23/09/2026
Personal po nating binisita at kinumusta ang ating mga kababayan na naninirahan sa “Tunnel Community” sa Malate, Manila, upang personal na ibahagi sa kanila ang magandang balita tungkol sa kanilang nalalapit na paglipat sa mas ligtas, maayos, at disenteng pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa San Ildefonso, Bulacan.
Sa ginanap na Town Hall Meeting sa Brgy. 738 Covered Court, nakasama po natin si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na nagbahagi ng mga programa at tulong para sa iba pang pamilyang patuloy na naghihintay ng kanilang ganap na relokasyon. Kabilang dito ang transitory shelter assistance, community departure conditioning, at rental subsidy sa ilalim ng DSWD Pag-Abot Program.
Hindi lamang po pabahay ang nais nating maihatid. Higit sa lahat, nais nating matiyak na ang bawat pamilyang Pilipino ay mabibigyan ng mas ligtas, mas maayos, at mas marangal na lugar na matatawag nilang tahanan, kasama ang pagkakataong makapagsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay.
Ang sama-samang pagkilos ng NHA, DSWD, lokal na pamahalaan, at mga komunidad ay mahalaga sa pagsusulong ng bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas—isang Pilipinas kung saan ang bawat pamilya ay may pagkakataong magkaroon ng disente, ligtas, at sustenableng tahanan.
Sa bawat pamilyang ating naaabot at natutulungan, unti-unti nating naitatayo ang isang Bagong Pilipinas na may malasakit, may pag-asa, at may tahanan para sa bawat pamilyang Pilipino.