05/03/2026
HUSTISYA PARA SA LAHAT NG BIKTIMA NG BLOODY SUNDAY MASSACRE! HUSTISYA PARA SA RIZAL 6!
Sa nalalapit na ikalimang taon magmula noong naganap ang Bloody Sunday Massacre—Marso 7, 2021, siyam na aktibista sa Timog Katagalugan ang walang awang pinaslang ng 80th IB, 2nd ID, RMFB, at SAF-PNP—anim sa kanila ay mula sa probinsya ng Rizal.
Kabilang sa Rizal 6 na walang awang pinaslang ay ang magkapatid na katutubong Dumagat-Remontado na sina Puroy at Randy dela Cruz, dalawang setler na katutubong Aklanon na sina Abner at Edward Esto, at dalawang lider-maralita na sina Mark Lee Bacasno at Melvin Dasigao. Ang mga nabanggit ay mga lider sa pakikibaka para sa lupa ng kanilang mga komunidad na tutol din sa pagtatayo ng mga dambuhala at mapanirang proyekto tulad ng Kaliwa Dam at Wawa-Violago projects.
Limang taon na ang lumipas, ngunit patuloy pa rin ang kaliwa’t kanang pasismo sa pangunguna ng NTF-ELCAC at militar. Mula sa mga serye ng red-tagging seminars na binibisan lang bilang “leadership” seminars. Dagdag pa dito ang terorismo mula sa mga malulupit na militar; danas ng mga lider-organisador ng Rizal ang patuloy at walang katwirang paniniktik o surveillance mula sa mga intel na siyang nagpapalaganap ng terror tagging.
Patunay ang madugong krimen ng Bloody Sunday Massacre sa lantarang kalapastanganan ng AFP-PNP sa taumbayan.
Sa kasalukuyan na lantaran ang iba’t-ibang porma ng korapsyon na ang numero unong promotor ay sina Marcos Jr. at Sara Duterte! Ang dugo ng mga martir ng Bloody Sunday ay magsisilbing binhi ng ating patuloy na pakikibaka. Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos at China-Duterte, lalong magbubukload ang mamamayan para lumaban.
Pinakamataas na pagpupugay sa mga martir ng probinsya ng Rizal!
Ipagpatuloy ang nasimulang laban para sa karapatan!
Katarungan para sa lahat ng biktima ng Extra-Judicial Killings at lahat ng paglabag sa karapatang pantao!
Mabuhay ang mga dakilang anak ng bayan ng Rizal!
23/02/2026
MAMAMAYANG RIZALEÑO, WAKASAN ANG KORAPSYON!
MARCOS PATALSIKIN, DUTERTE PATALSIKIN!
Nagsagawa kahapon ng kilos protesta ang Bagong Alyansang Makabayan - Rizal kasama ang iba't ibang organisasyon bilang paggunita sa nalalapit na EDSA Uprising.
Pinatampok ang mga panawagan hinggil sa mga socio-ekonomikong krisis at pagpapanagot sa hari at reyna ng korapsyon na si Marcos Jr. at Sara Duterte.
Ayon kay Bobby Zilmar coordinator ng BAYAN Rizal "ang EDSA uno at EDSA dos ay simbulo ng lakas ng mamamayan upang patalsikin ang mga labis na nagpapahirap sa bayan at handa ang mamamayang Rizaleño kasama ng sambayanang Pilipino para labanan ulit iyon ngayon"
Nananawagan ang BAYAN - Rizal sa malawak na hanay ng mamamayan na sumama sa mga kilos protesta at magkita-kita tayo sa Pebrero 25 sa EDSA-Ortigas.
Lahat ng sangkot, dapat managot!
Marcos-Duterte Patalsikin!
21/02/2026
𝗟𝗔𝗡𝗗𝗙𝗜𝗟𝗟 𝗦𝗔 𝗕𝗥𝗚𝗬. 𝟭𝗕 𝗛𝗔𝗥𝗔𝗡𝗚𝗔𝗡, 𝗠𝗢𝗡𝗧𝗔𝗟𝗕𝗔𝗡, 𝗥𝗜𝗭𝗔𝗟, 𝗚𝗨𝗠𝗨𝗛𝗢!
Gumuho ang landfill ng basura sa Brgy. 1B Harangan, Rodriguez, Rizal bandang 2:00 PM ng ika-20 ng Pebrero.
Sa kasalukuyan, 100 na katao ang naapektuhan ng pagkaguho at 50 ang nawawala pa, kabilang ang isang lokal mula sa grupo ng ISLABA na dating aktibong kabataan ng Anakpawis Payatas.
