21/09/2026
๐ก๐๐๐ฌ๐ข๐ก๐ ๐๐ฅ๐๐ช: Handog ng Department of Labor and Employment (DOLE) Marinduque Provincial Office ang Php 1,790,000.00 halaga ng mga kagamitang pangkabuhayan sa Samahan ng mga Magsasaka ng Magapua sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) noong Setyembre 21, 2026, sa Mogpog Covered Court, Barangay Gitnang Bayan, Mogpog, Marinduque.
Isandaan at labindalawang miyembro ng samahan ang makikinabang sa mga ipinagkaloob na kagamitan para sa produksyon ng charcoal briquettes, coco fiber, at coco peat mula sa mga produktong mula sa niyog.
Bilang bahagi ng tulong pangkabuhayan, nagsagawa rin si Livelihood Development Specialist (LDS) Ralph Ryan Malinao ng oryentasyon ukol sa wastong pagtatala at pag-iingat ng mga record at dokumento. Katuwang si LDS Bernadeth Enriquez, ipinamahagi ng DOLE sa samahan ang DILP Project Record Book, na magsisilbing gabay sa pagtatala ng kanilang mga benta, gastusin, ipon, at iba pang transaksyong may kaugnayan sa kanilang livelihood project.
Sumailalim din ang mga benepisyaryo sa pagsasanay sa paggawa ng charcoal briquettes na isinagawa ng RM Metalworks mula Nueva Ecija, kung saan itinuro ang wastong proseso at pamamaraan sa produksyon. Isinagawa rin ang pagsasanay sa wastong paggamit, pagpapatakbo, at pangangalaga ng mga makina at kagamitan para sa produksyon ng coco peat at coco fiber.
Dinaluhan ang awarding at turnover ceremony nina Municipal Mayor ng Mogpog Hon. Senen M. Livelo Jr., mga kinatawan ng Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Magapua, mga opisyal at miyembro ng Samahan ng mga Magsasaka ng Magapua, Mogpog PESO Manager Gng. Vivian Logatoc, at DOLE Marinduque Provincial Office Head G. Marjun S. Moreno.
Sa pamamagitan ng DILP, layunin ng DOLE na mapalakas ang kabuhayan ng mga organisadong manggagawa at magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng produktibong kagamitan, kaalaman, at suporta na makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang livelihood enterprise at paglikha ng dagdag na oportunidad sa kita.
END/KKB
Department of Labor and Employment - MIMAROPA