28/08/2026
Model Congress, A Modern Congress Year 3: Ms. Gay KudaEh?Ra | August 25, 2026
"...para po sa akin, ang pinakamainam na gawin ng ating gobyerno ay ang makinig....Ngunit ang tanong, may pagkakataon at plataporma ba ang taumbayan na makapagsalita sa paulit-ulit na isyu at suliranin ng ating bansa o lipunan?"
Ano ba ang dapat ginagawa ng ating gobyerno? Ano ba ang dapat ginagawa ng mga Barangay, ng mga SK?
Sabi ng iba, dapat daw nagsasagawa ng maayos na flood-control projects, dapat daw namimigay ng ayuda, pwede ring nagpapagawa ng kalsada o ‘di kaya ay namimigay ng solar lights, mga poso, at kung ano-ano pa, pero para po sa akin, ang pinakamainam na gawin ng ating gobyerno ay ang makinig. Kung may problema ang isang magsasaka, magsasaka ang dapat tinatanong kung ano ang maaaring solusyon sa kanilang problema. Kung may problema ang mangingisda, ang mga mangingisda ang pinaka mainam na tanungin patungkol sa solusyon sa kanilang problema. Maraming hinanaing ang mga mahihirap, ang mga nakakaranas ng baha, ng hindi maayos na kalsada, ng problema natin sa basura, ng hindi maayos na educational system at kung ano-ano pa. Ngunit ang tanong, may pagkakataon at plataporma ba ang taumbayan na makapagsalita sa paulit-ulit na isyu at suliranin ng ating bansa o lipunan.
Sa ikatlong taon ng Model Congress, binigyang kulay nito ang iba’t ibang pamamaraan ng pagpapahayag, dumaan ito sa paaralan, sa larangan ng fliptop, at ngayon ay sa larangan ng Ms. Gay. Mahalagang nakakapagsalita ang taumbayan sa lengwaheng kaya nilang bigkasin. Kung maipapahayag nila ang kanilang hinain sa pamamagitan ng fliptop, eh ‘di mag fliptop tayo. Kung maipapahayag nila sa kudaan at baklaan, eh ‘di magbaklaan tayo.
Ang pangatlong taon ng Model Congress ay pagpapatunay na ang Sangguniang Kabataan ay may taingang nakikinig para sa kabataan at sa mga mamamayang nasasakupan nito. Sa mundong maingay, piliin nating makinig. At kung may kapasidad tayong tumugon sa panawagan ng pagbibigay ng tulong, nawa ay tumugon tayo nang may pag-ibig at pagmamalasakit.