Ayon sa ulat ng mga lokal sa Sikad, walang ginagawang rescue ang munisipyo at barangay Montalban para sa mga nakabaon pa sa pagguho. Hinaharangan naman ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS) ang mga media na nais pumasok sa site upang i-ulat ang trahedya, habang patuloy na umiikot ang mga kapulisan sa lugar, na tinatanaw bilang sangkot sa pananakip.
Tinakot naman ang isang residenteng scavenger na nakakuha ng litrato't inupload sa social media. Iniulat na siya ay pinuntahan ng mga tao ng ISWIM at pinabura ang inupload sa pamamagitan ng pag-intimida, at sa kasalukuyan ay hindi naproprotektahan ng batas ang tinakot na scavenger.
Ayon sa mga ulat, ang Makati, Mandaluyong, Pasig, Pasay, Caloocan, Taguig, Pateros, Marikina, San Juan, Parañaque, Muntinlupa, Valenzuela, at Las Piñas ang ilan sa mga bayan na nagtatambak ng basura sa 1B Harangan. Karagdagan, matagal na ring pinagbabantaan ng demolisyon ang Brgy. 1B mula sa pag-aangkin ng lupa ng New San Jose Builders Inc. (NSJBI) na pagmamay-ari ni Jerry Acuzar, na nagsilbing Secretary ng Department of Human Settlements and Urban Developments mula 2022 hanggang 2025.
Noong taong 2023, sinubukang sukatin ang lupang ito at may naganap pang sunog na pinaniniwalaang sinasadya upang takutin at paalisin ang mga residente.
Nananawagan ang Bagong Alyansang Makabayan – Rizal sa lokal na pamahalaan ng Montalban na huwag hadlangan ang midya at mga residenteng nais maglabas ng impormasyon, huwag pagtakpan ang kapalpakan sa insidenteng ito, magsagawa ng agarang rescue at relief operations, maglunsad ng malalim at transparent na imbestigasyon, at panagutin ang mga responsable sa proyektong naglantad sa panganib ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
Hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng komunidad para sa negosyo at kapabayaan. Hustisya para sa mga biktima!
# # #
20/02/2026
MAMAMAYANG RIZALEÑO, WAKASAN ANG KORAPSYON!
BAHAIN NG PROTESTA ANG LANSANGAN!
MARCOS PATALSIKIN, DUTERTE PATALSIKIN!
Kahit anong pagmamalinis ni Marcos Jr. sa isyu ng kurapsyon hindi na mapigilan ng kanyang administrasyon ang paglitaw ng mga ebidensyang nagtuturo sa kanyang direktang papel sa malawakang korapsyon. Nitong nakaraan lamang lumabas ang ebidensya nang pagtanggap niya ng 8 bilyong pisong kickback mula sa flood control projects.
Ang sagot ni Marcos sa isyu ng korapsyon, ‘Let’s move forward’ na lang daw at tumutok na lang sa pag-aangat ng ekonomya ng bansa, ngunit malinaw na taliwas ito sa tunay na nangyayari sa ating lipunan. Interes pa rin ng mga dayuhang malalaking korporasyon, burgesya komprador, at mga burukrata kapitalista ang kanyang pinagsisilbihan.
Magmula pa noong 2022 nang siya ay maiupo sa Malacañang, dinagsa na ng krisis ang bawat mamamayang Pilipino. Repleksyon nito ang hirap na araw-araw dinaranas ng bawat mamamayang Pilipino partikular sa probinsya ng Rizal mula sa kaliwa't kanang banta ng demolisyon lalo na sa bayan ng Taytay, barat na pasahod at kontraktwalisasyon sa mga manggagawa, kulang-kulang na mga pasilidad dahil sa pagtapyas ng malaking badyet sa sektor ng edukasyon. Nandiyan din ang lantarang pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka't magbubukid sa ngalan ng dam at "green energy", patuloy na pagmimina sa mga kabundukan ng Antipolo, Tanay at Montalban at sa halos lahat ng bayan sa Rizal, malalang militarisasyon sa kanayunan na lalong nagpapahirap sa mga magsasaka at katutubo. Lahat ng mga ito ay para sa interes ng mga malalaking lokal at dayuhang kapitalista.
Mahigit 8 bilyong piso ang flood control projects sa Rizal kung saan kalakhan dito ay ghost project o kaya sub-standard. Kabalintunaan na napakalaking budget ang inilalaan sa pagkontrol ng baha, pero patuloy namang pinapahintulutan ang mga proyektong kumakalbo sa kabundukan at nagpapalala ng baha tulad ng quarry at dam, kaya hindi nakakapagtaka na isa ang Rizal sa palagiang biktima ng mga sakuna.
