08/09/2026
“𝐌𝐮𝐥𝐚 𝐏𝐮𝐡𝐮𝐧𝐚𝐧 𝐏𝐚𝐭𝐮𝐧𝐠𝐨 𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐠-𝐚𝐬𝐚: 𝐀𝐧𝐠 𝐊𝐮𝐰𝐞𝐧𝐭𝐨 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐛𝐚𝐧𝐠𝐨𝐧 𝐚𝐭 𝐏𝐚𝐠-𝐮𝐧𝐥𝐚𝐝 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐜𝐮𝐚𝐧 𝐆𝐞𝐧𝐞𝐫𝐚𝐥 𝐌𝐞𝐫𝐜𝐡𝐚𝐧𝐝𝐢𝐬𝐞”
Sa maraming komunidad sa Pilipinas, nananatiling isa sa mga pangunahing hamon ng mga pamilya ang kahirapan. Marami ang umaasa lamang sa hindi regular na hanapbuhay at limitadong pagkakakitaan upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Dahil dito, ang pagkakaroon ng oportunidad na magkaroon ng matatag at napapanatiling kabuhayan ay isang mahalagang hakbang tungo sa pag-unlad.
Isa sa mga mapalad na nabigyan ng Livelihood Assistance ng DSWD Sustainable Livelihood Program ang isang grupo sa Brgy. Pacuan La Libertad, Negros Oriental. Na bigyan ang asosasyon ng P360,000 na kinabibilangan ng 18 miyembro. Natatag ang asosasyon noong Agosto 18, 2025. Sa pamamagitan ng programang ito, nabigyan sila ng mga pagsasanay at gabay upang palaguin ang kanilang negosyo, na nagbigay sa kanila ng General Merchandise Project na naging daan sa malaking pagbabago sa kanilang mga buhay sa loob lamang ng ilang taon.
Bago pa man maging benepisyaryo ng SLP, bawat isa ay nakaharap sa iba't ibang suliranin sa kanilang buhay, gaya ng pinansyal at pangangailangan sa pang-araw-araw na gastusin. Ang iilan sa mga benepisyaryo ay umaasa lamang sa pagtatanim ng palay, pagpapanday at iba pang puwedeng pagkakitaan sa loob ng organisasyon. Sa kakulangan ng kita sa hanapbuhay, madalas hindi sila makakain nang tatlong beses sa isang araw, bumili ng mga pangunahing bilihin sa tahanan at sustentuhan ang pag-aaral ng bawat anak ng mga benepisyaryo sa Sustainable Livelihood Program.
Nang mabigyan sila ng pagkakataong maging bahagi ng Sustainable Livelihood Program, nagkaroon sila ng bagong pag-asa. Sa pamamagitan ng puhunang ipinagkaloob, itinatag nila ang kanilang General Merchandise Project. Ang pangunahing layunin ng proyekto ay makapagbigay ng abot-kayang mga produkto sa komunidad habang lumilikha ng kita para sa asosasyon at sa mga miyembro nito.
Nakatulong din ang proyekto upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa paghawak ng pananalapi. Sa mga isinagawang pagsasanay at mentoring sessions, natutunan ng mga miyembro ang kahalagahan ng pagtatala ng mga transaksyon, wastong pagba-budget, at tamang paggamit ng puhunan. Dahil dito, naging mas maingat sila sa pagdedesisyon at mas naging responsable sa pangangasiwa ng kanilang negosyo. Ang mga kaalamang ito ay hindi lamang nila nagamit sa kanilang proyekto kundi pati na rin sa kanilang personal na pamumuhay.
Sa simula ng operasyon, maraming hamon ang kanilang hinarap. Kagaya ng pagdating ng super typhoon na Tino, maraming supplies ang nasira, kagaya ng bigas, feeds, at mga sabon na naabutan ng tubig. Pumasok kasi ang baha mula sa palayan at inabot ang kanilang tindahan, kaya isa ito sa mga suliraning hinarap ng organisasyon. At nagkaproblema rin sila sa wastong pamamahala ng negosyo, paghawak ng puhunan, pagtatala ng mga transaksyon, at pagmomonitor ng imbentaryo. May mga pagkakataong mabagal ang benta at may mga produktong hindi agad nabibili. Gayunpaman, hindi sila pinanghinaan ng loob. Sa tulong ng mga isinagawang capability-building activities, coaching sessions, at regular na monitoring ng SLP personnel, unti-unti nilang natutunan ang mahahalagang kasanayan sa pagpapatakbo ng negosyo.
