ng maleta.
Ayon sa testimonya ng mga dating Marines, kabilang si Villanueva sa mga personalidad na umano'y nakatanggap ng maleta. Gayunman, wala pang inilalabas na pahayag ang pari kaugnay sa nasabing alegasyon.
Patuloy namang sinusuri ng mga kinauukulang awtoridad ang mga ibinunyag sa pagdinig habang hinihintay ang mga susunod na hakbang ng mga sangkot sa kontrobersiya.
04/06/2026
RIDON, MARIING ITINANGGI ANG AKUSASYONG TUMANGGAP NG MALETANG MAY LAMANG PERA
Mariing pinabulaanan ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang alegasyong tumanggap siya ng maletang may lamang pera, at iginiit na pawang kasinungalingan lamang ang mga paratang na ibinabato laban sa kanya.
Ayon kay Ridon, walang katotohanan ang mga pahayag ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines na nag-uugnay sa kanyang pangalan sa naturang kontrobersiya.
Iginiit din ng mambabatas na handa niyang harapin at sagutin ang anumang alegasyon sa tamang proseso, habang nananawagan na pairalin ang katotohanan at ebidensya sa pagtalakay ng mga isyu.
Ang pahayag ni Ridon ay kasunod ng mga testimonya ng 18 dating Marines na inilahad sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
04/06/2026
BARBERS, HINAMON ANG 18 DATING SUNDALO AT ABOGADO NITO NA IPAGTANGGOL SA KORTE ANG MGA PARATANG
Hinamon ni dating Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang 18 dating sundalo at ang kanilang abogado na si Levy Baligod na patunayan sa korte ang mga alegasyong kanilang inilahad sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Barbers, panahon na upang harapin sa tamang legal na proseso ang mga paratang, lalo na't ilan sa mga personalidad na nadawit sa pagdinig ay naghain na ng mga kaukulang kaso laban sa mga testigo at kanilang kinatawan.
Iginiit din niya na ang hukuman ang nararapat na maging lugar upang mapatunayan ang katotohanan at masagot ang mga akusasyong ibinabato ng magkabilang panig.
Ang pahayag ni Barbers ay kasunod ng kontrobersyal na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan naglahad ng mga alegasyon ang ilang dating miyembro ng militar laban sa iba't ibang personalidad.
04/06/2026
TULFO, PUMALAG MATAPOS MADAWIT ANG KANYANG PANGALAN SA BLUE RIBBON HEARING
Mariing pinabulaanan ni Senador Erwin Tulfo ang mga alegasyong iniuugnay sa kanya matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng isyu sa mga flood control projects.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Tulfo na ang mga paratang laban sa kanya ay walang sapat na batayan at mistulang bahagi ng isang planadong kampanya upang siraan ang kanyang pagkatao at reputasyon.
“Hindi na ito isang simpleng imbestigasyon. Ito ay isang malinaw at planadong propaganda laban sa aking pagkatao at reputasyon,” ani Tulfo.
Binatikos din ng senador ang umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon sa pagdinig at nagpahayag ng pagkadismaya sa paraan ng pagtalakay sa mga isyu. Nagbiro pa siya na tila mas angkop na nagkaroon na lamang ng Facebook Live ang mga sangkot kaysa sa pagpapalaganap ng mga aniya’y walang basehang alegasyon.
Ang pahayag ni Tulfo ay kasunod ng testimonya ng ilang dating miyembro ng Philippine Marines na nagbanggit sa kanyang pangalan sa kontrobersyal na pagdinig ng komite.
04/06/2026
'HINDI AKO NATATAKOT SA MGA SINUNGALING'
Mariing itinanggi ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong ang akusasyong tumanggap siya ng maletang may lamang pera, kasabay ng kanyang matapang na pahayag na hindi siya matitinag ng mga umano'y gawa-gawang paratang laban sa kanya.
