19/09/2026
𝗝𝗢𝗜𝗡𝗧 𝗦𝗧𝗔𝗧𝗘𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗢𝗙 𝗖𝗢𝗨𝗡𝗖𝗜𝗟𝗢𝗥𝗦 𝗦𝗜𝗧𝗢 𝗟𝗔𝗬𝗟𝗔𝗬, 𝗚𝗜𝗟𝗠𝗘𝗥 𝗠𝗔𝗡𝗚𝗨𝗘𝗥𝗔, 𝗧𝗜𝗡𝗢 𝗠𝗔𝗡𝗥𝗜𝗤𝗨𝗘, 𝗪𝗜𝗟𝗦𝗢𝗡 𝗠𝗔𝗕𝗨𝗧𝗘, 𝗚𝗔𝗧𝗔𝗦 𝗠𝗔𝗦𝗖𝗔𝗥𝗘𝗡̃𝗔𝗦, 𝗔𝗡𝗗 𝗝𝗠 𝗝𝗔𝗬𝗔𝗚
Kamakailan po, naglabas ng pahayag ang ating Punong Bayan ukol sa mga isyu na nakapalibot sa kapapasa lang na Supplemental Budget No. 1 at sa kanyang isinagawang veto sa ilang administrative provisions nito.
Hindi na lingid sa kaalaman ng publiko na pinangalanan kami bilang mga Konsehal na diumano ay tumutol sa paglalagay ng kabuuang pondo para sa Food-for-Work o Pamaskong Handog taunang isinasagawa ng ating pamahalaang bayan sa loob ng ilang taon na.
Pinili ng Punong Bayan na banggitin kami sa pangalan. Kaya sasagutin din namin ito nang hayagan at walang pagtatago sa likod ng mga pangkalahatang pahayag.
Hindi namin ikinakaila ang aming naging ugnayang pampolitika sa kanya. Si Konsehal Justin Angelo J. Manrique ay minsang nagsilbing Executive Assistant ng Punong Bayan. Sina Konsehal Luisito S. Laylay, Gilmer R. Manguera, at Wilson W. Mabute naman ay dati niyang mga kaalyado at kabilang sa kanyang political ticket noong 2025. Bahagi iyon ng aming kasaysayan, at hindi namin ito buburahin o itatanggi dahil lamang sa kasalukuyang hindi namin pagkakaunawaan.
Anumang tulong na kanyang naibigay sa amin, personal man o pampolitika, ay aming kinikilala at taos-pusong ipinagpapasalamat. Hindi namin minamaliit ang kabutihang natanggap, at hindi namin kinakalimutan ang mga panahong kami ay magkakasama sa iisang panig.
Ngunit nang kami ay mahalal bilang mga Konsehal, tumanggap kami ng mandato mula sa mga mamamayan ng Boac. Ang mandatong iyon ay hindi pag-aari ng Punong Bayan, ng isang partido, o ng sinumang tumulong sa amin. Hindi maaaring manaig ang personal na pasasalamat sa aming tungkuling suriin ang pananalapi, magtanong, tumutol kung kinakailangan, at ipagtanggol ang kapakanan ng publiko.
Ang pasasalamat ay hindi nangangahulugan ng bulag at walang pasubaling katapatan. Kung ang dating tulong ay gagamiting dahilan upang hingin ang aming pananahimik o awtomatikong pagsang-ayon, ang hinihinging kabayaran ay ang mandatong ipinagkatiwala sa amin ng mga botante. Wala kaming karapatang ipagpalit iyon.
Ang Sangguniang Bayan ay hindi extension ng political machinery ng Punong Bayan at hindi rin rubber stamp ng ehekutibo. Isa itong hiwalay na halal na institusyon na may sariling pananagutan sa batas at sa mamamayan. Ang aming tungkulin ay hindi ang sumang-ayon sa bawat kahilingan ng administrasyon, kundi gamitin ang aming malayang paghatol sa bawat panukalang inihaharap sa amin.
Ang pagbanggit sa aming pangalan at sa aming dating alyansa ay hindi sumasagot sa pangunahing usapin: naging legal na savings ba ang Php 4.2 milyon na kinuha mula sa Food-for-Work Program? Ang tanong na iyan ay dapat sagutin sa pamamagitan ng batas, opisyal na mga rekord, at malinaw na paliwanag. Hindi ito masasagot sa pamamagitan ng panawagan sa personal o pampolitikang katapatan.
