08/10/2026
MAHIGIT ₱531-MILYON HALAGA NG ILEGAL NA DROGA TIMBOG; 11 SUSPEK ARESTADO SA SUNOD-SUNOD NA OPERASYON NG PNP
CAMP CRAME, QUEZON CITY | October 8, 2026 — Mahigit ₱531 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga ang nasamsam habang 11 suspek ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) at mga katuwang na ahensiya mula October 1 hanggang 5, 2026.
Sa pamumuno ni PNP Chief PGEN JOSE MELENCIO C NARTATEZ JR, kabilang sa pinakamalaking operasyon ang pagkakaharang sa humigit-kumulang 73 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱496.413 milyon sa NAIA Complex, Pasay City, nito lamang October 5, 2026
Sa Bacolod City, tatlong suspek naman ang naaresto matapos makumpiska ang ₱1.564 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Samantala, sa Davao Region, tatlo pang suspek ang naaresto at ₱3.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam. Sa Tinglayan, Kalinga, 50,250 tanim na ma*****na na nagkakahalaga ng ₱10.5 milyon ang binunot at winasak ng mga awtoridad.
Sa iba pang operasyon sa Pangasinan, Negros Oriental, Iligan City, Cagayan de Oro, Pampanga at Bohol, limang suspek ang naaresto habang mahigit ₱20.48 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga at controlled substances ang nakumpiska.
Binigyang-diin ni PGEN NARTATEZ na mahalaga ang mabilis na pag-aksyon sa mapagkakatiwalaang impormasyon, maayos na koordinasyon at mahigpit na pagsunod sa batas upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.
Bahagi ang mga operasyon ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa ilalim ng PNP Focused Agenda.
Patuloy ang pagsusuri sa mga nakumpiskang ebidensiya at ang kaukulang legal na proseso. Ang mga naarestong suspek ay itinuturing na inosente hangga't hindi napapatunayang nagkasala ng hukuman.
Source: PNP-PIO | Pinagsamang ulat, October 1–5, 2026
Philippine National Police