05/11/2026
GOB. AGLIPAY, INILAPIT ANG SERBISYO NG KAPITOLYO SA PGC CARAVAN SA SOLANA, CAGAYAN
Inilapit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang iba't ibang serbisyo ng Kapitolyo sa ginanap na "People's Day Caravan" sa bayan ng Solana, ngayong Huwebes.
Pinangunahan ni Gob. Edgar "Tatay Egay" Aglipay ang naturang aktibidad katuwang sina Mayor Meynard Carag, Vice Mayor Jennelyn Carag, at iba pang mga lokal na opisyal ng munisipalidad.
Kabilang sa mga pangunahing serbisyo na dinumog ng mga residente ay ang libreng medical at dental services mula sa Provincial Health Office (PHO), sa pakikipagtulungan ng Municipal Health Office (MHO) ng Solana.
Namahagi rin ang naturang tanggapan ng mga libreng gamot at bitamina, bukod pa sa isinagawang feeding program para sa mga dumalong residente.
Umarangkada rin sa aktibidad ang Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) sa pamamagitan ng pamamahagi ng tulong-pinansyal sa ilalim ng kanilang Cash-for-Work Program. Dito, aabot sa 125 benepisyaryo na nagtanim ng kawayan ang tumanggap ng tig-₱2,250.
Isinabay rin sa aktibidad ang distribusyon ng pondo para sa No Barangay Left Behind (NBLB) program, NHLB Strategic Alignment meeting, at iba pang mga programa ng iba't ibang departamento ng Kapitolyo na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Ang People's Day Caravan ay isa lamang sa mga inisyatiba ni Gob. Aglipay upang personal na maipaabot ang tulong sa mga Cagayano. Layunin din nitong makasama ang mamamayang Cagayano upang personal na mabatid ang kanilang mga hinaing, suhestiyon, at saloobin na dapat isaalang-alang tungo sa mas maayos na pagseserbisyo sa lalawigan. (Gelo Maguddayao)