Higit pa rito, ang kanilang karanasan sa pagbangon mula sa pinsalang dulot ng pagbaha ay naging aral ng katatagan at determinasyon. Sa kabila ng pagkawala ng ilang paninda at pagkalugi sa simula, hindi nila hinayaang matapos doon ang kanilang kuwento. Sa halip, ginawa nila itong inspirasyon upang mas pagbutihin ang kanilang pamamahala sa negosyo at mas paghandaan ang mga hamon na maaaring dumating sa hinaharap. Ang kanilang kakayahang bumangon matapos ang pagsubok ay patunay na ang tunay na lakas ng isang organisasyon ay makikita sa panahon ng kagipitan.
Naging mahalagang bahagi ng kanilang tagumpay ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat miyembro. Ang bawat isa ay nagkaroon ng tungkulin at responsibilidad upang matiyak na maayos ang operasyon ng tindahan. Natuto silang magplano, gumawa ng mga desisyon bilang isang organisasyon, at maging responsable sa paggamit ng kanilang pondo. Sa bawat pagsubok na kanilang nalampasan, lalong tumibay ang kanilang samahan at determinasyong manalo.
Habang lumilipas ang mga buwan, nagsimulang makita ang positibong resulta ng kanilang pagsisikap. Unti-unting dumami ang kanilang mga suki, at sa sariling barangay umabot na rin sa kabilang barangay dahil sa maayos na serbisyo at sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin. Dahil mas malapit na ang tindahan sa mga residente at madadaanan din ito patungo sa ibang barangay, hindi na nila kailangang bumiyahe nang malayo para bumili ng kanilang mga pangangailangan. Ang proyekto ay hindi lamang nakatulong sa asosasyon kundi pati na rin sa buong komunidad.
Ang kita mula sa General Merchandise Project ay nagbigay ng malaking tulong sa mga miyembro. Nagkaroon sila ng dagdag na mapagkukunan (ang profit sharing ng bawat miyembro) ng kabuhayan na kanilang ginamit para sa pagkain, edukasyon ng kanilang mga anak, at iba pang mahahalagang pangangailangan. Ang ilan ay nakapag-ipon, habang ang iba naman ay hindi na gaanong nakakaharap ang mga problema sa kani-kanilang mga tahanan. Higit sa lahat, nagkaroon sila ng mas malaking kumpiyansa sa kanilang kakayahang mapaunlad ang kanilang buhay.
Sa kasalukuyan, patuloy na pinauunlad ng asosasyon ang kanilang negosyo. Nagdaragdag sila ng mga produktong naaayon sa pangangailangan ng kanilang mga mamimili at nagsisikap na mapanatili ang maayos na pamamahala ng kanilang proyekto. Ang kanilang dating pangarap na magkaroon ng matatag na kabuhayan ay isa nang realidad na patuloy nilang pinagyayaman para sa mga susunod na taon.
Ang General Merchandise Project ay higit pa sa simpleng negosyo. Ito ay simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at pagbabago. Sa tulong ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD, nabigyan ng pagkakataon ang asosasyon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Ang kanilang kuwento ay nagpapatunay na ang tunay na pag-unlad ay nagsisimula sa pagbibigay ng oportunidad at pagpapaunlad ng kakayahan ng bawat tao. Sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at sama-samang pagkilos, ang isang maliit na tindahan ay naging instrumento sa pagbabago ng buhay ng maraming pamilya. Tunay ngang ang bawat maliit na hakbang tungo sa kabuhayan ay isang malaking hakbang tungo sa pag-unlad.
“Ang tagumpay ng tindahan ay hindi nakukuha sa isang araw. Ito ay bunga ng tiyaga, sipag, pagkakaisa, at tamang paghawak sa puhunan. Sa bawat hamon na nalalampasan, mas lalo itong tumitibay bilang pundasyon ng pag-asa at kaunlaran.”/ R.Himaya