Naninindigan pa rin ang taong bayan na kailangang managot lahat ng sangkot, lalong lalo na ang mga nasa tuktok na nagpapalaganap at nagpapanatili ng kurapsyon, sina Marcos Jr. at Sara Duterte. Nandiyan man ang impeachment o wala, taumbayan ang siyang kayang magpasya tulad noong panahon ng EDSA. Pinatunayang sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, kayang kaya ng taumbayan na magpatalsik ng mga kurakot at pasista, kahit pa ang presidente.
Iniimbitahan ang lahat na lumahok sa pagkilos sa darating na Pebrero 22 sa Antipolo at Pebrero 25 sa EDSA People Power Monument. Muli tayong manawagang panagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian lalong lalo na ang hari at reyna ng kurapsyon na sila Marcos at Duterte. Ipakita natin ang higanteng lakas ng mamamayang lumalaban, may kakayanang magsulong ng pagbabago at magkamit ng katarungan.
29/01/2026
🔥 MAMAMAYANG RIZALEÑO, ORAS NA PARA MAGPATALSIK NG MAGNANAKAW SA KABAN NG BAYAN! 🔥
Sa gitna ng sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan hindi mananahimik ang mamamayan. Mula sa unprogrammed appropriations hanggang sa flood control projects na nilulunod sa kickback, malinaw na si Marcos Jr. ang commander-in-thief. At ano ang dapat ginagawa sa magnanakaw? dapat pinapatalsik sa pwesto at ikinukulong!
Malinaw na si Marcos Jr. ang nasa tuktok ng nabubulok na sistemang burukrata-kapitalismo na patuloy na nagpapahirap sa sambayanan. Hindi lamang ito usapin ng iilang anomalya kundi ng planado at institusyonalisadong pandarambong sa kaban ng bayan.
Dahil dito, inaanyayahan ang mamayang Rizaleño na makiisa sa Street Conference sa Parola, Cainta sa January 30 upang ilantad ang kurapsyon at paano ito nagiging kongkreto sa probinsya ng Rizal. At higit sa lahat palakasin ang panawagang IMPEACH MARCOS JR.!
Ang mamamayan mismo ang maniningil ng hustisya. Hangga’t walang napapanagot, hindi titigil ang pagkilos ng mamamayang Rizalenyo mula sa komunidad at sa lansangan!
26/01/2026
MAMAMAYANG RIZALENO, PANAGUTIN SI MARCOS JR. SA SISTEMATIKONG KURAPSYON! LAHAT NG SANGKOT, DAPAT MANAGOT— MULA SA TUKTOK!
Nakikiisa ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Rizal sa pagsusumite ng impeachment complaint ng mga makabayang mambabatas at lider mula sa iba’t-ibang sektor laban kay Bongbong Marcos Jr. bilang pinuno ng sistematikong kurapsyon sa bansa. Bahagi tayo sa nag-aalab na galit ng taumbayan laban sa pandarambong sa kaban ng bayan, na araw-araw nagpapahirap sa sambayanan.
Pagpasok ng 2026, sa kabila ng malawakang paniningil ng mamamayan para sa transparency at accountability, hindi tumigil si Marcos Jr. sa sistematikong pangungurakot. Hindi pa rin nabuwag ang bulok na sistema ng pork barrel, nanatili pa rin ito sa pamamagitan ng pagpapalobo ng unprogrammed appropriations (UA) at “allocables” maging sa mga ayuda.
Ngayong taon, halos Php 150.9 bilyon pa rin ang inilaan ni Marcos sa UA na walang tiyak na pagkukunan ng pondo, at noong 2024 ay bumawas pa sa pondo ng reserve funds ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) tulad ng Philhealth. Pagkaupo pa lamang ni Marcos Jr. napakalaki na nang inilobo ng UA na umabot sa 807.16 bilyong piso noong 2023. Kasabay nito, pinagpatuloy din ng administrasyong Marcos Jr. ang paggamit ng “soft pork”, o mga huwad na solusyon tulad ng ayuda na napapanatili ng patronage politics (AICS, MAIFIP at TUPAD). Malinaw na paglabag sa tiwala ng publiko ang pagpapanatili ni Marcos Jr. sa ganitong iskema sa kabila ng kapangyarihan at mandato niyang puksain ang katiwalian mula sa kaniyang opisina— isa itong matibay na batayan para papanagutin siya.
Garapalan ding paglabag sa batas ang isinawalat ng imbestigasyon ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) hinggil sa pagtanggap nina Marcos, Jr. ng campaign funds para sa 2022 national elections mula sa mga kontratista ng gobyerno.
