31/08/2026
Pangatlong Baha, Pangatlong Paglubog, Pangatlong Dilubyo sa Buwan ng Agosto
Muling nilubog ng baha ang Balingit-Constantino Lasip Elementary School, sa pangatlong pagkakataon ngayong buwan ng Agosto. Sa pagkakataong ito, mas malalim na naman ang tubig. Halos kalahati ng mga gusali ng paaralan ay nalubog na, at lampas-tao na ang lebel ng tubig sa loob ng paaralan.
Sa bawat pagtaas ng tubig, walang ibang magawa ang mga g**o kundi paulit-ulit na iangat ang mga kagamitan sa pinakamataas na lugar na maaari nilang abutin. Ngunit sa pagkakataong ito, halos wala na ring mapagtaasan. Ang mga gamit na naisalba at naitaas noon ay maaari na namang maitaob dahil sa lakas at pressure ng tubig-baha.
Sa bawat paglubog, may mga bagay na muling nasisira, mga bagong pisara na punaglaanan ng pondo ng paaralan, instructional materials na pinaghirapang ihanda ng mga g**o, kagamitan sa pagtuturo at iba pang gamit ng paaralan na pilit na isinalba pero itinaob ng malalim na baha. Sa tuwing humuhupa ang baha, ibinababa ang mga ito, nililinis at inaayos. Ngunit kapag muling tumaas ang tubig, muli na naman silang itinataas. Paulit-ulit. Nakakapagod. Nakakalungkot.
Halos buong-pusong sariling pagsisikap ng mga g**o ang ginugugol upang mapangalagaan ang mga kagamitan at muling maibangon ang paaralan. Mas mahirap ang sitwasyon dahil ang buong komunidad ay apektado rin ng baha, at maging ang mga kabahayan ng ating mga mag-aaral ay nalulubog. Kaya sa oras ng paglilinis at pagbangon, mas matindi rin ang kanilang sariling pinagdaraanan.
Sa kabila nito, taos-puso kaming nagpapasalamat sa mga ilang magulang na patuloy na tumutulong sa bawat pagbangon, gayundin sa mga opisyal ng barangay at LGU na patuloy na umaalalay sa abot ng kanilang makakaya.
Ngunit sa bawat pag-ulit ng ganitong sitwasyon, lalong nagiging malinaw na kailangan namin ng mas pangmatagalang solusyon. Hindi lamang ito tungkol sa muling paglilinis at pagsasaayos. Hindi lamang ito tungkol sa muling pagtataas at pagbaba ng mga kagamitan.
Kaya naman, muli naming ipinapahayag ang aming pag-asa na matuloy at maitayo na sana ang high-rise school building na matagal na naming hinihintay, isang gusaling makapagbibigay ng mas ligtas na lugar para sa ating mga mag-aaral, g**o, at mga kagamitan, lalo na sa panahon ng paulit-ulit na pagbaha.
Bawat baha ay may naiiwang pinsala. Bawat pagbangon ay may katumbas na pagod.
Ngunit hindi nawawala ang aming pag-asa na darating ang araw na hindi na kailangang lumubog ang aming paaralan upang muli itong bumangon.
Balingit-Constantino Lasip Elementary School, patuloy na bumabangon, ngunit umaasang darating na ang panahon para sa isang mas ligtas at matatag na paaralan. 🙏