28/05/2026
Gabriela Youth Slams PNP Cateel Over Dangerous “Wanted Persons” Post
Mariing kinokondena ng Gabriela Youth National ang pinakalat ng PNP Cateel Municipal Police Station sa isang social media post na naglalaman ng listahan ng diumano’y “Active Wanted Persons” kung saan inilathala ang mga pangalan ng mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon sa Southern Mindanao Region, kabilang dito sina Allyssa Ancheta, Chairperson ng GABRIELA-Youth Davao, at Allaiza Gerodiaz, dating Coordinator ng GABRIELA-Youth UP Mindanao.
Nagpapatuloy at tumitindi ang pasistang pag-atake laban sa mga kababaihang lumalaban at nagsasalita laban sa inhustisya. Instrumento ang PNP at AFP ng estado upang maghasik ng takot, intimidasyon, at panunupil laban sa mga progresibong organisasyon at indibidwal na naninindigan para sa karapatan at kapakanan ng mamamayan—lalo na ng mga kababaihan at kabataan.
Sa halip na magsilbi sa mamamayan, ginagamit ng PNP ang pondong nagmumula sa buwis ng taumbayan upang atakehin ang taumbayan mismo na dapat nitong protektahan. Habang lalong lumalala ang kagutuman, kawalan ng trabaho, at krisis pang-ekonomiya sa bansa, mas pinipili ng administrasyong Marcos Jr. na patahimikin ang mga kritiko at supilin ang lehitimong pakikibaka ng kababaihan at mamamayan sa halip na tugunan ang ugat ng kahirapan at kawalang hustisya.
Bilang dating mga mag-aaral ng University of the Philippines Mindanao, namulat sina Allyssa at Allaiza sa karahasan at pagsasamantala sa kababaihan, LGBTQIA+, at masang anakpawis. Naging aktibista sila sa GABRIELA-Youth UP Mindanao at kalauna’y sa GABRIELA-Youth Davao, kung saan naging Chairperson si Allyssa upang isulong ang laban ng kababaihan at mamamayan.
Bagama’t burado na ang naturang post matapos umani ng matinding batikos, hindi nito mabubura ang panganib na idinulot nito sa seguridad at kaligtasan ng mga indibidwal na kanilang iligal na pinaratangan. Ito ay malinaw na bahagi ng red-tagging at kriminalisasyon laban sa mga kabataan, aktibista na kritikal sa estado. Ang ganitong mga paratang ng AFP-PNP ay nagreresulta sa hindi lamang sa mga gawa-gawang kaso kundi maging sa sapilitang pagkawala at ekstrahudisyal na pamamaslang.
Hindi sasapat ang pagbubura ng post, dapat managot ang PNP Cateel Municipal Police Station sa kanilang iresponsable, mapanira, at mapanganib na pagpapakalat ng maling impormasyon at gawa-gawang paratang laban sa mga aktibista at progresibong lider. Panagutin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang administrasyong Marcos Jr. na tuta sa kontra-insurhensyang estratehiya ng Estados Unidos sa pampulitikang represyon at red-tagging sa Mindanao at sa buong bansa.
Duwag ang estado sa kabataang kababaihan na isa sa mga nangunguna sa pagsusulong ng mga batayang karapatan sa rehiyon. Ang pag-atake kina Allyssa Ancheta at Allaiza Gerodiaz ay pag-atake sa lahat ng kabataang kababaihang nangangahas manindigan, mag-organisa, at lumaban para sa kanilang mga karapatan.
Ngunit hindi tayo matitinag ng intimidasyon at pananakot. Patuloy nating ipagtatanggol ang ating mga demokratikong karapatan, higit pang lalakas at titibay ang sama-samang pagkilos ng kababaihan at kabataan laban sa pasismo at panunupil.
Manindigan para sa hustisya, kalayaan, at karapatan ng mamamayan!
Panagutin ang PNP, AFP, at ang rehimeng US-Marcos Jr. sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan!
20/05/2026
𝐑𝐀𝐏𝐄 𝐈𝐒 𝐍𝐎𝐓 𝐀 𝐉𝐎𝐊𝐄.
Gabriela Youth strongly condemns the actions of K5 News FM Bacolod 101.5 anchor Jean Paul Generoso, who repeatedly asked a female journalist if he could “r**e” her while they were discussing cases of abuse against women and children.
The visible discomfort of the female journalist in the video highlights the harmful impact of repeated sexual remarks. What makes this incident even more alarming is that it happened during a discussion on violence and abuse. Instead of showing respect and sensitivity toward victim survivors, the situation was turned into a source of laughter, further normalizing r**e culture and violence against women.
We express our full solidarity with women journalists and media workers who continue to face sexism, harassment, intimidation, and misogyny in their workplaces and in the field. Women in media deserve safe working environments where they can perform their duties without fear of humiliation, harassment, or abuse. Attacks and degrading remarks against women journalists are not isolated incidents—they reflect a broader culture that seeks to undermine women’s dignity and silence them in public spaces.
