26/09/2026
PCAA SEASON 7, MATAGUMPAY NA BINUKSAN; MGA PAARALAN, MULING NAGKAISA SA ISPORTS AT PAGKAKAIBIGAN
Matagumpay na binuksan ang Pinamalayan Collegiate Athletic Association (PCAA) Season 7, kung saan muling nagtipon ang mga kabataan at student-athletes mula sa iba’t ibang paaralan sa isang makabuluhang kompetisyon na naglalayong itaguyod ang sportsmanship, disiplina, pagkakaisa, at pagkakaibigan.
Dumalo sa makabuluhang pagsisimula ng Season 7 sina People’s Mayor Rodel Magsino at Working Vice Mayor Aris Baldos, na nagpahayag ng kanilang suporta sa mga kabataan at sa pagpapaigting ng mga programang pang-isports sa komunidad.
Ang programang ito ay sinimulan noong 2018 sa ilalim ng administrasyon ni Hon. Aris Baldos panahong siya pa ang Mayor katuwang ang ilang mga Youth Organizations at indivividuals. Ngayon ay ipinagpapatuloy ng Magsino Administration, mas pinapalawig at mas pinalalakas sa tulong ng mga participating schools at ng Lokal na Pamahalaan, Local Youth Development Office, Sangguniang Kabataan Municipal Federartion at ng Public Information Unit.
Ngayong Season, ang INSTITUTE of BUSINESS, SCIENCE and MEDICAL ARTS (IBSMA) ang nagsilbing Host School, at nangunguna sa mga aktibidad sa matagumpay na Opening Ceremony. Kabilang sa mga paaralang kalahok ngayong Season 7 ang: ABADA College, EECP, IBSMA, PMFTCI at SIBTECH.
Sa muling pagsasama-sama ng limang paaralan, inaasahang magiging daan ang PCAA Season 7 hindi lamang para sa pagpapakita ng husay at talento sa larangan ng palakasan, kundi maging sa paghubog ng mga kabataang may disiplina, respeto, determinasyon, at tunay na diwa ng sportsmanship.
Higit pa sa laban at kompetisyon, ang PCAA ay nagsisilbing tulay upang mapalalim ang ugnayan ng mga paaralan at kabataan sa Pinamalayan—patunay na sa bawat laro, may pagkakataong matuto, makipagkaibigan, at sama-samang umunlad.
PCAA Season 7 — isang panibagong season ng talento, determinasyon, pagkakaisa, at sportsmanship!