16/09/2026
𝐋𝐓𝐎 𝐂𝐇𝐈𝐄𝐅, 𝐈𝐍𝐈𝐑𝐄𝐊𝐎𝐌𝐄𝐍𝐃𝐀 𝐀𝐍𝐆 𝐓𝐔𝐋𝐔𝐘𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐏𝐀𝐓𝐀𝐖 𝐍𝐆 𝐑𝐄𝐕𝐎𝐂𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍 𝐒𝐀 𝐋𝐈𝐒𝐄𝐍𝐒𝐘𝐀 𝐍𝐆 𝐃𝐑𝐀𝐘𝐁𝐄𝐑 𝐍𝐆 𝐈𝐌𝐏𝐎𝐔𝐍𝐃𝐄𝐃 𝐒𝐔𝐏𝐄𝐑𝐂𝐀𝐑 𝐃𝐀𝐇𝐈𝐋 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐆𝐀𝐌𝐈𝐓 𝐍𝐆 𝐇𝐈𝐍𝐃𝐈 𝐀𝐖𝐓𝐎𝐑𝐈𝐒𝐀𝐃𝐎𝐍𝐆 𝐏𝐋𝐀𝐊𝐀; 𝐒𝐀𝐒𝐀𝐊𝐘𝐀𝐍 𝐓𝐔𝐋𝐔𝐘𝐀𝐍 𝐍𝐀𝐍𝐆 𝐊𝐈𝐍𝐔𝐌𝐏𝐈𝐒𝐊𝐀 𝐍𝐆 𝐁𝐎𝐂
Inirerekomenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang tuluyang pagbawi sa lisensya ng drayber ng isang impounded Porsche Spyder na pagmamay-ari ng isang aktor matapos itong gumamit ng hindi awtorisadong plaka na may initials ng kanyang pangalan habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada.
Matatandaang inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) ang rehistradong may-ari at drayber matapos mamataang minamaneho ang naturang Porsche Spyder na may nakakabit na plaka na hindi awtorisado ng LTO at nagtataglay ng initials ng pangalan ng drayber. Dahil dito, ipinatawag ng LTO ang rehistradong may-ari at drayber ng sasakyan upang magpaliwanag at magsumite ng mga kinakailangang dokumento kaugnay ng insidente.
Kaugnay nito, ang pag-release ng naturang sasakyan ay nananatiling 𝙝𝙚𝙡𝙙 𝙞𝙣 𝙖𝙗𝙚𝙮𝙖𝙣𝙘𝙚, alinsunod sa magiging disposisyon ng Bureau of Customs (BOC).
“Malinaw ang paglabag ng drayber ng supercar na ito. Mahigpit po tayo laban sa paggamit ng peke o hindi awtorisadong plaka. Ginagawa lang naman natin ito upang matiyak na tama at legal ang pagkakakilanlan ng bawat sasakyan sa kalsada,” ani Asec. Lacanilao.
Patuloy na paiigtingin ng LTO ang pagpapatupad ng mga alituntunin sa paggamit ng plaka at ang pagtugon sa mga paglabag kaugnay nito. Hinihikayat ng LTO ang lahat ng motorista na gumamit lamang ng legal at awtorisadong plaka at huwag tularan ang ganitong gawain upang mapanatili ang maayos at ligtas na paggamit ng mga sasakyan sa kalsada.