Ayon kay Adiong, naniniwala siyang may layuning ilihis ang atensyon ng publiko mula sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang naturang mga alegasyon.
Si Adiong ang kasalukuyang House Trial Spokesperson sa impeachment proceedings.
"Hindi ako magpapa-intimidate ng mga walang basehang akusasyon, recycled narratives, o murang political machinations. Hindi ako natatakot sa mga sinungaling," diin ni Adiong.
02/06/2026
IPAPA-TULFO ANG MGA TULFO?
Binatikos ni Senate President Alan Peter Cayetano si Senador Raffy Tulfo matapos itong hamunin na personal na dumalo sa sesyon ng Senado sa Hunyo 3, kasabay ng ikalawang araw ng hindi pagdalo ng mga senador mula sa majority bloc.
Sa isang Facebook Live, sinabi ni Cayetano na hindi dapat ituring na isang entertainment platform ang Senado at dapat manaig ang propesyonalismo sa mga halal na opisyal.
“Kung hindi ka lang Tulfo, at kung hindi lang Tulfo ang kapatid mong si Erwin, sinumbong ko na kayo kay Tulfo. This is not a radio or TV program. This is not entertainment. This is the Senate of the Philippines. We have to be professional,” ani Cayetano.
02/06/2026
“BUKSAN NA ’YAN!” POST NI IMEE MARCOS, UMANI NG REAKSYON ONLINE
Nag-viral sa social media ang post ni Senator Imee Marcos na may mensaheng “Buksan na ’yan!” kalakip ang asul na puso at ribbon emoji. Dahil sa misteryosong mensahe, umani ito ng iba't ibang reaksiyon at interpretasyon mula sa mga netizens.
02/06/2026
KAARAWAN NI DATING REP. BARBERS, INULAN NG 'HAHA' REACTIONS SA SOCIAL MEDIA
Umabot sa mahigit 54,000 ang "haha" reactions na natanggap ng dating Surigao del Norte Representative na si Ace Barbers matapos siyang batiin ng kanyang asawa at kasalukuyang Surigao del Norte Representative na si Bernadette Barbers sa social media para sa kanyang kaarawan.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Rep. Bernadette Barbers ang kanyang asawa bilang isang dating kongresista, mapagmahal na asawa, responsableng ama, at dedikadong lingkod-bayan.
Gayunman, sa halip na puro pagbati, umani ng libu-libong "haha" reactions at iba't ibang kritikal na komento mula sa mga netizens ang naturang post.
Patuloy namang pinag-uusapan sa social media ang naging reaksiyon ng publiko sa kaarawan ng dating mambabatas.
02/06/2026
POWER PLANT NA PAG-AARI NG PAMAHALAAN SA LAGUNA, NABENTA SA ₱36.266 BILYON
Nabenta na ng pamahalaan ang Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) Hydroelectric Power Plants sa Laguna sa halagang ₱36.266 bilyon matapos magwagi sa bidding ang Thunder Consortium na pinangungunahan ng Aboitiz Renewables Inc., kasama ang Sumitomo Corporation at Electric Power Development Co., Ltd. (J-POWER).
Tinalo ng consortium ang FGKW Consortium, na binubuo ng First Gen Prime Energy at Korea Water Resources, na nagsumite ng bid na ₱19.616 bilyon.
Ang CBK hydroelectric complex ay may kabuuang kapasidad na 797 megawatts at binubuo ng Caliraya plant sa Lumban, Botocan plant sa Majayjay, at Kalayaan pumped-storage plant sa Kalayaan, Laguna.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang opisyal na turnover ng pasilidad sa Thunder Consortium noong Pebrero 9, 2026.
Ayon sa pamahalaan, gagamitin ang nalikom na pondo upang mabayaran ang natitirang obligasyong pinansyal ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) at pondohan ang mga pangunahing proyekto ng gobyerno, kabilang ang mga kalsada, paaralan, at ospital.