25/05/2026
[ PROJECT GUNITA ]
"KUNG BUHAY ANG INUTANG, BUHAY ANG KABAYARAN"
Ngayong araw, noong 1984, ipinahayag ng Alex Boncayao Brigade (ABB) ng New People's Army ang paggawad nito ng "rebolusyonaryong hustisya" kay Hen. Tomas Karingal.
Si Karingal ang isa sa mga pangunahing commander ng Philippine Constabulary (PC) sa Metro Manila at hepe ng Quezon City Police District (QCPD) noong panahon ng diktadurang Marcos Sr.
Ilan sa mga notoryus na hakbang ni Hen. Karingal bilang isa sa mga tagapagpatupad ng lagim ng rehimeng Marcos Sr. ang pagsupil sa mga iskolar ng bayan na lumahok sa mga protesta noong First Quarter Storm (FQS) at Diliman Commune (1970-71); ang pananakot at panghaharang sa mga miyembro at taga-suporta ng ATOM - August Twenty-One Movement na lumahok sa "Tarlac to Tarmac" March noong Enero 1984, nang sila ay papasok na ng Metro Manila galing sa Bulacan; at ang marahas na pagbuwag ng PC sa isang welga noong Abril 1984, na pumaslang sa dalawang manggagawa.
Sa kanilang pahayag, na inilathala sa Ang Bayan (ang opisyal na pahayagan ng Communist Party of the Philippines), inako ng ABB ang pagpaslang kay Karingal noong Mayo 24, 1985 sa ngalan ng "rebolusyonaryong hustisya." Anila, ang pangunguna ni Karingal sa mga marahas na pagbuwag sa mga welga, rali, at iba pang mapayapang pagtitipon laban sa diktadurang Marcos ang dahilan kung bakit minarapat nilang panagutin ang heneral. Idinagdag pa nilang hindi lang si Karingal ang "sagadsaring pasista" mula sa diktadura na dapat mapanagot.
Para sa historyador na si Alfred McCoy, sa kanyang aklat na "Closer Than Brothers" (isang pagbabaybay sa militar at pulisya sa ilalim ni Marcos Sr), sinabi nito na isang mapagpasyang yugto sa kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng diktadura ang pagpaparusa ng ABB kay Hen. Karingal. Kung sakaling naabutan daw ni Karingal ang pag-aalsang People Power 1, ani niya, hindi rin ito mangingiming gumamit ng dahas laban sa milyon-milyong mamamayang nagtipon sa EDSA noong Pebrero 1986.
Sa paglaon ng panahon, ipinangalan ang isang kampo sa Quezon City sa heneral (Camp Karingal), samantalang patuloy namang nakilala ang ABB bilang isa sa mga kilabot na "sparrow unit" ng NPA.
*Nagmula sa digital archives ng University of Hawaiʻi at Mānoa ang orihinal na scanned copy ng isyu na ito ng Ang Bayan, isa sa mga underground na pahayagan na lumaban sa pagsesensura (censorship) at paniniil ng diktadurang Marcos Sr. Maaari itong matagpuan sa link na ito: https://evols.library.manoa.hawaii.edu/items/76706bd0-80ae-433e-876b-d737c5125740.

24/05/2026
23/05/2026
19/05/2026
12/05/2026
07/05/2026
24/04/2026
12/04/2026
12/04/2026
08/04/2026
26/02/2026