Tahasang ipinagbabawal ito ng Omnibus Election Code upang maiwasan ang conflict of interest. Isa sa mga naungkat ay ang Php 20 milyong donasyon mula sa isang kontratista na kalauna’y ginawaran ng mas malalaking kontrata ng pamahalaan, malinaw na larawan ito ng pagkiling ng pamahalaan sa mga pridadong entidad na taliwas sa interes ng mamamayan.
SA GANITONG KALAGAYAN, MALINAW NA SI MARCOS, JR. ANG RUROK NG NABUBULOK NA SISTEMANG BURUKRATA-KAPITALISMO SA BANSA.
Hindi ito usapin ng simpleng donasyon o iilang pork barrel lamang, kundi ng isang buo at planadong sistema kung saan ginagamit ang estado para sa pakinabang ng iilang kontratista at kapitalista. Umaabot ang mga kickback at mga komisyon hanggang kay Marcos Jr., habang nalulunod sa baha at kahirapan ang mga mamamayan.
Sa kasalukuyan, tinataya ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) at ng Office of the Ombudsman na umaabot sa Php700 bilyon hanggang Php 1.4 trilyon — o humigit-kumulang 20% ng taunang national budget — ang nawawala sa kurapsyon. Lalo itong matingkad sa mga proyektong pang-imprastruktura gaya ng Flood Control Projects (FCP).
Ayon sa mga grupong makakalikasan, lumagpas na sa Php 1.089 trilyon mula 2023 ang ninakaw sa FCP at sa mga pagdinig sa Senado, lumitaw rin sa mga testimonya na umaabot sa 25%-30% ang kickback sa bawat proyekto.
Dahil sa presyur ng malawak at tuluy-tuloy na pagkilos ng mamamayan, napilitan si Marcos, Jr. na magbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). Ngunit sa halip na tunay na paniningil, ilang ulit nitong tinangkang itago at isapribado ang proseso ng imbestigasyon. Walang mayor o mataas na opisyal ang nailantad; ilang mabababang empleyado lamang ang itinuro. Ngayong linggo, iniulat na isinara na ang imbestigasyon at isinumite ang resulta kay Marcos, Jr. Bahala na anya ang opisina niya sa hustisya.
Hindi hiwalay ang Rizal sa ganitong kalagayan. Batay sa mga dokumentong inilabas ng Kongreso, maraming proyektong batbat ng kurapsyon ang matatagpuan sa mga bahagi ng Antipolo City, Binangonan, San Mateo, at Taytay, na may kuwestyonableng pondong umaabot sa Php 100 milyon hanggang Php 250 milyon bawat isa. Nananatiling busog sa korapsyon ang mga nasa kapangyarihan habang patuloy ang kapos na kapaon pa rin sa serbisyo ang mamamayan.
Hindi na rin bago sa pamilyang Marcos ang ganitong kriminal na iskema. Historikal ang kanilang pagkaugat saoligarkiyang pampulitika na yumaman na sa pandarambong. Malaya pa rin si Imelda Marcos sa kabila ng mga hatol sakorapsyon. Marami rin sa mga kroni ng diktadurang Marcos Sr. ang namatay na nang hindi man lamang napapanagot, kabilang sina Danding Cojuangco at Juan Ponce Enrile. Ano pa nga ba ang aasahang pananagutan sa isang Pangulong ang pagkakaupo sa Malacañang ay bunga ng nakaw na yaman ng taumbayan?
Hinihingi ng panahon na itulak natin ang paniningil ng pananagutan hindi lamang sa mga kurapsyon ng nakaraan, kundi hanggang sa kasalukuyang mga tagapagpalaganap at manananggol nito. Hindi lamang si Marcos Jr. ang dapat mapatalsik kundi pati na rin si Sara Duterte napatunayan na ring batbat ng korapsyon sa kanyang confidential funds noong nakaraang impeachment case na inihatol sa kanya.
Sa ganitong kasahol na kalagayan, makailang ulit nang napatunayan ng kasaysayan na babalik at babalik ang paniningil sa pagdaluyong ng galit ng taumbayan, mula kanayunan hanggang kalunsuran.
Hindi tayo patatali sa impeachment na babatay pa sa pagpabor ng Kongreso, lalo na’t marami rin sa mgamambabatas ang kasapakat ng mga Marcos.
Ang mamamayan mismo ang nagiging hukom sa panahong tayo’y binibigo nang paulit-ulit ng gobyerno, dahil dito nakasalalay ang kalidad ng buhay nating lahat: mula sa trabahong makatarungan, maayos na pasahod, murang bilihin at de-kalidad na serbisyong panlipunan, hanggang sa pagpapanatili ng makabayang pamamahala at soberanya ng bansa.
