02/11/2026
LAGPIO-FB-1101-2026-04-04
Press Release No. 1 – 2026
Sunday, November 1, 2026
LAGUNA PPO, PINAIIGTING ANG SEGURIDAD AT KALIGTASAN NG PUBLIKO SA PAGGUNITA NG UNDAS 2026
Camp BGen Paciano Rizal, Sta. Cruz, Laguna —– Mas pinaigting ng Laguna Police Provincial Office, sa ilalim ng pamumuno ni PCOL SANDRO JAY DC TAFALLA, Provincial Director, ang mga hakbang pangseguridad at pagpapanatili ng kaayusan upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at maayos na paggunita ng Undas 2026.
Bilang bahagi ng paghahanda, nagtalaga ang Laguna PPO ng mga pulis sa iba't ibang himlayan, transport terminals, pangunahing lansangan, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko sa buong lalawigan ng Laguna. Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan, mapanatili ang kaayusan, at agarang makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ang mas pinaigting na police visibility, regular na pagpapatrolya, estratehikong paglalagay ng mga tauhan, at mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, force multipliers, at iba pang katuwang na ahensya.
Binigyang-diin ni PCOL TAFALLA ang kahalagahan ng kahandaan, pagiging maagap, at malasakit ng bawat pulis sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko. Hinikayat din niya ang mga mamamayan na makipagtulungan sa mga awtoridad at maging mapagmatyag sa buong panahon ng paggunita ng Undas.
Pinaalalahanan din ang mga motorista at biyahero na pairalin ang mahabang pasensya, disiplina, at pag-iingat sa kalsada, lalo na sa mga lugar na inaasahang makararanas ng matinding daloy ng trapiko.
Pinapayuhan naman ang publiko na pangalagaan ang kanilang mga personal na gamit, sumunod sa mga alituntunin ng mga himlayan, iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay, uminom ng sapat na tubig, at tiyaking nababantayan ang mga batang kasama sa pagbisita.
“Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, nananatiling nakatuon ang Laguna PPO sa pagbibigay ng mabilis, tapat, at maaasahang serbisyo upang matiyak na ang bawat pamilya ay makapagbibigay-pugay at makaaalala sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay nang may kapanatagan.” Pahayag ni PCOL TAFALLA.
Ngayong Undas 2026, pairalin ang pag-iingat, disiplina, at malasakit sa kapwa. Sama-sama nating tiyakin ang isang ligtas at mapayapang paggunita para sa lahat!
Authority: PCOL SANDRO JAY DC TAFALLA, Provincial Director LPPO
PMAJ ELMER B AGUILA, C, LPIO
Contact Nos. Tel: 09451454794
Website: 3page: Pulis ng Laguna