15/04/2026
Kilalanin natin si Jessie Ray F. Esquillo, isang 4Ps Parent Leader mula sa Brgy. Casay, Anini-y. Sa kabila ng mga "sunog na cake" at matitigas na cookies noong simula, hindi siya sumuko. Gamit ang kanyang TESDA NC II Cookery at determinasyon, napalago niya ang kanyang maliit na baking business sa tulong ng programang 4Ps.
Mula sa manu-manong pagbati ng itlog, ngayon ay mayroon na siyang kagamitan at masiglang negosyo na bumubuhay sa kanyang pamilya. Isang tunay na inspirasyon ng pagsisikap at tamang paggamit ng oportunidad!
Basahin ang kanyang buong kwento ng tagumpay. 👇
Tatak 4Ps: Mula sa harina patungo sa ginhawa
Testimonya ni Jessie Ray Esquillo
4Ps Parent Leader
ANINI-Y, ANTIQUE - Ako si Jessie Ray F. Esquillo, taga Brgy. Casay, ng bayan at probinsya na ito. Ang aking asawa ay si Ferdinand at kami ay biniyayaan ng dalawang anak na sina Flaire Jesiah at Elijah Rhein.
Bago kami mapasama sa programa, ako ay nagtitinda ng mga lutong-ulam sa paaralan, at tuwing hapon naman ay nagtitinda ng mga shake upang madagdagan ang aming kita. Samantala, ang aking asawa ay nagtatrabaho bilang isang karpentero.
Sa kabila ng aming pagsisikap, nananatiling limitado ang aming kinikita, kaya’t patuloy kaming naghahanap ng paraan upang masuportahan ang pangangailangan ng aming pamilya.
Noong 2023, kami ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Set 12A, at ako rin ay napili bilang isang Parent Leader sa aming barangay.Nang magsimula kaming makatanggap ng cash grant, nakita ko ito bilang isang oportunidad upang makapagsimula ng maliit na kabuhayan.
Sa tulong ng aking natutunan mula sa aking tiyahin at sa pormal na pagsasanay na aking natapos, ang NC II Cookery mula sa TESDA noong 2017, nagkaroon ako ng lakas ng loob na simulan ang aking paglalakbay sa mundo ng pagbe-bake. Ang mga kaalaman at kasanayang aking natutunan ang nagsilbing pundasyon upang unti-unti kong maitaguyod ang aking sariling maliit na negosyo.
Nagsimula ako sa napakaliit na kapital, pambili lamang ng asukal, itlog, baking powder, mantika, at arina. Wala akong mamahaling kagamitan noon. Isang simpleng wire whisk lamang at ang lakas ng aking mga kamay ang aking sandata sa pagbati ng itlog hanggang ito ay maging meringue.
Hindi naging madali ang simula. Ang unang batch ng cookies ay sobrang tigas, at ang unang cake ko naman ay hindi umalsa; naging manipis pa sa pancake. Ngunit sa halip na sumuko, itinuring ko ang mga pagkakamaling iyon bilang “tuition fee” sa paaralan ng karanasan. Natutunan kong ang tagumpay ay bunga ng tiyaga at patuloy na pagkatuto.
Ang aking mga unang customer ay aking mga kapitbahay at kaibigan. Doon ko naranasan ang kapangyarihan ng word-of-mouth, unti-unting lumawak ang aking merkado. Ang bawat kinita ko ay hindi ko ginastos sa sarili; sa halip, ibinabalik ko ito sa negosyo. Nakabili ako ng mas maayos na baking pan at kalaunan ay isang hand mixer. Doon ko napagtanto na hindi sapat na masarap lamang ang product, dapat ay consistent ang kalidad at kaakit-akit din ang itsura.
Sa paglipas ng panahon, lumago ang aking maliit na negosyo. Ang dati’y isang sulok lamang ng kusina ay naging mas maayos na lugar na aking pinagtatrabahuhan. Mula sa isang oven ay naging dalawa, at ang hand mixer ay napalitan ng stand mixer. Sa tulong din ng 4Ps, nadagdagan ang aking puhunan at nakapag-ipon kami ng mga kagamitan tulad ng refrigerator, TV, chiller, laptop, at printer—mga bagay na nakatulong sa pagpapalago ng aking negosyo.
Minsan tinatanong ako ng aking mga kasamahan kung ano raw ang sekreto ko? Para sa akin dapat huwag matakot magkamali- ang bawat sunog na cake ay aral kung paano mas gagaling sa susunod. Makinig sa customer dahil sila ang nagsasabi kung ano ang patok at kung ano ang dapat pagbutihin. At higit sa lahat, ang kita ng negosyo ay para sa negosyo, hindi para sa pansariling luho.
Sa kasalukuyan, ang pagbe-bake ay hindi na lamang dagdag kita, ito na ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng aming pamilya. Mula sa maliit na puhunan, kami ngayon ay namumuhay nang payapa at masaya, at patuloy na nagsusumikap upang maabot ang aming mga pangarap.
Sa bawat positibong komento mula sa aking mga customer, naaalala ko ang mga araw na pagod na pagod ang aking mga kamay at kulang sa tulog. Ngunit sa huli, masasabi kong sulit ang lahat ng hirap at sakripisyo. Patuloy akong mag-i-improve, dahil ang bawat tagumpay ay nagsisimula sa paniniwala sa sarili at sa hindi pagsuko.
Ako ay lubos na nagpapasalamat sa 4Ps dahil ito ang naging daan upang makapagsimula ako ng sariling kabuhayan. Sa tulong ng programa at sa aking pagsusumikap, nagbago ang kalagayan ng aming pamilya.
Patuloy kong pinapaunlad ang aking baking business habang ginagampanan ang aking tungkulin bilang isang ina at PL sa aming komunidad. Nais kong maging inspirasyon sa kapwa kong benepisyaryo na gamitin nang tama ang tulong na natatanggap at magsumikap upang maabot ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.
Para mapaunlad ko rin ang aking komunidad, nagpaplano akong turuan din ang iba ko pang kasamahan na gustong ring matuto./hrgo/ANINI-Y MOO, Antique POO