MAMAMAYANG RIZALEÑO, ANG LABAN NA ITO AY LABAN NG SAMBAYANAN. HANGGA’T WALANG NANANAGOT, PATULOY TAYONG BUMUHOS SA MGA KOMUNIDAD AT MGA LANSANGAN!
PAG-ALABIN ANG DIWA NG PROTESTA!
ILANTAD ANG KURAPSYON AT MANINGIL SA LAHAT NG SANGKOT SA DARATING NA JANUARY 31 SA CAINTA!
25/01/2026
PALAYAIN ANG PITONG LOKAL NG DUPAX DEL NORTE MULA SA ILIGAL NA PAGDAMPOT NG PNP! TUMINDIG KASAMA NG MAMAMAYANG NOVO VIZCAYANO KONTRA MINA AT PANGANGAMKAM NG LUPA! SINGILIN ANG US-MARCOS JR. SA KATAKSILAN NITO SA MAMAMAYANG PILIPINO!
Opisyal na pahayag ng BAYAN - Rizal hinggil sa pambubulabog ng PNP Nueva Vizcaya sa barikadang bayan ng mga lokal ng Dupax del Norte
Mahigpit na kinukundena ng BAYAN - Rizal ang iligal at pasistang pag-aresto kahapon, Enero 23, ng PNP Nueva Vizcaya sa pitong lokal at environmental defenders mula sa barikadang bayan ng mga taga-Dupax del Norte. Mula sa mahigpit na pagkakaisa ng mga mamamayan para harangin ang makailang tangka na ng dayuhang kumpanyang mina na Woggle Mining Corporation na maipasok ang kanilang drilling equipment sa kanilang kabundukan, marahas na dinampot ng kapulisan sina Florentino Daynos at anim na iba pang lokal na magsasaka, katutubo, at senior citizen para dalhin sa tanggapan ng PNP Nueva Vizcaya at doon kasuhan ng gawa-gawang paglabag umano ayon sa Article 151 ng Revised Penal Code.
Matingkad din mula sa insidenteng ito ang paulit-ulit nang paglabag ng kapulisan sa karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon. Takot na takot ang kapulisan ng Nueva Vizcaya na mailantad ng kanilang protesta ang mga abuso na idinudulot nila sa mga magsasaka, katutubo, at taga-suporta ng barikada sa Dupax del Norte. Maging ang pagsasagawa ng community dance na 'kanyaw' ng mga lokal para patampukin sa kutural na pamamaraan ang kanilang pakikibaka, tahasang pinipigilan ng PNP Nueva Vizcaya - malinaw na hindi lamang basta paglabag sa karapatan kundi kabastusan sa katutubong kultura't pagkakakilanlan ang tanging dulot ng kapulisan sa mga lokal.
Makatarungan ang paglaban ng mamamayang Novo Vizcayano kontra sa mapanirang layunin ng Woggle Mining Corporation na lapastanganin ang lupaing ninuno at kabuhayan ng mamamayan ng Dupax del Norte. Ang isinagawang pag-aresto at nagpapatuloy na presensya ng kapulisan sa komunidad ay bahagi at patunay ng sistematikong panunupil ng estado na unahing maipagtanggol ang interes ng mga kasapakat nitong dayuhang mamumuhunan at malalaking korporasyon. Sa ganitong pagpapahintulot ng administrasyong US-Marcos, Jr. lalong nalalantad ang anti-mamamayang papel ng AFP at PNP bilang armadong puwersa ng mga kumpanyang nasa likod ng mapanirang pagmimina at proyekto, sa halip na protektor ng interes ng mas nakararaming uring anakpawis. Inutil pa rin ang estado na gampanan ang tungkulin nitong ipagtanggol ang soberanya ng bansa at ang kagalingan ng kaniyang mga mamamayan sa sarili niyang lupang tinubuan.
Hindi ito hiwalay sa pang-aabuso sa ating likas na yaman sanhi ng bulok, elitista, at neoliberal na mga batas na itinataguyod ng Malacañang sa ilang dekada na nitong pagpapatakbo sa bansa. Mula pa man sa mapanlinlang na Philippine Mining Act of 1995 at sa amendasyon nito ni Marcos, Jr. noong nakaraang taon; sa Indigenous Peoples' Rights Act of 1997; hanggang sa taksil na Executive Order no. 130 ng nakaraang rehimeng US-Duterte, at sa napakaraming iba pang hindi makatao at makabayang batas at tratado, kasama na ang mga kasunduang militar ng Pilipinas sa US pangunahin, sistematikong isinusuko at ibinubuyangyang ng estado ang ating likas na yaman, habang sa proseso ay ibinabasura ang karapatan at kagalingan ng mga Pilipino, kapalit ng interes ng iilang mga dayuhan lamang at ng mga kasapakat nilang nakasahod sa kanilang pabuya. Luwal ng ganitong pagtataksil ang lumalalang kahirapan at ang papatinding krisis sa klima't kalikasan na dinaranas ngayon lalo ng mga pinakamahirap sa lipunan.