The repeated use of r**e references to provoke laughter contributes to the normalization of violence against women and children and desensitizes society to the realities faced by survivors. In a country where countless women continue to experience abuse and harassment, media personalities and public figures carry the responsibility to uphold respect, accountability, and sensitivity in their platforms.
Gabriela Youth calls on all women, youth, and allies to continue speaking out against the normalization of sexual violence and misogyny in media and public spaces. We also demand accountability and immediate action to ensure that sexist, abusive, and harmful behavior is never tolerated nor excused.
R**e is never a joke. Silence and tolerance only allow violence to persist.
02/05/2026
MABUHAY ANG MGA MANGGAGAWANG LUMILIKHA AT LUMALABAN! ⚙️🔥
Ngayong Mayo Uno, kaisa ang kabataang kababaihan sa paggunita sa makasaysayang papel ng uring manggagawa sa buong daigdig. Sa kabila ng kanilang walang humpay na kontribusyon sa yaman ng bansa, nananatili silang biktima ng mababang sahod, kontraktwalisasyon, hindi ligtas at hindi tiyak na trabaho, at ng patuloy na panunupil ng estado sa kanilang pakikibaka para sa karapatan. Samantala, patuloy ang pagkamal ng yaman ng naghaharing uri sa pakikipagsabwatan sa mga imperyalistang interes.
Sa gitna ng krisis at tumitinding init ng panahon, lalo ring umiigting ang pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Ipinapakita nito ang kanilang patuloy na paglaban, gayundin ng pakikiisa ng kabataang kababaihan sa batayang sektor at sa mga komunidad na higit na apektado ng kapabayaan ng gobyerno. Buhay ang diwa ng Mayo Uno sa sama-samang pagkilos para sa tunay na kalayaan mula sa pagsasamantala.
Panawagan ng mga manggagawa, kababaihan, at iba pang sektor: itaas ang sahod sa P1,200 family living wage at suportahan ang panawagang fare hike ng mga tsuper! Wakasan ang gerang agresyon ng US laban sa Iran!
Sama-sama nating ibagsak ang numero unong kaaway ng mga manggagawa’t mamamayan ng daigdig—ang imperyalismong US!
IPAGLABAN ANG KAGALINGAN AT GINHAWA SA GITNA NG KRISIS!
30/04/2026
Sa bisperas ng Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, muling nagtipon ang mga kababaihan kasama ang Gabriela Youth sa tanggapan ng Department of Finance upang tutulan ang 12% value-added tax (VAT), sunod-sunod na oil price hikes, at patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente at mga pangunahing bilihin.
Sama-sama tayong magmartsa sa Mayo Uno upang panagutin ang korap, inutil, at pasistang rehimeng US-Marcos Jr.! Ipaglaban at kondenahin ang patuloy na pandarambong habang naghihirap ang sambayanan at kinakaladkad tayo sa gerang agresyon ng US. ❤️🔥
📍 6:30 AM – P. Noval
📅 Mayo 1
Kabataang kababaihan, makilahok sa Araw ng mga Manggagawa bukas! Sumama sa Mayo Uno! ⚒️🔻
29/04/2026
🗣 MAG-ARAL. MAG-ORGANISA. MAKIBAKA.
TINGNAN | Matagumpay na idinaos ang Paaralang Lorena Barros para sa higit pang palalimin ang gagap ng kababaihan at kabataan sa tumitinding pang-gigera ng imperyalistang US at ang bulnerabilidad ng Pilipinas sa epekto nitong oil shocks.
Maraming salamat sa BAYAN - Bagong Alyansang Makabayan at IBON Foundation sa pagbibigay ng pag-aaral!
SULONG, GABRIELA! LUMABAN, MAKIBAKA!
Magkita-kita tayo sa Mayo Uno at iba pang mga pagkilos, bitbit ang ating mga panawagan!
📣 Wakasan ang gerang agresyon ng US-Israel sa Iran!
📣 Itaas ang sahod ng mga manggagawa sa P1,200 family living wage at suportahan ang panawagang fare hike ng mga tsuper!
📣 Tanggalin ang VAT at excise tax sa produktong petrolyo!
📣 I-rollback ang presyo ng langis sa P55!
📣 Ibasura ang Oil Deregulation Law at magpatupad ng price control sa petrolyo!
📣 Isabansa ang industriya ng langis!
29/04/2026
Matagumpay na nailunsad kahapon ang Educational Discussion on War & Crisis ng Paaralang Lorena Barros! 💜
Sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya dulot ng agresyong gerang imperyalista ng Estados Unidos sa Kanlurang Asya, mas napalalim ang pag-unawa sa imperyalismo—ang ugat ng pag-usbong nito at ang epekto nito sa mga kababaihan, manggagawa, at karaniwang mamamayang Pilipino.
