03/11/2026
Bago ang pormal na pagsisimula ng ika-67 Regular na Sesyon ng Kagalang-galang na Sangguniang Bayan ng Paete para sa Termino 2025–2028, nagtungo ang inyong lingkod sa tanggapan ng Sangguniang Bayan para sa isang impormal na pagpupulong kasama ang mga miyembro ng konseho upang talakayin ang naging tampok na bahagi ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) Gabi ng Lagim XIV na may kaugnayan sa tradisyon ng pag-uukit sa ating bayan.
Sa nasabing sesyon, pinagtibay ang Sangguniang Bayan Resolusyon Blg. 166, T. 2026, na inakda ni Kgg. Lourdes F. Sunga. Nilalaman nito ang panawagan sa GMA Network at sa pamunuan ng KMJS para sa patas, wasto, at responsableng paglalahad ng mga kuwento at impormasyong may kinalaman sa kultura at pamanang pangkultura ng Paete.
Bilang inyong lingkod, nais kong bigyang-diin na ang paninindigang ito ay hindi nangangahulugang pagsasantabi o pagmamaliit sa personal na karanasan at paniniwala ng sinuman. Kinikilala natin ang karapatan ng bawat isa na magbahagi ng kanilang karanasan at pananaw. Gayunpaman, mahalaga ring magkaroon ng sapat na konteksto, pag-iingat, at responsibilidad sa paglalahad ng mga ganitong kuwento, lalo na kung may epekto ang mga ito sa pagkakakilanlan at reputasyon ng isang bayan.
Hindi natin layuning makipagtalo o magturo ng sisi. Ang nais lamang natin ay matiyak na ang mayamang kasaysayan at tradisyon ng pag-uukit sa Paete ay maipakikilala nang patas at may paggalang, habang kinikilala rin ang mga taong bahagi ng ating pamana.
Sa kabila ng iba't ibang pananaw at pangyayaring ating kinakaharap, patuloy tayong manalig at kumapit sa ating pananampalataya. Huwag nating hayaang manaig ang takot, pangamba, o pagkakahati-hati. Sa halip, pairalin natin ang pag-unawa, respeto, at pananalig sa Diyos. Nawa'y manatili tayong nagkakaisa sa pagmamahal at pagpapahalaga sa ating bayan at sa kulturang minana natin sa mga naunang henerasyon.
Kalakip ng post na ito ang buong kopya ng Sangguniang Bayan Resolusyon Blg. 166, T. 2026, para sa kaalaman at pagbasa ng publiko.