Ngunit ano nga ba ang mga detalye at katotohanan na nagsilbing gabay sa aming mga ginawang desisyon ukol sa nasabing Supplemental Budget No. 1?
Ang atin pong taunang Food-for-Work Program ay may nakalaan nang halagang limang milyong piso (Php 5,000,000.00) sa ilalim ng kasalukuyang 2026 Annual Budget na ipinasa ng Sangguniang Bayan bago matapos ang nakaraang taon. Sapagkat napakarami na po ng bilang ng pamilya dito sa ating bayan, alam po natin na hindi sapat ang naunang inilaan na limang milyong piso dito.
Sa kadahilanang ito po, isinama po sa Supplemental Budget No. 1 ang halaga ng anim na milyong piso (Php 6,000,000.00) sa ilalim ng Welfare Goods Expenses na atin ring inaprubahan at hindi tinutulan sapagkat ito ang pupuno sa kinakailangang labing-isang milyong piso (Php 11,000,000.00) para sa nasabing programa na nakatakda sa Municipal Ordinance No. 2024-374.
Malinaw po sa deliberasyon sa Question Hour ng 32nd Regular Session sa pagtatanong ni Konsehal Tino Manrique kay Municipal Social Welfare and Development Officer Hazel Maureen Gonzales na ang nasabing anim na milyong piso na kalaunan ay inaprubahan din ng Sangguniang Bayan ay pandagdag sa itinakdang halaga ng ordinansa sa nasabing Food-for-Work Program.
Ginawa po ng Sangguniang Bayan ang tungkulin nito na laanan ng pondo ang Food-for-Work o Pamaskong Handog, sa pamamagitan ng paglalaan ng 5 milyon sa Annual Budget at 6 milyon sa Supplemental Budget No. 1.
Ano po ba ang dahilan kung bakit nagkulang o magkukulang ang pondo sa nasabing programa? Ang dahilan po nito ay hindi po ang Sangguniang Bayan ngunit mismong ang ehekutibong sangay ng ating Pamahalaang Bayan sapagkat sila po ang gumamit ng mekanismo ng inter-office fund transfer o augmentation upang ilipat ang halagang 4.2 milyong piso (Php 4,200,000.00) mula sa Food-for-Work na inilaan sa ilalim ng Annual Budget tungo sa pamimigay ng school supplies.
Malinaw po ito sa tala ng Committee Report ng Committee on Finance, Budget, and Appropriations ukol sa pagpupulong ng nasabing komite nang suriin ang panukalang 2026 Supplemental Investment Program No. 1 na iniulat sa 21st Regular Session noong June 2, 2026. Sa tala ng pagpupulong ng nasabing Komite, mismong si Municipal Budget Officer Bernilo Martillano po ang nagbanggit sa komite na ang naunang inilaan sa Food-for-Work Program ay “pansamantalang gagamitin” umano ng administrasyon para sa pamimigay ng school supplies, at kanyang ginawang basehan dito ay Section 6(b) ng Appropriation Ordinance.
Sa ilalim ng Section 6(b) ng administrative provisions ng 2026 Appropriation Ordinance, tama naman na pinapayagan ang nasabing augmentation o fund transfer, alinsunod sa mga umiiral na batas at alituntunin sa paggamit ng mga pampublikong pananalapi.
At dito po papasok ang tanong, ano po ang mga alituntunin na dapat sundin sa ilalim ng umiiral na batas ukol sa paggamit ng mekanismo ng augmentation?
