09/09/2026
Mula sa munting bakuran ng paaralan kung saan unang sumibol ang kanyang pangarap, ngayon ay nasa malawak na siyang larangan, tangan hindi lamang ang kanyang pangalan, kundi ang dangal ng buong Pilipinas.
Kilalanin si Robin D. Casulla, labingwalong taong gulang mula sa Barangay Cabungan, Anda, Pangasinan, isang masipag at dedikadong estudyante at atleta na patuloy na nagsisikap upang maabot ang kaniyang mga pangarap.
Nakilala niya ang isport na baseball noong siyaโy nasa elementarya. Sa isang simpleng paglalaro sa bakuran ng paaralan, doon nagsimula ang kaniyang hilig sa isport na ito. Dinala niya ang hilig na iyon hanggang sa sekondarya sa Cabungan National High School, kung saan higit pang nahubog ang kaniyang kakayahan at disiplina bilang isang atleta sa tulong ng kanyang batikan at magaling na coach na si Sir Ramil R. Cefra. Sa pagsali sa ibaโt ibang paligsahan, unti-unting nahasa ang kaniyang husay, determinasyon, at tibay sa bawat laro. Ang kaniyang pagsisikap ay nagbunga nang marating niya ang Palarong Pambansa, isang mahalagang yugto na nagdagdag sa kaniyang karanasan at lalo pang naglapit sa kaniya sa mas malaking oportunidad.
Higit pa roon, ang baseball ang naging tulay niya tungo sa isang panibagong yugto ng kanyang buhay. Dahil sa kanyang husay at dedikasyon sa laro, nabigyan siya ng pagkakataong makapagpatuloy ng pag-aaral bilang kolehiyo sa Adamson University. Dito, hindi lamang niya ipinagpapatuloy ang kaniyang edukasyon, kundi patuloy rin niyang hinuhubog ang kaniyang sarili bilang isang estudyante at atleta, dala ang pangarap na minsang nagsimula sa isang simpleng paglalaro.
Bunga ng bawat matinding ensayo, mahabang oras ng pagsasanay, at pagod at pawis na kanyang tiniis, ang pangarap na minsang nasa isip lamang ay tuluyang naging katuparan nang mapabilang siya sa mas malaking larangan ng baseballโang U18 Philippine Baseball Team.
Ang pagkakapabilang niya sa pambansang koponan ay hindi lamang basta-bastang dumating. Isa itong malaking tagumpay na kanyang pinagpaguran, pinaglaanan ng maraming oras, at sakripisyo. Kayaโt sa bawat pagpasok niya sa field, dala niya hindi lamang ang husay sa laro, kundi ang bunga ng lahat ng pagsisikap na kanyang inilaan upang marating ang lahat ng ito.
Maliit man ang field na kanyang pinagmulan, malayo ang narating ng pangarap na doon unang sumibol. Mula sa paglalaro para sa kanyang paaralan, ngayon ay Pilipinas na ang kanyang kinakatawan, isang tagumpay na maipagmamalaki sa bawat hampas at laban.
ctto: Sheila Mae Calicdan