04/08/2026
!
Ang Sangguniang Kabataan ay may malinaw na itinakdang termino ng panunungkulan na nararapat igalang at sundin. Ang paulit-ulit na pagpapaliban ng halalan o pagpapahaba ng termino ay hindi lamang lumalayo sa diwa ng demokrasya, kundi ipinagkakait din nito ang pagkakataon ng mga bagong henerasyon ng kabataan na makapaglingkod at makapagbigay ng sariwang pananaw sa pamahalaan.
Marami sa mga kasalukuyang SK officials ang nagsilbi nang buong puso at buong panahon. Ngunit darating ang puntong kailangan na rin nilang harapin ang susunod na yugto ng kanilang buhay, maghanap ng mas matatag na hanapbuhay, suportahan ang kanilang pamilya, tapusin ang kanilang pag-aaral, o tuparin ang iba pang personal at propesyonal na responsibilidad.
Maawa tayo sa mga SK officials na nais nang magkaroon ng pagkakataong bumuo ng mas matatag na kinabukasan para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya.
Maawa tayo sa mga Local Youth Development Officers na, sa kabila ng kanilang dedikasyon, ay unti-unti nang nakatatanggap ng mga resignation mula sa mga SK officials dahil kailangan na nilang unahin ang kanilang kabuhayan at iba pang obligasyon sa buhay.
At higit sa lahat, maawa tayo sa mga kabataang naghihintay ng pagkakataong makapaglingkod. Marami ang handang akuin ang responsibilidad, ipagpatuloy ang mga nasimulang programa, at magdala ng mga bagong ideya at inobasyon para sa kapakanan ng kanilang kapwa kabataan.
Ang pagpapalit ng liderato ay hindi dapat katakutan. Ito ay likas na bahagi ng isang demokratikong lipunan. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mas marami pang kabataan na makilahok sa pamamahala at maging bahagi ng paghubog ng mas maunlad na kinabukasan.
Hindi makatarungang paulit-ulit na ipagpaliban ang pagtatapos ng mandato ng mga halal na opisyal. Ang paggalang sa itinakdang termino ay paggalang din sa proseso ng demokrasya at sa karapatan ng bawat kabataan, maging ng mga kasalukuyang lider na nais nang magpatuloy sa susunod na kabanata ng kanilang buhay, at ng mga bagong lider na handa nang maglingkod.
Dahil dito, hindi tayo pabor sa patuloy na postponement ng halalan sa Sangguniang Kabataan. Panahon nang igalang ang itinakdang termino, isagawa ang halalan sa tamang panahon, at bigyang-daan ang maayos na transisyon ng pamumuno para sa patuloy na pag-unlad ng sektor ng kabataan.
-BPS