Sa kabila nito, patuloy ang mga magsasaka't katutubo, kasama ng kanilang mga komunidad at alyado, sa pagtatanggol sa ating kalupaan, para sa sakahan at lupang ninuno, kaligtasan ng komunidad, at kinabukasan ng mga sunod pang salinlahi, sa alinmang pamamaraan na kanilang nakakayanan.
Kaya't sandig sa laban ng masang pinagsasamantalahan ng bayan, buong lakas na iginigiit ng BAYAN - Rizal ang pagsuporta nito sa panawagang agad na palayain na ang pitong hinuling lokal ng Dupax del Norte, at ang pagbabasura sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanila! Kasama tayo sa pagtindig laban sa pasismo at pambubulabog ng PNP Nueva Vizcaya laban sa barikadang bayan ng Dupax del Norte at sa lahat ng protesta nila kontra-pangangamkam ng lupa sa kanilang kabundukan! At sa kagyat, dapat nang mapalayas mula sa kabundukan ng Nueva Vizcaya ang Woggle Mining Corporation at lahat ng iba pang tulad nitong mga dayuhang kumpanyang mina na tanging kaguluhan, pagwasak, at pagnanakaw sa lupa't likas na yaman ang bukod-tanging dala sa mga pamayanang sakahan at katutubo ng Nueva Vizcaya!
Pasidhiin pa natin ang pag-aambag sa marami na nating tagumpay sa kasaysayan ng pakikibaka ng Pilipino laban sa mga mapanirang proyekto't kumpanya; laban sa pasismo't militarisadong panunupil ng estado; at laban sa mga makadayuhan, taksil, kurakot, at pasistang administrasyon ng Malacañang, na ngayo'y binibigyang mukha ng rehimeng US-Marcos, Jr.! Hangga't nagpapatuloy ang kanilang pagpapabaya sa tunay na kagalingan at hinahangad na kinabukasan ng masang Pilipino, magpapatuloy ang kawastuhan ng bawat pag-aaklas at pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang lupa, trabaho, sahod, serbiyong panlipunan, at karapatan!
24/01/2026
MGA LARAWAN | Nagsagawa ng busking protest ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Rizal noong Enero 22, kasama ang mga kasapi nitong organisasyon, bilang bahagi ng Black Friday Protest kaugnay ng paggunita sa Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987.
Tatlong dekada na ang nakalipas mula nang libu-libong magsasaka ang nagmartsa patungong Mendiola upang igiit ang tunay na reporma sa lupa, isang makasaysayang pagkilos na nauwi sa marahas na pamamaslang sa 13 magsasaka sa kamay ng mga puwersa ng estado. Ang masaker ay nananatiling malinaw na patunay ng karahasang ipinapataw sa mamamayan tuwing iginiit nila ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan.
Makaraan ang mahigit 37 taon, nananatiling buhay at makatarungan ang parehong panawagan. Hanggang ngayon, wala pa ring tunay na reporma sa lupa, at patuloy na nilulugmok sa kahirapan ang mamamayan, hindi lamang sa kanayunan kundi maging sa kalunsuran dahil sa mga patakarang pumapabor sa iilan.
Sa lalawigan ng Rizal, ramdam na ramdam ang epekto ng kawalan ng lupa at sistemikong katiwalian. Patuloy na pinahihirapan ang mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontado dulot ng pangangamkam ng lupa, land use conversion, at mga mapaminsalang proyekto. Kasabay nito, biktima rin ang mga maralitang lungsod ng demolisyon, dislokasyon, at kawalan ng makataong pabahay, habang inuuna ng gubyerno ni Marcos Jr. ang mga proyektong nagsisilbi sa interes ng malalaking negosyo at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa pamamagitan ng musika, sining, at kolektibong pagkilos, iginiit ng BAYAN – Rizal na ang laban noon ay laban pa rin ngayon mula kanayunan hanggang kalunsuran. Hangga’t hindi nakakamit ang lupa, hustisya, at disenteng kabuhayan at paninirahan, patuloy na maninindigan at kikilos ang mamamayan laban sa pang-aapi at pagsasamantala.
11/01/2026
RELEASE CHANTAL ANICOCHE!
Opisyal na pahayag ng BAYAN-Rizal
Mariing kinukundena ng BAYAN-Rizal ang patuloy na iligal na detensyon ng 2nd ID kay Chantal Anicoche sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal at nananawagan ng agarang pagpapalaya sa kanya. Iligal na dinedetine si Chantal at tahasang hinahadlangan ng militar ang mga humanitarian team na nais magbigay ng agarang serbisyong ligal at tiyakin ang kaligtasan niya.