Ang sinasabi po ng Republic Act No. 7160 sa ilalim ng Section 336 ay:
###
“𝑆𝑒𝑐𝑡𝑖𝑜𝑛 336. 𝑈𝑠𝑒 𝑜𝑓 𝐴𝑝𝑝𝑟𝑜𝑝𝑟𝑖𝑎𝑡𝑒𝑑 𝐹𝑢𝑛𝑑𝑠 𝑎𝑛𝑑 𝑆𝑎𝑣𝑖𝑛𝑔𝑠. - 𝐹𝑢𝑛𝑑𝑠 𝑠ℎ𝑎𝑙𝑙 𝑏𝑒 𝑎𝑣𝑎𝑖𝑙𝑎𝑏𝑙𝑒 𝑒𝑥𝑐𝑙𝑢𝑠𝑖𝑣𝑒𝑙𝑦 𝑓𝑜𝑟 𝑡ℎ𝑒 𝑠𝑝𝑒𝑐𝑖𝑓𝑖𝑐 𝑝𝑢𝑟𝑝𝑜𝑠𝑒 𝑓𝑜𝑟 𝑤ℎ𝑖𝑐ℎ 𝑡ℎ𝑒𝑦 ℎ𝑎𝑣𝑒 𝑏𝑒𝑒𝑛 𝑎𝑝𝑝𝑟𝑜𝑝𝑟𝑖𝑎𝑡𝑒𝑑. 𝑁𝑜 𝑜𝑟𝑑𝑖𝑛𝑎𝑛𝑐𝑒 𝑠ℎ𝑎𝑙𝑙 𝑏𝑒 𝑝𝑎𝑠𝑠𝑒𝑑 𝑎𝑢𝑡ℎ𝑜𝑟𝑖𝑧𝑖𝑛𝑔 𝑎𝑛𝑦 𝑡𝑟𝑎𝑛𝑠𝑓𝑒𝑟 𝑜𝑓 𝑎𝑝𝑝𝑟𝑜𝑝𝑟𝑖𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛𝑠 𝑓𝑟𝑜𝑚 𝑜𝑛𝑒 𝑖𝑡𝑒𝑚 𝑡𝑜 𝑎𝑛𝑜𝑡ℎ𝑒𝑟. 𝐻𝑜𝑤𝑒𝑣𝑒𝑟, 𝑡ℎ𝑒 𝑙𝑜𝑐𝑎𝑙 𝑐ℎ𝑖𝑒𝑓 𝑒𝑥𝑒𝑐𝑢𝑡𝑖𝑣𝑒 𝑜𝑟 𝑡ℎ𝑒 𝑝𝑟𝑒𝑠𝑖𝑑𝑖𝑛𝑔 𝑜𝑓𝑓𝑖𝑐𝑒𝑟 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑒 𝑠𝑎𝑛𝑔𝑔𝑢𝑛𝑖𝑎𝑛 𝑐𝑜𝑛𝑐𝑒𝑟𝑛𝑒𝑑 𝑚𝑎𝑦, 𝑏𝑦 𝑜𝑟𝑑𝑖𝑛𝑎𝑛𝑐𝑒, 𝑏𝑒 𝑎𝑢𝑡ℎ𝑜𝑟𝑖𝑧𝑒𝑑 𝑡𝑜 𝑎𝑢𝑔𝑚𝑒𝑛𝑡 𝑎𝑛𝑦 𝑖𝑡𝑒𝑚 𝑖𝑛 𝑡ℎ𝑒 𝑎𝑝𝑝𝑟𝑜𝑣𝑒𝑑 𝑎𝑛𝑛𝑢𝑎𝑙 𝑏𝑢𝑑𝑔𝑒𝑡 𝑓𝑜𝑟 𝑡ℎ𝑒𝑖𝑟 𝑟𝑒𝑠𝑝𝑒𝑐𝑡𝑖𝑣𝑒 𝑜𝑓𝑓𝑖𝑐𝑒𝑠 𝑓𝑟𝑜𝑚 𝑠𝑎𝑣𝑖𝑛𝑔𝑠 𝑖𝑛 𝑜𝑡ℎ𝑒𝑟 𝑖𝑡𝑒𝑚𝑠 𝑤𝑖𝑡ℎ𝑖𝑛 𝑡ℎ𝑒 𝑠𝑎𝑚𝑒 𝑒𝑥𝑝𝑒𝑛𝑠𝑒 𝑐𝑙𝑎𝑠𝑠 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑒𝑖𝑟 𝑟𝑒𝑠𝑝𝑒𝑐𝑡𝑖𝑣𝑒 𝑎𝑝𝑝𝑟𝑜𝑝𝑟𝑖𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛𝑠.”
