03/10/2026
SINUPORTAHAN NI IQBAL ANG ‘RAINBOW COALITION’ PARA SA PAGKAKAISA SA BARMM
Suportado ni United Bangsamoro Justice Party o UBJP Vice President Mohagher M. Iqbal ang pagbuo ng “rainbow coalition” sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM upang maitaguyod ang pagkakaisa matapos ang ginanap na parliamentary elections.
Sa kanyang social media post na may titulong “Real versus Unreal,” sinabi ni Iqbal na hindi pa tapos ang negosasyon para sa pagbuo ng pamahalaan sa BARMM. Binigyang-diin niya na maaga pa para ideklarang may nanalo na o may sapat nang suporta ang isang political bloc.
“Nothing is over until it is over,” ani Iqbal. “Personal kong sinusuportahan ang rainbow coalition para sa kapakanan ng pagkakaisa.”
Kinilala rin ni Iqbal na nagdulot ng pagkakabaha-bahagi ang nagdaang parliamentary elections sa mga komunidad sa Bangsamoro.
“Hindi maitatanggi na hinati ng nagdaang parliamentary elections sa BARMM ang ating mga tao. Nasasaktan sila, at sila ay galit,” dagdag niya.
Binanggit din ni Iqbal ang pagkamatay ng 5 UBJP supporters at ang pagkasugat ng 43 iba pa kaugnay ng halalan. Hinikayat ng UBJP ang mga pamilya ng mga biktima na magtiwala sa batas at hayaan ang hustisya na umusad.
Ayon kay Iqbal, makakatulong ang rainbow coalition upang mabigyan ng puwang sa gobyerno ang mga maliliit na partido na nanalo lamang ng isa o dalawang parliamentary seat. Kabilang dito ang mga grupong kaugnay ng MNLF na Mahardika, BaPa at Mushawara na hindi nakakuha ng upo sa BARMM Parliament.
“Ang formula na ito ay walang matatalo,” sabi ni Iqbal.
Iniugnay din niya ang panukalang koalisyon sa magiging pamana ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Bangsamoro.
“Ang maiiwan ay isang nagkakaisang BARMM, hindi isang watak-watak,” aniya.
Inaasahan din ni Iqbal na susuportahan ng international community ang anumang political arrangement na magsusulong ng pagkakaisa sa rehiyon.
Patuloy pa rin ang negosasyon ng iba’t ibang partido at bloc para sa pagbuo ng bagong pamahalaan ng BARMM. Wala pang pinal na kasunduan hanggang sa ngayon.|via Rocky Daemon Lauban