05/09/2026
Noong Huwebes, ika-3 ng Setyembre, 2026, matagumpay na idinaos ng Vector-Borne Diseases Prevention and Control Program Puerto Princesa City at Pilipinas Shell Foundation Inc -Palawan ang Malaria Awareness Day Celebration para sa ating mga kapatid na katutubong Tagbanwa at Palaw’an sa Barangay Napsan. Naki-isa rin ang mga IPs na mula pa sa karatig-barangay ng Simpokan at Bagong Bayan, na sama-samang dumalo upang matuto, at maging katuwang sa kampanya kontra malaria.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, isinagawa ang blood smearing, Malaria IEC lecture at flyer distribution, at muling pagpapakilala ng programang “Bayanihan sa Barangay Targeted Indoor and Outdoor Spraying”.
Mas naging makabuluhan, masaya at makulay nang maging bahagi mismo ng programa ang ating mga kapatid na katutubo. Nagkaroon ng pag-awit gamit ang wikang Tagbanua at pagpapamalas ng isang tradisyunal na sayaw, na nagbigay-daan upang maipakita at mapahalagahan ang kanilang kultura at talento. At bilang munting pasasalamat sa kanilang pakikiisa, namigay ang aming team ng food packs bago sila umuwi sa kanilang mga barangay.
Ang ganitong mga pagtatanghal ay hindi lamang nagbigay-saya sa lahat, kundi nagsilbing paalala na ang kalusugan at kultura ay maaaring magsama sa isang makabuluhang bayanihan para sa komunidad.
Taos-pusong nagpapasalamat ang Vector-Borne Diseases Prevention and Control Program Puerto Princesa City at Pilipinas Shell Foundation Inc -Palawan sa lahat ng naging katuwang upang maging matagumpay ang selebrayon na ito—sa mga opisyal ng Barangay Napsan, Bagong Bayan, at Simpokan, sa ating mga Indigenous Peoples Mandatory Representatives, City Epidemiology and Surveillance Unit CESU Puerto Princesa, Nutrition Office of Puerto Princesa City para sa kanilang kontribusyon sa pagpapakain ng ating mga kapatid na katutubo, Cdrrmo PPSCity para naman sa kanilang transportasyon, at higit sa lahat, sa City Mayor's Office - Puerto Princesa para sa kanilang dagdag suporta.
Sa ating mga kapatid na Tagbanua at Palaw’an, maraming salamat sa inyong pakikiisa, pakikipagtulungan, at pagbabahagi ng inyong kultura.
"Ligtas na Kapaligiran, Bunga ng Bayanihan, Kalusugan ay Ingatan, Malaria ay Wakasan."