###
Mas lalo itong binigyang diin at linaw sa Article 454(b) ng Implementing Rules and Regulations ng R.A. 7160 kung saan binigyan ng depinisyon ang savings at augmentation:
###
𝐹𝑜𝑟 𝑝𝑢𝑟𝑝𝑜𝑠𝑒𝑠 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑖𝑠 𝐴𝑟𝑡𝑖𝑐𝑙𝑒, 𝑠𝑎𝑣𝑖𝑛𝑔𝑠 𝑎𝑛𝑑 𝑎𝑢𝑔𝑚𝑒𝑛𝑡𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑠ℎ𝑎𝑙𝑙 𝑚𝑒𝑎𝑛:
(1) 𝑆𝑎𝑣𝑖𝑛𝑔𝑠 𝑟𝑒𝑓𝑒𝑟 𝑡𝑜 𝑝𝑜𝑟𝑡𝑖𝑜𝑛𝑠 𝑜𝑟 𝑏𝑎𝑙𝑎𝑛𝑐𝑒𝑠 𝑜𝑓 𝑎𝑛𝑦 𝑝𝑟𝑜𝑔𝑟𝑎𝑚𝑚𝑒𝑑 𝑎𝑝𝑝𝑟𝑜𝑝𝑟𝑖𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑓𝑟𝑒𝑒 𝑓𝑟𝑜𝑚 𝑎𝑛𝑦 𝑜𝑏𝑙𝑖𝑔𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑟 𝑒𝑛𝑐𝑢𝑚𝑏𝑟𝑎𝑛𝑐𝑒 𝑠𝑡𝑖𝑙𝑙 𝑎𝑣𝑎𝑖𝑙𝑎𝑏𝑙𝑒 𝑎𝑓𝑡𝑒𝑟 𝑡ℎ𝑒 𝑠𝑎𝑡𝑖𝑠𝑓𝑎𝑐𝑡𝑜𝑟𝑦 𝑐𝑜𝑚𝑝𝑙𝑒𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑟 𝑢𝑛𝑎𝑣𝑜𝑖𝑑𝑎𝑏𝑙𝑒 𝑑𝑖𝑠𝑐𝑜𝑛𝑡𝑖𝑛𝑢𝑎𝑛𝑐𝑒 𝑜𝑟 𝑎𝑏𝑎𝑛𝑑𝑜𝑛𝑚𝑒𝑛𝑡 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑒 𝑤𝑜𝑟𝑘, 𝑎𝑐𝑡𝑖𝑣𝑖𝑡𝑦 𝑜𝑟 𝑝𝑢𝑟𝑝𝑜𝑠𝑒 𝑓𝑜𝑟 𝑤ℎ𝑖𝑐ℎ 𝑡ℎ𝑒 𝑎𝑝𝑝𝑟𝑜𝑝𝑟𝑖𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑖𝑠 𝑎𝑢𝑡ℎ𝑜𝑟𝑖𝑧𝑒𝑑, 𝑜𝑟 𝑎𝑟𝑖𝑠𝑖𝑛𝑔 𝑓𝑟𝑜𝑚 𝑢𝑛𝑝𝑎𝑖𝑑 𝑐𝑜𝑚𝑝𝑒𝑛𝑠𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑎𝑛𝑑 𝑟𝑒𝑙𝑎𝑡𝑒𝑑 𝑐𝑜𝑠𝑡𝑠 𝑝𝑒𝑟𝑡𝑎𝑖𝑛𝑖𝑛𝑔 𝑡𝑜 𝑣𝑎𝑐𝑎𝑛𝑡 𝑝𝑜𝑠𝑖𝑡𝑖𝑜𝑛𝑠 𝑎𝑛𝑑 𝑙𝑒𝑎𝑣𝑒𝑠 𝑜𝑓 𝑎𝑏𝑠𝑒𝑛𝑐𝑒 𝑤𝑖𝑡ℎ𝑜𝑢𝑡 𝑝𝑎𝑦.
