30/06/2026
📢 Mahalaga ang Tinig ng mga Senior Citizen
Mahigit 800 delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagtipon ngayong araw sa Metropolitan Theater para sa National Consultation on Senior Citizens Policies, na pinangunahan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) katuwang ang National Anti-Poverty Commission at ang Senior Citizens Sectoral Council.
Dumalo sa konsultasyon ang mga pinuno ng OSCA mula sa ibang mga siyudad at lalawigan, mga lider ng iba’t ibang senior citizen organizations, mga kinatawan mula sa akademya, at iba pang mga katuwang ng pamahalaan upang talakayin ang mga polisiya at programang makatutulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga nakatatanda.
Sa isinagawang konsultasyon, ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga mungkahi, karanasan, at rekomendasyon upang makatulong sa pagrerepaso at pagpapahusay ng mga batas at programang tumutugon sa pangangailangan ng mga senior citizen.
Bilang kinatawan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, malugod na tinanggap ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ang mga delegado at ibinahagi ang iba’t ibang programa ng Lungsod ng Maynila para sa kapakanan ng mga nakatatanda. Kabilang dito ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, tulong pinansyal, mga programang panglibangan, mga oportunidad sa hanapbuhay, at iba pang serbisyong nagtataguyod ng kanilang kalusugan at pangkalahatang kagalingan. Patuloy na nananatiling prayoridad ng lungsod ang kapakanan ng bawat senior citizen.
Sa pagtatapos ng programa, isang mahalagang mensahe ang malinaw : mahalagang marinig ang tinig ng mga senior citizen. Ang kanilang mga pananaw at karanasan ay mahalagang gabay sa pagbuo ng mga polisiya at programang may direktang epekto sa kanilang buhay.