Ilang araw na ang nakalipas noong inilabas ng AFP ang video ni Chantal Anicoche, isa sa mga sibilyang naiulat na nawawala matapos ang overkill na operasyon ng 203rd IBde, 76th IB, 1st IB, 59th IB at 5th SFB sa Brgy. Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1, 2026. Nagresulta ang pasistang atake na ito sa Cabacao Massacre na ikinasawi ng limang sibilyan, kabilang ang tatlong batang Mangyan.
Matapos ang ilang araw ng pagpapanawang ilitaw si Chantal, agarang rumesponde ang humanitarian team at ang kanyang abugado nang lumabas ang video na hawak ng AFP si Chantal upang maghatid ng ligal na serbisyo at tiyakin na nasa maayos siyang kalagayan. Sa halip na harapin sila ng AFP at igalang ang karapatan ni Chantal na makatanggap ng serbisyong ligal, nagbibingi-bingihan pa rin ang 2nd ID at iginigiit na “person of interest” si Chantal bilang batayan ng kanilang pagpiit. Kanina lamang, naglabas ng pahayag ang 2nd ID na pinipili diumano ni Chantal na manatili sa kustodiya nila para sa mga “necessary medical procedures”.
Dapat maging malinaw na si Chantal ay isang sibilyan at walang pananagutan sa naganap na labanan sa Mindoro. Wala siyang anumang kasong kinakaharap, at kung gayon ay hindi dapat pinipiit kundi dapat nang palayain mula sa kamay ng militar.
Si Chantal ay isang aktibistang Filipino-American mula sa USA na umuwi ng Pilipinas para alamin ang tunay na kalagayan ng katutubong Mangyan at magsasaka sa Mindoro. Isa siya sa mamamayan sa ibayong dagat na nakikiisa sa paglaban ng mamamayan sa mga paglabag ng rehimeng US-Marcos Jr. sa karapatang-tao. Kasama rin siya sa mga nanawagan ng pananagutan sa rehimen sa mga katutubo at magsasakang Pilipino sa kasagsagan ng El Niño. Isa ang Isla ng Mindoro sa pinakaapektado ng tagtuyot at nagbunsod ng malaking pagkalugi sa mga magsasaka, habang patuloy ding pinaglalawayan ng mga burukrata-kapitalista at dayuhang korporasyon ang lupa at yaman nito para sa mga mapaminsalang pagmimina. Ito ang dahilan kung bakit hinangad ni Chantal na tumungo sa kanayunan ng bansa at alamin ang tunay na kalagayan ng mga kapwa niya Pilipinong higit na dumadanas ng kahirapan.
Sari-saring dahilan ang ginagawa ng AFP upang bigyang-katwiran ang magtatatlong araw nilang iligal na detensyon kay Chantal. Dahil sa mahabang kasaysayan ng AFP sa paglabag sa karapatang-tao, kahit ang kamakailang pahayag na inilabas ng 2nd ID ay kaduda-duda at malamang na kung hindi man buong kasinungalingan ay iniluwal ng coercion kay Chantal.
Ang magtatatlong araw na iligal na pagdetine ng 2nd ID kay Chantal ay patunay lang ng kawalang-pakialam ng AFP-PNP at NTF-Elcac sa paggalang sa karapatang-tao, taliwas sa nais nilang ipakita sa midya na pangangalaga at pagmamalasakit sa kanilang “sinagip” na biktima ng sarili nilang overkill na operasyon. Iba't ibang tipo rin ng harassment ang ginagawa nila sa team tulad ng patuloy na surveillance at ng paggamit ng NTF-ELCAC ng mga bayarang “rallyista” upang manggulo, magsagawa ng red-tagging at magpakalat ng pekeng impormasyon na nagsasapanganib sa humanitarian team. Katunayan, isa mga bayarang ito si Eric "Fatima" Simogan na notoryus na galamay ng NTF-ELCAC at taksil sa mamamayang Rizaleño para magpakalat ng pekeng impormasyon na nagsasapangnib sa buhay ng mga katutubong Dumagat at Remontado, magsasaka, kabataan at iba pang Rizaleño. Numero uno siyang ginagamit ng NTF-ELCAC ngayon upang manggulo sa humanitarian team na nanawagan ng pagpapalaya kay Chantal sa Camp Capinpin. Ganito tinatrato ng gobyerno ang mga mamamayang nagtataguyod ng karapatang-tao at nagtatanggol sa mga api.