(2) 𝐴𝑢𝑔𝑚𝑒𝑛𝑡𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑖𝑚𝑝𝑙𝑖𝑒𝑠 𝑡ℎ𝑒 𝑒𝑥𝑖𝑠𝑡𝑒𝑛𝑐𝑒 𝑖𝑛 𝑡ℎ𝑒 𝑏𝑢𝑑𝑔𝑒𝑡 𝑜𝑓 𝑎𝑛 𝑖𝑡𝑒𝑚, 𝑝𝑟𝑜𝑗𝑒𝑐𝑡, 𝑎𝑐𝑡𝑖𝑣𝑖𝑡𝑦 𝑜𝑟 𝑝𝑢𝑟𝑝𝑜𝑠𝑒 𝑤𝑖𝑡ℎ 𝑎𝑛 𝑎𝑝𝑝𝑟𝑜𝑝𝑟𝑖𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑤ℎ𝑖𝑐ℎ 𝑢𝑝𝑜𝑛 𝑖𝑚𝑝𝑙𝑒𝑚𝑒𝑛𝑡𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑟 𝑠𝑢𝑏𝑠𝑒𝑞𝑢𝑒𝑛𝑡 𝑒𝑣𝑎𝑙𝑢𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑓 𝑛𝑒𝑒𝑑𝑒𝑑 𝑟𝑒𝑠𝑜𝑢𝑟𝑐𝑒𝑠 𝑖𝑠 𝑑𝑒𝑡𝑒𝑟𝑚𝑖𝑛𝑒𝑑 𝑡𝑜 𝑏𝑒 𝑑𝑒𝑓𝑖𝑐𝑖𝑒𝑛𝑡.
###
Kaya ang naging katanungan sa aming kaisipan ay tama ba na agad kunin ang nasabing 4.2 milyong piso mula sa Food-for-Work sa kabila ng ito ay hindi pa masasabi na kwalipikado na savings na kung saan maaaring kumuha ng dagdag pondo para sa augmentation?
Malinaw sa deliberasyon ng komite at sa Question Hour ng sesyon ng Sanggunian na ang Food-for-Work ay nananatiling prayoridad na programa ng administrasyon at ito ang kadahilanang hinihiling ang karagdagang 6 na milyong piso sa ilalim ng Supplemental Budget No. 1.
Bukod dito, nakapaloob din sa unang panukala ng Supplemental Budget No. 1 ang 4.2 milyong piso sa ilalim ng Basic Education Support Program, sa kabila ng realidad na ito ay naipatupad na ng Pamahalaang Bayan matapos ang isinagawang augmentation mula sa Food-for-Work program.
Sa nangyaring deliberasyon ukol sa panukalang Supplemental Budget No. 1, sinabi rin mismo ni Budget Officer Mr. Martillano na ang panukalang pondo para sa Basic Education Support Program ay nakatakda din umanong ilipat o i-transfer sa Food-for-Work Program.
Sa mga dahilang ito, hindi sumang-ayon kaming mayorya ng Sangguniang Bayan na isama sa naaprubahang Supplemental Budget No. 1 ang panukalang pondo para sa Basic Education Support Program sapagkat sa mga kinatawan ng ehekutibo na rin mismo nanggaling na ito ay hindi gagamitin para sa programa kung saan ito ilalaan ng Sangguniang Bayan.
Tama po ba na sila ang bumasag ng alkansya pero kami ang aasahang buuhin muli ito para sila ay makapaglagay ng karagdagang barya?
Maaaring sabihin na ang nalalapit na pagbubukas ng klase ang dahilan kung bakit kailangang agad pondohan ang Basic Education Support Program. Nauunawaan namin ang pangangailangang iyon. Gayunman, ang agarang pangangailangan ng isang programa ay hindi awtomatikong nagbabago sa legal na katangian ng pondong kukunin mula sa ibang programa.
Sa ilalim ng Article 454(b), ang dapat tingnan ay ang kalagayan ng pinanggagalingang pondo. Upang maging savings, kinakailangang may natirang halaga matapos ang maayos na pagkumpleto ng programa, o matapos ang hindi maiiwasang paghinto o pag-abandona nito. Sa halip na maipakitang natapos o itinigil ang Food-for-Work Program, mismong mga kinatawan ng ehekutibo ang nagsabing kailangan pa itong dagdagan ng anim na milyong piso upang maabot ang itinakdang labing-isang milyong piso.
