28/10/2026
Nagpasya ang na hindi maaaring pagretiruhin ang mga empleyado bago ang sapilitang edad ng pagreretiro (compulsory retirement age) na 65 taong gulang nang walang malinaw at kusa nilang pahintulot.
Sa Desisyong isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, bahagyang pinagbigyan ng Unang Dibisyon ng Korte Suprema ang petisyon ni Rodolfo C. Ondevilla at pinanagot ang Colegio de San Juan de Letran (CSJL) sa Laguna sa illegal dismissal o ilegal na pagtanggal sa kanya sa trabaho.
Taong 2004 noong nagtrabaho si Ondevilla sa CSJL bilang Comptroller. Itinalaga siya bilang Assistant Vice President for Finance kalaunan at ilang ulit ni-renew ang kanyang pagkakatalaga.
Nang mag-60 taong gulang si Ondevilla noong Agosto 29, 2019, itinuring ng CSJL na nag-expire na ang kanyang pagkakatalaga. Dahil dito, naghain si Ondevilla ng reklamo para sa illegal dismissal.
Sumang-ayon ang Korte Suprema kay Ondevilla at binigyang-diin na dapat nakabatay sa kusang-loob na kasunduan ng employer at empleyado ang isang plano para sa boluntaryong pagreretiro.
At dahil hindi kusang-loob ang kanyang pagreretiro, itinuring ito bilang ilegal na pagtanggal sa trabaho.
Kailangang malaya at hayagang pumayag ang empleyado rito nang walang anumang pamimilit o panggigipit, sapagkat ang pagtanggap sa boluntaryong pagreretiro ay nangangahulugan ng pagsuko sa karapatan sa seguridad sa pananatili sa trabaho (security of tenure).
Sa kasong ito, natuklasan ng Korte na walang kapwa pagsang-ayon ni Ondevilla at ng CSJL ang maagang pagreretiro niya.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi kailanman nag-alok o nagmungkahi ang CSJL ng plano sa pagreretiro na malaya sanang matatanggap o tatanggihan ni Ondevilla. Wala ring palatandaang handang talakayin ng CSJL ang kanyang pagreretiro.
Sinabi ng Korte Suprema na may karapatan si Ondevilla sa buong halaga ng kanyang backwages at separation pay sa halip na muling ibalik sa trabaho. Iginawad din sa kanya ng Korte ang mga benepisyo sa pagreretiro para sa panahong nagtrabaho siya mula Hunyo 16, 2004, hanggang Agosto 29, 2024, nang sumapit siya sa sapilitang edad ng pagreretiro na 65.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=175829.
Basahin ang Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=168800.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.