02/06/2026
Pagdating sa pamamahagi ng Patient Transport Vehicles (PTVs) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), tinitiyak natin na ang programang ito ay para sa lahat ng Pilipino.
Naninindigan tayo na ang kalusugan ay karapatan ng bawat mamamayan at hindi dapat pinupulitika dahil iyan ang isa sa mga mahalagang paalala sa atin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kasalukuyan nating isinusulong ang pamamahagi ng mga PTV sa mga pamahalaang panlalawigan, kasunod ng makasaysayang distribusyon ng mga ambulansya sa 1,642 lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Nais kong ipabatid sa publiko na walang pinipili ang PCSO sa paghahatid ng kawanggawa at serbisyo. Tungkulin naming tiyakin na ang suporta ng aming ahensya at ng pamahalaan ay umaabot sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan, nang walang kinikilingan at walang naiiwan.
02/06/2026
Sa pagsisimula ng Hunyo, nananatiling determinado ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na mapalawak ang serbisyong pangkawanggawa para sa bawat Pilipino.
Personal nating ipinagkaloob kahapon, Hunyo 1, ang dalawang Patient Transport Vehicles (PTVs) at iba’t ibang kagamitang medikal sa lalawigan ng Aklan.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Aklan ng mga ambulansya mula sa PCSO bilang karagdagang suporta ng ahensya sa pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga residente nito.
Bukod sa pamamahagi ng mga PTV, isinagawa rin natin ang turnover ng isang low-temperature plasma sterilizer, isang fully automated PCR system, isang anesthesia machine, at apat na ventilator sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital, ang pangunahing referral at end-point hospital na nagseserbisyo hindi lamang sa mga pasyente mula sa Aklan kundi maging sa mga pasyente mula sa iba pang lalawigan sa Western Visayas.
Pormal ding tinanggap ni Governor Jose Enrique Miraflores, bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Aklan, ang tseke na nagkakahalaga ng ₱363,914.26 bilang bahagi ng lotto shares na nakalaan para sa lalawigan para sa July-December 2025.
Sa bawat pagkakataong inilalapit ng PCSO ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan, asahan ninyo na patuloy naming isusulong ang diwa ng kawanggawa sa pamamagitan ng aming mga programa at serbisyong naglalayong maghatid ng agarang tulong at pag-asa sa mas maraming Pilipino.
27/05/2026
Maligayang Eid’l Adha sa ating mga kapatid na Muslim!
Sa makabuluhang okasyong ito, nawa’y higit pang tumibay ang ating pananampalataya, pagmamalasakit, at pagkakaisa bilang isang sambayanan.
Makakaasa ang ating mga kababayang Muslim na kaisa nila ang PCSO sa paggalang sa pananampalataya, pagsusulong ng kapayapaan, at patuloy na paghahatid ng serbisyong pangkawanggawa para sa kapwa.
21/05/2026
Isang munisipyo pa sa Oriental Mindoro ang natulungan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules, Mayo 20, 2026, matapos nating ipamahagi ang 500 ChariTimba at iba’t ibang medical at rescue devices sa lokal na pamahalaan ng Baco.
Bumisita sa PCSO Main Office sa Mandaluyong si Baco, Oriental Mindoro Mayor Allan Roldan upang personal na tanggapin ang mga sumusunod na donasyon mula sa PCSO:
- 30 wheelchairs
- 30 crutches
- 30 canes
- 30 walkers
- 20 blood pressure apparatus
- 20 nebulizer
- 20 pulse oximeters
- 20 glucometers
- 20 rescue helmets
- 20 life jackets
- 20 rescue rope
- 10 handheld radios
- 10 stretchers
Ibinahagi sa atin ni Mayor Roldan na malaking tulong ang mga kagamitang ito para mapabuti ang kalusugan ng mga residente ng Baco, gayundin ang pagpapalakas ng emergency response ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa kanilang lugar.
Makakaasa ang ating mga kababayan na laging bukas ang PCSO sa pakikipagtulungan sa kanilang mga lokal na pamahalaan lalo na sa aspekto ng kalusugan at kawanggawa.
21/05/2026
Sa saliw ng iba’t ibang awitin, tiyak na mamamangha kayo sa galing ng PCSO Chorale sa larangan ng musika at sining!
Ating panoorin ang pagtatanghal ng PCSO Chorale sa kanilang victory concert na pinamagatang “Vincero” nitong ika-26 ng Abril, tampok ang 17 pyesa sa ilalim ng direksyon ni Choir Conductor Robert Delgado at Choir Master Tristan Ignacio.
Masasaksihan natin sa video na ito ang world-class Pinoy talent na nagpanalo sa PCSO Chorale sa Korea International Choir Competition noong Pebrero 2026.
Muli, pagpupugay sa PCSO Chorale!
PCSO Chorale Victory Concert: Vincero
The Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) proudly presents the full concert experience of the PCSO Chorale’s highly successful Victory Concert, Vincer...
21/05/2026
Every Filipino deserves a premium healthcare. Iyan ang paniniwala namin sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang katuwang ng gobyerno sa pagsulong ng mas accessible na serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
Ngayong araw, May 21, 2026, nakilahok tayo bilang kinatawan ng PCSO sa pagsisimula ng Operation Reach Out Surgical Mission 2026 sa munisipalidad ng Tigaon at Sagñay, Camarines Sur.
Hindi tayo nag-alinlangan na paunlakan ang imbitasyon ni Camarines Sur 4th District Representative Arnulf Bryan “Arnie” Fuentebella na siyang namumuno sa humanitarian mission na ito lalo na’t naisakatuparan din natin ang Medical Equipment Donation Program (MEDP) at Corporate Social Responsibility (CSR) Program ng PCSO.