Ipinapanawagan ng BAYAN - Rizal ang agaran at ligtas na pagpapalaya kay Chantal Anicoche. Dapat siyang hayaang makabalik na sa kanyang pamilya at mga kasama. Hindi dapat siya makaranas ng kahit anumang porma ng tortyur at dapat tiyaking ligtas siyang makabalik sa kanila.
Nananawagan din kami ng hustisya para sa Cabacao 5 at iba pang biktima at apektado ng brutal na pag-atake ng 203rd IBde, 76th IB, 1st IB, 59th IB at 5th SFB sa ilalim ng 2nd ID. Kailangang mapanagot ang AFP at ang rehimeng US-Marcos para sa Cabacao Massacre at sa buong kaswalti at pinsala ng kanilang inilunsad na berdugong operasyon noong bagong taon. Dapat ding ilantad ang garapalang paghadlang ng NTF-ELCAC sa pagkakamit ng mga sibilyang katulad ni Anicoche sa anumang makataong serbisyo, at kung gayon ay sa kanyang karapatang-tao. Patunay lamang ito na walang lugar ang militar at iba pang pasistang galamay ng estado sa kanayunan. Tanging takot, perwisyo at panganib lamang ang dinudulot ng mga ito bilang numero unong proktektor ng malalaking korporasyong nangangamkam ng yaman at nagpapahirap sa masa sa Mindoro at buong bansa.
14/10/2025
LEHITIMO ANG SOLIDARITY MISSION NG KATUTUBO AT MAMAMAYAN! ITIGIL ANG HARRASSMENT NG 80TH IB!
Mariing kinukundena ng Bayan - Rizal ang patuloy na panggigipit, paniniktik, at panghaharass sa mga delegado ng International Solidarity Mission (ISM) sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang lalawigan ng Rizal.
Simula Oktubre 11, nagsagawa ng mga field mission ang mga delegado ng ISM sa Rizal, Occidental Mindoro, at Eastern Visayas upang idokumento at ilantad ang lumalalang epekto ng krisis sa klima at paglabag sa karapatang pantao, lalo na ang kaugnay ng mga mapanirang proyekto sa kalikasan at militarisasyon ng mga komunidad ng katutubo. Sa halip na pahintulutang isagawa nang malaya ang ISM, nakaranas ang mga delegado at komuniad ng tuloy-tuloy na paniniktik, panghaharas, at intimidasyon mula sa mga elemento ng estado at lokal na awtoridad.
Sa Tanay, Rizal, ang mga delegado ay nakipagdayalogo sa mga opisyal ng Barangay Sta. Inez upang ipaliwanag ang layunin ng ISM sa komunidad. Ngunit, binanggit ng mga opisyal at kinatawan ng IPO at NCIP ang mga bagong patakarang pumipigil sa aktibidad ng delegasyon. Ipinatupad umano ang bagong resolusyon ng barangay, at sinabing sa susunod, kailangang aprubahan ng sampung tribo ang anumang aktibidad sa komunidad. Giit pa ng NCIP, wala umanong FPIC ang ISM dahil ang kanilang “cultural exchange” ay itinuturing na pananaliksik sa ilalim ng IPRA.
Ang burukratikong mga hadlang at bagong resolusyon na malinaw na taktika upang pigilan ang lehitimong misyon ng ISM at patahimikin ang mga komunidad ng Dumagat. Ipinapakita nito ang dobleng pamantayan ng NCIP at mga ahensya ng estado—kapag malalaking proyekto tulad ng Kaliwa Dam na pagkakakitaan ng mga korporasyon, minamadali at niluluto ang proseso ng FPIC; ngunit kapag aktibidad ng mamamayan na naglalayong ipagtanggol ang karapatan ng katutubo at kalikasan, pinahihirapan at ginagawang halos imposibleng makamit ang pahintulot.
Ito ay malinaw na bahagi ng malawakang militarisasyon at climate imperialism sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. na patuloy na ginagamit ang sandata at burukrasya ng estado upang supilin ang mga boses ng mamamayan at protektahan ang interes ng iilang mayayaman at dayuhang kapitalista.
Kaya naman, nanawagan ang Bayan – Rizal sa mamamayang Pilipino upang patuloy na manindigan para sa katotohanan, katarungan, at kalayaan ng mga komunidad na lumalaban sa pang-aabuso ng estado at sa pagkasira ng kalikasan. Hindi hadlang ang paniniktik o panggigipit sa mga nagtatanggol ng bayan. Patuloy nating ipaglalaban ang karapatan ng mga katutubo, ang kapakanan ng mamamayan, at ang kaligtasan ng ating kalikasan mula sa ganid na interes ng iilan.
Stop the Attacks! End Climate Imperialism!