28/08/2026
✨ RAMPA AT ADVOKASIYA | LINGGO NG KABATAAN 2026 ✨
Bilang bahagi ng Linggo ng Kabataan Celebration at Araw ng Kabataan sa Bayan ng Dingalan, matagumpay na ginanap ngayong araw ang Rampa at Adbokasiya sa Ed Angara Convention Center, Davildavilan, Dingalan, Aurora.
Sa nasabing aktibidad, buong tapang at kumpiyansang ipinakita ng ating aktibong kalahok na si Joshua Oreiro ang kaniyang gilas, kagalingan, at husay sa pagra-Rampa. Buong puso niyang ibinahagi ang kaniyang talento at kakayahan upang maging makabuluhan, masaya, at matagumpay ang gawaing ito.
Hindi man pinalad ang ating representante na maiuwi ang pagkilala sa paligsahan, panalo pa rin para sa Sangguniang Kabataan ng Barangay Ibona ang kaniyang ipinakitang tapang, dedikasyon, at kahusayan. 🫶
Joshua, buong puso ka naming ipinagmamalaki! ❤️
Isa kang huwarang kabataan na hindi nag-atubiling magboluntaryo, makilahok, at kusang kumilos para sa mga gawaing pangkabataan. Ang iyong pakikilahok ay patunay na hindi nasusukat sa tropeo o pagkapanalo ang tunay na halaga ng isang kabataan—kundi sa tapang na sumubok, kahandaang makilahok, at pusong maglingkod.
Lubos din ang aming pasasalamat sa mga magulang ni Joshua na patuloy na nagbibigay ng suporta, paggabay, at tiwala sa kanilang anak. Ang inyong pagmamahal at suporta ay malaking bahagi ng kaniyang tagumpay. ❤️
🤝 PASASALAMAT SA MGA KABATAANG NAGING BAHAGI
G. Renz Cañaveras
Maraming salamat sa iyong boluntaryong paghahanap ng kalahok at sa pagkakatagpo kay Joshua. Dahil sa iyong inisyatiba, nagkaroon tayo ng isang kabataang handang kumatawan para sa Barangay Ibona.
G. Emman Padul
Salamat sa iyong oras, tiyaga, at dedikasyon sa paghahanda ng kasuotan ng ating kalahok. Pinagpuyatan at maingat mong inayos ang bawat detalye upang maging angkop sa mga requirements at criteria ng paligsahan.
Bb. Merielle Ushey Guerrero, Bb. Nicalyn Jintalan, at Bb. Trsiha Valdez
Maraming salamat sa inyong walang-sawang pangungulit at pagnanais na makatulong sa anumang programa ng SK, lalo na sa pagbuo at paghahanda ng numero para sa ating Rampa at Adbokasiya. Ang inyong kusang loob na pagtulong ay tunay na ipinagmamalaki namin.
💙 PASASALAMAT SA ATING MGA GUMABAY
Kgg. Stephanie Salcedo, Kgg. Maria Divina De Guzman, at Kgg. Gio Herao
Maraming salamat sa paggabay at pagsuporta sa ating representante sa kaniyang paglahok sa paligsahan.
At kay Kgg. Gio Herao, maraming salamat din sa iyong talento at oras sa pagguhit/pagpinta ng larawan na naging bahagi ng kasuotan ng ating kalahok.
❤️ SERBISYONG GALING SA PUSO
Nais din naming maging malinaw na anumang kagamitan, materyales, at gastusing nagamit para sa Rampa at Adbokasiya ay hindi nanggaling sa pondo ng Sangguniang Kabataan.
Ito ay bunga ng pinagsama-samang personal na kagamitan, oras, pagsisikap, at sakripisyo ng bawat indibidwal na nagnanais na maisakatuparan at maging matagumpay ang ating pakikilahok.
Para sa amin, ang pagsuporta sa kabataan ay hindi lamang responsibilidad—ito ay isang kusang loob na paglilingkod na nagmumula sa puso.
Hanggang sa susunod na aktibong pakikilahok, mga kabataan! 💙
Lubos kaming naniniwala na ang kabataang aktibong nakikilahok ay kabataang dapat suportahan. Kaya hangga’t may mga kabataang handang sumubok, kumilos, tumulong, at makiisa sa mga programa, proyekto, at aktibidad ng Sangguniang Kabataan at ng Barangay, patuloy naming susuportahan ang kanilang mga hakbang.
Hindi kami manghihinayang na ibahagi ang aming personal na kagamitan, oras, talento, at kakayahan upang maitaguyod ang serbisyong tunay na para sa kabataan.
Dahil ang kabataang kumikilos ngayon ay bahagi ng liderato ng bukas. 💙