03/11/2026
𝟏𝟗 𝐏𝐀𝐒𝐀𝐇𝐄𝐑𝐎, 𝐊𝐀𝐁𝐈𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐀𝐍𝐆 𝟑 𝐁𝐀𝐓𝐀, 𝐍𝐀𝐒𝐀𝐆𝐈𝐏 𝐌𝐀𝐓𝐀𝐏𝐎𝐒 𝐋𝐔𝐌𝐔𝐁𝐎𝐆 𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐎𝐓𝐎𝐑 𝐁𝐀𝐍𝐂𝐀 𝐒𝐀 𝐂𝐄𝐁𝐔
LAPU-LAPU CITY, CEBU — Nasagip ang 19 na pasahero, kabilang ang tatlong bata at isang senior citizen, matapos lumubog ang sinasakyan nilang motor banca sa karagatan malapit sa Olango Island at Punta Engaño sa Lapu-Lapu City, madaling-araw nitong Martes, Nobyembre 3, 2026.
Ayon sa Lapu-Lapu City Rescue, pauwi na sana ang mga pasahero na mula sa Cebu City at Mandaue City matapos bumisita sa mga sementeryo para sa paggunita ng Undas nang pumalya ang makina ng kanilang sinasakyang bangka.
Dahil dito, pinasok ng tubig-dagat ang motor banca hanggang sa tuluyan itong lumubog.
Agad namang rumesponde at sumaklolo ang mga tauhan ng MV Edgel Express V at Philippine Coast Guard o PCG upang mailigtas ang lahat ng sakay ng bangka.
Batay sa ulat ng City Public Information Office, ang motor banca na MBCA Clares ay lulan ng 19 na pasahero nang umalis ito sa Jagoliao Island sa Getafe, Bohol, bandang alas-2:30 ng madaling-araw, patungong Pasil sa Cebu City.
Matapos masagip, dinala ang mga pasahero sa Hilton Wharf kung saan agad silang inasikaso ng mga tauhan ng City Rescue.
Binigyan ang mga ito ng pagkain at kinakailangang tulong medikal bago ihatid sa kani-kanilang tahanan.
Samantala, iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard–Lapu-Lapu City Station ang kapitan ng motor banca kaugnay ng insidente.
Sa kabila ng insidente, ligtas na naihatid sa kanilang mga tahanan ang lahat ng 19 na pasahero.
SOURCE: SUNSTAR CEBU
PHOTO: LAPU-LAPU CITY RESCUE