Magkaiba ang dalawang tanong: kailangan ba ng dagdag na pondo ang Basic Education Support Program, at mayroon bang legal na savings na maaaring kunin mula sa Food-for-Work Program? Maaaring maging agarang pangangailangan ang una, ngunit hindi nito sinasagot ang ikalawa. Ang pangangailangan ng paglilipatang programa ay hindi sapat na batayan upang tawaging savings ang pondong inilaan sa isang nagpapatuloy at kulang pa sa pondong programa.
Sinusuportahan namin ang pamimigay ng school supplies at ang Food-for-Work o Pamaskong Handog. Ang aming pagtutol ay hindi laban sa mga mag-aaral o sa mga pamilyang benepisyaryo. Ang aming tungkulin ay tiyaking ang dalawang programa ay pinopondohan at ipinapatupad sa paraang pinahihintulutan ng batas. Kung kulang ang pondo para sa school supplies, maaaring humiling ng supplemental appropriation bago gastusin ang halaga o kumuha mula sa pondong tunay nang maituturing na savings at may sapat na dokumentasyon.
Hindi makatuwirang kunin muna ang Php 4.2 milyon mula sa Food-for-Work, ipatupad na ang pamimigay ng school supplies, at pagkatapos ay hilinging maglaan muli ang Sangguniang Bayan ng kaparehong halaga sa Basic Education Support Program upang ilipat lamang pabalik sa Food-for-Work. Ito ang paikot na transaksiyong hindi namin sinang-ayunan. Gayunman, inaprubahan namin ang direktang paglalaan ng Php 6 milyon para sa Food-for-Work Program.
Samakatuwid, walang katotohanan ang pahayag na pinagkaitan namin ng pondo ang Pamaskong Handog. Ang Sangguniang Bayan ang naglaan ng Php 5 milyon sa Annual Budget at nagdagdag ng Php 6 milyon sa Supplemental Budget No. 1. Kung nabawasan ang halagang aktuwal na natira sa Food-for-Work, iyon ay bunga ng naunang paglilipat ng Php 4.2 milyon na isinagawa ng ehekutibong sangay, hindi ng pagtanggi ng Sangguniang Bayan na pondohan ang programa.
Ukol naman sa partial veto ng Punong Bayan, hiwalay itong usapin sa paglalaan ng pondo para sa Food-for-Work. Ang mga administrative provision na pinagtalunan ay inilagay bilang mga kondisyon at pananggalang sa paggamit ng pampublikong pondo. Anim sa amin ang bumoto upang i-override ang partial veto, ngunit hindi nito nakuha ang kinakailangang pitong boto. Iginagalang namin ang naging resulta ng botohan sa Sangguniang Bayan, ngunit nananatili ang aming paninindigan na kailangang malinaw ang hangganan ng kapangyarihang mag-veto at mag-augment ng pondo.
Dahil dito, gagamitin namin ang mga naaangkop na legal na remedyo upang humingi ng tiyak na pagpapasya mula sa hukuman. Hindi namin hinihiling na ipatigil ang kabuuan ng Supplemental Budget No. 1 o ang paghahatid ng mga serbisyong napondohan nito. Ang layunin ay malinawan kung ang partial veto at ang paggamit ng augmentation sa kasong ito ay naaayon sa batas, upang hindi makalikha ng mapanganib na precedent para sa paggamit ng kapangyarihan ng ehekutibo nang walang sapat na limitasyon.
Hinihiling din namin na mailahad nang buo ang mga dokumentong sumuporta sa paglilipat ng Php 4.2 milyon, kabilang ang sertipikasyon ng savings, mga allotment at obligation records, at iba pang kaugnay na papeles. Karapatan ng Sangguniang Bayan at ng publiko na malaman kung kailan, paano, at sa anong legal na batayan ginamit ang pondong unang inilaan sa Food-for-Work Program.
Patuloy naming susuportahan ang mga programang tunay na kapaki-pakinabang sa mga Boakeño. Kasabay nito, patuloy naming tutuparin ang aming tungkuling suriin ang pananalapi, bantayan ang paggasta, at igiit na ang bawat piso ng bayan ay gamitin ayon sa layuning inaprubahan at sa paraang itinakda ng batas.