22/10/2026
SUPER TYPHOON ROSAL, BAHAGYANG HUMINA—PAGASA
Bahagya nang humina ang Super Typhoon Rosal habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20km/h ngayong Huwebes, Oktubre 22, 2026.
Ayon kay Kathleen Labangco ng Northern Luzon PAGASA Regional Services Division, mababa ang tsansa ng nasabing sama ng panahon na mag-landfall at posibleng hihina na ito bilang Typhoon category ngayong araw.
Huling namataan ang bagyo sa layong 495km Silangan ng Basco, Batanes, taglay ang lakas ng hangin na 195 km/h malapit sa gitna at pagbugsong 240km/h.
Aniya, pinakamalapit ang bagyo sa kalupaan ng Extreme Northern Luzon mamayang tanghali hanggang bukas na magdadala ng pag-ulan at malakas na hangin lalo na sa probinsiya ng Batanes at Babuyan Islands.
Posibleng bukas ng gabi o madaling araw ng Sabado ay lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo na nasa Typhoon o severe tropical storm category.
Ngayong Huwebes, maulap na kalangitan na may biglaang buhos ng ulan at hangin ang mararanasan sa Cagayan na direktang epekto ng bagyo.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na maging alerto at sumunod sa mga abiso na inilalabas ng mga kinauukulan.
Samantala, umaabot naman sa 2.8 hanggang 12. 1 meters ang taas ng alon sa mga baybayin sa hilagang Luzon kasama na Cagayan, kaya ipinagbabawal ang paglalayag ng anumang uri ng sasakyang pandagat. (Digna Bingayen)