29/09/2026
Nanawagan ang beteranong actor na si Edu Manzano na huwag umikot lamang kay Vice President Sara Duterte ang usapin ng pananagutan sa gobyerno, kasabay ng pagbanggit niya sa tinatayang ₱1.6 trilyong halaga ng pondong nawawala umano taun-taon dahil sa korapsyon.
“Habang nakatutok tayo sa iisang pangalan, tinatayang ₱1.6 trillion ang nawawala sa bayan dahil sa korapsyon. Hindi pa ito nangangahulugang lahat ay napatunayang ninakaw—kaya dapat imbestigahan at isa-isahin,” ani Manzano sa kanyang social media post.
Ang ₱1.6-trilyong figure ay estimate, hindi halaga ng perang napatunayang ninakaw. Nagmula ito sa pagsusuring inilathala ng P&A Grant Thornton na nag-apply ng dating 20% corruption-loss estimate sa 2024 national budget.
Diretsahan ding nagtanong si Manzano: “Niloloko na tayo pero ayaw niyo pang magalit?”
Iginiit niyang may karapatan ang mga Pilipino na malaman kung saan napupunta ang kanilang buwis, lalo na sa gitna ng mga imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood-control at iba pang infrastructure projects.
“Ilabas ang mga dokumento: sino ang humiling, pumirma, nag-apruba, at nakinabang?” hamon niya.
Binanggit din ni Manzano ang naging kontrobersiya sa deliberasyon ng 2027 congressional budget, kung saan unang idineklarang “out of order” ang mosyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco na muling buksan ang plenary debate. Kalaunan, noong Setyembre 23, ipinabura rin ng Kamara sa record ang naturang “out of order” ruling.
Nilinaw naman ni Manzano na hindi niya ipinagwawalang-bahala ang mga alegasyon laban kay VP Sara.
“YES, hold Sara accountable for any wrongdoing proven against her. But this is bigger than Sara. Corruption runs through budgets, approvals, contracts, and offices. Huwag tayong hayaang pag-awayin sa iisang pangalan habang yung ibang magnanakaw ay nakakalimutan.”
Tinukoy rin niya si dating House Speaker Martin Romualdez, na naaresto noong Setyembre 7 matapos siyang kasuhan ng plunder kaugnay ng umano’y ₱7.44-bilyong kickback scheme sa government projects.
“Oo, naaresto na si Martin Romualdez. PERO IISA LANG DIN SIYANG PANGALAN. Nasaan ang iba? Dapat imbestigahan at panagutin ang lahat ayon sa ebidensya,” ani Manzano.
Para kay Manzano, hindi dapat maging usapin ng kampihan ang korapsyon: “Kung galit ka kay Sara, magalit ka rin sa lahat ng nagnakaw.”
“Walang palusot. Iimbestigahan. Kasuhan. Bawiin ang pera. MATAGAL NA TAYONG NILOLOKO!!!” aniya