17/09/2026
KWF, NAGSAGAWA NG VALIDATION SA SDO CATANDUANES KAUGNAY NG EO 335.
CATANDUANES —Nagsagawa ng validation ang mga kinatawan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kaugnay ng pagpapatupad ng Atas Tagapagpaganap Blg. 335 sa Bulwagan ng Tanggapan ng Sangay ng mga Paaralan ng Catanduanes (Schools Division Office of Catanduanes) noong Setyembre 16, 2026.
Ginawa ang validation nina Pinky Jane S. Tenmatay at Jeslie D. Luza, kapwa Senior Language Researcher ng Sangay ng Salin ng KWF.
Bago isinagawa ang validation, nagkaroon muna ng maikling palatuntunan na sinundan ng pagsusuri sa mga dokumento at iba pang pruweba ng pagpapatupad ng Atas Tagapagpaganap Blg. 335. Nakiisa sa gawain ang Lupon sa Wikang Filipino ng Sangay, kasama ang iba pang mga kawani na nagharap ng mga dokumentaryong ebidensiya ng mga hakbang na isinagawa ng tanggapan upang maisulong ang paggamit ng wikang Filipino sa mga opisyal na komunikasyon, transaksiyon, at korespondensiya.
Ikinatuwa ni Ma. Jeany T. Abayon, Kawaksing Tagapamanihala at OIC-Tagapamanihala ng Sangay, ang pagdalo ng mga kinatawan ng KWF at ang pagsasagawa ng validation sa SDO Catanduanes.
Ayon kay Abayon, mahalagang gamitin ang wikang Filipino sa paghahatid ng serbisyo publiko sapagkat nakatutulong ito upang maging mas malinaw, mas madaling maunawaan, at mas malapit sa mga stakeholder ang mga impormasyon at serbisyong ipinagkakaloob ng tanggapan.
Pakikipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan
Matapos ang validation sa SDO Catanduanes, isinagawa rin, sa pakikipag-ugnayan ng Sangay, ang isang panayam at talakayan sa Pamahalaang Bayan ng Baras upang higit na maunawaan ng mga kawani nito ang layunin at kahalagahan ng Atas Tagapagpaganap Blg. 335.
Pinangunahan ni Gng. Tenmatay ang panayam na naglalayong magbigay ng higit na kaalaman hinggil sa paggamit ng Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya ng mga tanggapan ng pamahalaan.
Ang naturang gawain ay umaayon sa mandato ng KWF na itaguyod ang pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng wikang Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas.
Legal na Batayan
Alinsunod sa Republic Act No. 7104, o An Act Creating the Commission on the Filipino Language, Prescribing Its Powers, Duties and Functions, and Appropriating Funds Therefor, and for Other Purposes, nakasaad sa Seksyon 14(h) ang tungkulin ng KWF na magsagawa sa pambansa, rehiyonal, at lokal na antas ng mga pandinig pampubliko, kumperensiya, seminar, at iba pang pangkatang talakayan upang umalam at tumulong sa paglutas ng mga suliranin at isyung may kaugnayan sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas.
Samantala, ang Atas Tagapagpaganap Blg. 335 ay nag-aatas sa lahat ng kagawaran, kawanihan, tanggapan, ahensiya, at instrumentalidad ng pamahalaan na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang magamit ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.
Kabilang sa mga hakbang na isinusulong ang paggamit ng Filipino sa mga opisyal na komunikasyon, transaksiyon, at korespondensiya; pagsasalin sa Filipino ng mga pangalan ng mga tanggapan, gusali at pampublikong edipisyo; at paggamit ng Filipino sa mga karatula at iba pang impormasyong pampubliko.
Sa pamamagitan ng isinagawang validation at
pakikipag-ugnayan sa LGU, ipinakikita ng SDO Catanduanes ang patuloy nitong pagsuporta sa pagsusulong ng wikang Filipino bilang mahalagang kasangkapan sa malinaw na komunikasyon, mahusay na serbisyo publiko, at makabuluhang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan at stakeholder.
Patuloy na isusulong ng Sangay ang paggamit ng Filipino hindi lamang bilang wika ng komunikasyon kundi bilang mahalagang bahagi ng paghahatid ng serbisyong malinaw, inklusibo, at higit na nauunawaan ng bawat Catandunganon.
(Ma. Gina M. Templonuevo)
📷ICTU