Isa sa naging highlight ng aktibidad na ito ay ang pag-turn over natin ng digital X-ray machine sa Tigaon Primary Hospital na siyang pangunahing pagamutan sa munisipalidad. Layunin natin sa donasyong ito na mas mapabuti pa ang diagnostic at treatment capacity ng nasabing ospital para sa kanilang mga pasyente.
Pagdating naman sa CSR, naipagkaloob natin ang mga sumusunod na kagamitan sa 23 barangay health centers ng Tigaon: 23 blood pressure apparatus, 23 nebulizers, 23 glucometers, 1,000 hygiene kits, at 3,000 medicine relief packs.
Gaya ng palaging bilin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa bawat Pilipino, tuloy-tuloy ang pag-aksyon ng PCSO para maihatid sa taumbayan ang nararapat na suporta at tulong na kailangan nila, lalo na iyong mga nasa malalayong komunidad.
21/05/2026
Para sa Ikalawang Distrito ng South Cotabato, ipinagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga kagamitang pangkalusugan para sa ating mga kababayan doon, partikular na ang mga senior citizen, may kapansanan, at mahihirap na pamilya.
Tig-20 unit ng glucometer, thermal scanner, blood pressure apparatus, nebulizer, at pulse oximeter ang ating personal na ipinagkaloob kay South Cotabato 2nd District Representative Ferdinand Hernandez sa ginanap na turnover ceremony nitong May 20, 2026 sa PCSO Main Office, Mandaluyong.
Naisakatuparan natin ito sa ilalim ng Corporate Social Responsibility (CSR) Program ng PCSO kung saan patuloy na pinaiigting ng ahensya ang mga serbisyong pangkalusugan at panlipunan saanmang panig ng Pilipinas.
21/05/2026
Bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) Program ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), tinugunan natin ang suportang medikal na kailangan ng San Teodoro, Oriental Mindoro.
Sa turnover ceremony na idinaos natin sa PCSO Main Office sa Mandaluyong kahapon, Mayo 20, pormal nating ipinagkaloob ang tig-20 na wheelchair, cane, blood pressure apparatus, nebulizer, pulse oximeter, at sampung glucometer kay San Teodoro, Oriental Mindoro Mayor Karen Ponce-Miranda.
Ang mga nabanggit na donated healthcare equipment ay nakatakdang pakinabangan ng mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at maging ang mga kapus-palad na pamilya sa San Teodoro.
Dahil sa CSR ng ahensya, nakikita natin ang bunga ng kooperasyon ng PCSO sa mga lokal na pamahalaan upang mas mailapit ang serbisyong pangkawanggawa sa mga Pilipino.
21/05/2026
Mas lumawak pa ang Institutional Partnership Program (IPP) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa ating kolaborasyon sa Oasi Di Gioia Per Bambine Foundation Inc., ang bagong katuwang na ahensya natin na nakatanggap ng ₱490,000 bilang suportang pinansyal mula sa PCSO nitong May 20, 2026.
Nakausap natin si Sr. Margie Cabantog, Executive Director ng nasabing non-profit organization, at ipinabatid niya sa atin na ang natanggap nilang tulong mula sa PCSO ay ilalaan sa kanilang programang “Healthy Girls, Hopeful Tomorrow.”
Ayon kay Sr. Margie, layunin ng naturang proyekto na mabigyan ng masustansyang pagkain at maayos na medical, dental, at psychological care ang 20 benepisyaryo ng kanilang institusyon.
Sa pamamagitan ng IPP, nabuo natin ang isang makabuluhang partnership sa kanilang organisasyon na kumakalinga sa mga batang babae na may edad 3 hanggang 18 na nakaranas ng pag-abandona o pang-aabuso, pati na rin sa mga naulila.
Mula Enero hanggang kasalukuyan, 14 partner agencies na ang napagkalooban natin ng tulong pinansyal na may kabuuang halaga na ₱11,343,000. Sa mga susunod na buwan, sisikapin natin na mas marami pa tayong maging KawanggaWarriors na partner agencies sa ilalim ng IPP lalo na’t sila rin ang inaasahan ng vulnerable sectors sa ating mga komunidad.
20/05/2026
Inihatid natin ang kawanggawa sa ating mga kababayan sa Cagayan de Oro sa pamamagitan ng pakikilahok ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa LAB For All Caravan na ginanap sa Capitol University kahapon, ika-19 ng Mayo.
Personal tayong nagtungo sa Cagayan de Oro upang pangunahan ang distribusyon ng 1,500 ChariTimba sa mga benepisyaryo ng programa, na nakatanggap din ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan sa aktibidad na ito.
Naging daan din ang LAB For All upang maipagkaloob natin sa Pamahalaang Lungsod ng Cagayan de Oro ang kanilang lotto shares na nagkakahalaga ng ₱1,016,368. Saklaw nito ang lotto shares ng lokal na pamahalaan mula Hulyo hanggang Disyembre 2025.
Bilang dagdag na tulong sa mga benepisyaryo, nakiisa rin sa inisyatibang ito ang Hexaprime Inc., PCSO Small Town Lottery (STL) Authorized Agent Corporation (AAC) para sa Cagayan de Oro at Misamis Oriental. Namahagi sila ng 1,500 food packs, 1,500 sako ng 5-kilong bigas, mga gamot na nagkakahalaga ng ₱100,000, 100 wheelchair, at 47 nebulizer.
Asahan ninyo ang patuloy na kooperasyon ng PCSO hindi lamang sa makabuluhang LAB For All kundi maging sa iba pang programa ng pamahalaan na sumusuporta sa pangangailangan ng ating mga kababayan.