09/11/2026
LINGGUHANG PAGTATAAS NG WATAWAT NG PILIPINAS SA BAYAN NG NAGCARLAN
Nobyembre 9, 2026 | Municipal Multipurpose Gymnasium
Pinangunahan ng Municipal Treasury Office at General Services Office (GSO) ang lingguhang pagtataas ng watawat ng Pilipinas ng Pamahalaang Bayan ng Nagcarlan, at dinaluhan ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang bayan, mga kinatawan ng pambansang ahensya, mga opisyal ng barangay, at iba pang mga kababayan nating Nagcarlangin.
Sinimulan ang programa sa panalangin na pinangunahan ni Marielle U. Rorman, na sinundan ng pagbasa at pagbabahagi ng mensahe mula sa Banal na Ebanghelyo sa pangunguna ni Pastor Miguel Urriza. Kasunod nito ang pag-awit ng Lupang Hinirang sa pangunguna ni Mark Joseph Belen. Pinangunahan naman nina Christine Joy C. Consignado ang Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas, Carlo M. Angeles ang Panunumpa ng Lingkod-Bayan, at Mark Jayson D. Pionela ang Panata sa Bagong Pilipinas.
Bilang bahagi ng programa, inilahad ni G. John Carlo B. Vocales, OIC- Pambayang Ingat-Yaman, ang ulat at mahahalagang impormasyon mula sa Municipal Treasury Office. Sinundan ito ng ulat ni Bb. Lorelie S. Vitangcol, GSO-Designate, hinggil sa mga gawain at serbisyong saklaw ng General Services Office.
Naghandog din ng isang espesyal na pagtatanghal ang mga kawani ng Municipal Treasury Office at GSO, bilang bahagi ng pagpapahalaga sa talento at pakikiisa ng bawat sektor sa mga gawain ng pamahalaan.
Nagbigay rin ng kanyang mensahe si Punong Bayan Ark/Inh Elmor Vitangcol Vita, kung saan binigyang-diin ang patuloy na pagsusulong ng maayos, tapat, at mahusay na paglilingkod para sa kapakanan ng bawat Nagcarlangin.
Kasabay nito, muling iginawad sa Rural Health Unit (RHU) ang mga pagkilalang kanilang natanggap bilang pagpapahalaga sa kanilang dedikasyon, pagsisikap, at patuloy na pagsusulong ng mga programang pangkalusugan. Sumasalamin ang mga pagkilalang ito sa sama-samang pagsusumikap ng mga kawani ng RHU upang maitaguyod ang mas maayos at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Nagcarlangin.
Nagtapos ang programa sa sama-samang pag-awit ng Martsa ng Nagcarlan, bilang pagpapahayag ng pagkakaisa at pagmamalaki sa ating bayan.
Ang lingguhang pagtataas ng watawat ay hindi lamang isang gawaing nakaugat sa ating tungkulin bilang mga lingkod-bayan, kundi isang paalala rin ng ating katapatan sa bansa, pananagutan sa mamamayan, at patuloy na paninindigan sa mga prinsipyong Maka-Diyos, Maka-tao, Makakalikasan, at Makabansa.