Patuloy na pag-aralan ang lipunan at makiisa sa mga susunod na talakayan!
📚 ED on Social Basis of a Fascist State
April 30, 4 PM – College of Arts and Letters, UP Diliman
📚 ED on Mercenary Traditions of the AFP
May 4, 1 PM – UP Manila
Mag-register dito:
https://shorturl.at/uLjjF
https://shorturl.at/uLjjF
At ngayong papalapit ang Mayo Uno, higit kailanman mahalagang unawain ang ating mga danas sa gitna ng krisis pang-ekonomiya at gera, at sama-samang kumilos laban dito. Ipaglaban ang karapatan ng mamamayan at makiisa sa pakikibaka ng mga manggagawa!
IMPERYALISMO, IBAGSAK! 🔻
28/04/2026
𝐏𝐚𝐚𝐫𝐚𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐋𝐨𝐫𝐞𝐧𝐚 𝐁𝐚𝐫𝐫𝐨𝐬 𝐏𝐫𝐞𝐬𝐞𝐧𝐭𝐬 💜
Kulang na ang baon para sa pamasahe!
Ang mahal na ng ulam sa karinderya!
Hindi ko na kayang magbayad ng utang!
Ang mahal pa rin ng langis!
Ang hirap ng buhay! 😢
Humaharap tayo ngayon sa matinding krisis pang-ekonomiya. Dulot daw ito ng agresyon ng imperyalistang Estados Unidos sa Kanlurang Asya, pero bakit pasanin nating simpleng mamamayan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pamasahe at mga batayang bilihin?
Bakit kasabay nito ay lumalalala din ang pagpapahirap ng gobyerno sa taumbayan, panunupil sa mga lider-estudyante, mga aktibista, at mga progresibong indibidwal?
Tara, pag-aralan natin!
📚 𝐄𝐃 𝐨𝐧 𝐖𝐚𝐫 & 𝐂𝐫𝐢𝐬𝐢𝐬
April 28, 5 PM – College of Arts and Letters, UP Diliman
📚 𝐄𝐃 𝐨𝐧 𝐒𝐨𝐜𝐢𝐚𝐥 𝐁𝐚𝐬𝐢𝐬 𝐨𝐟 𝐚 𝐅𝐚𝐬𝐜𝐢𝐬𝐭 𝐒𝐭𝐚𝐭𝐞
April 30, 4 PM – College of Arts and Letters, UP Diliman
📚 𝐄𝐃 𝐨𝐧 𝐌𝐞𝐫𝐜𝐞𝐧𝐚𝐫𝐲 𝐓𝐫𝐚𝐝𝐢𝐭𝐢𝐨𝐧𝐬 𝐨𝐟 𝐭𝐡𝐞 𝐀𝐅𝐏
May 4, 1 PM – UP Manila
Register here:
https://shorturl.at/uLjjF
https://shorturl.at/uLjjF
https://shorturl.at/uLjjF
24/04/2026
HUSTISYA PARA SA TOBOSO 19!
ITIGIL ANG MILITARISASYON SA NEGROS!
Mariing kinokondena ng Gabriela Youth ang naganap na masaker sa Toboso, Negros Occidental kung saan 653 residente mula Brgy. Salamanca at Brgy. San Jose ang napilitang lumikas dahil sa operasyong militar ng 79th Infantry Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kumitil sa 19 na buhay noong Abril 19.
Ilan sa mga kabataang kababaihan na pinaslang ng AFP ay si Alyssa Alano, kasalukuyang Councilor ng UP Diliman University Student Council, at si Maureen Keil Santuyo na isang lider-kabataan at peasant advocate. Kabilang din sa mga naging biktima ng masaker si Errol Wendel, kapwa naglingkod sa hanay ng mga magsasaka, at si RJ Ledesma na isang community journalist mula sa Paghimutad-Negros at regional coordinator ng Altermidya. Ibinukas nila ang kanilang husay at talino at inalam ang kalagayan masang api sa Negros. Matapos masaksihan ang malawakang kawalan ng lupa at ang walang-kaparis na pang-aapi at pagsasamantala ay magiting nilang pinili na paglingkuran ang mga magsasaka at manggagawang-bukid sa rehiyon.
Tinatangka ng AFP na ibaluktot at pagtakpan ang masaker na ginawa nila sa Toboso bilang isang “armadong engkwentro” at pag-angkin na “19 miyembro ng armadong grupo ang na-neutralize.” Taliwas sa kanilang naratibo na sumunod sila sa mga alituntunin ng digmaan ay labis na gumamit ng puwersa at kulangan sa mga pananggalang upang maprotektahan ang buhay. Ang hayag na paglabag ng AFP sa International Humanitarian Law (IHL) ay hindi maaaring ipagsawalang-bahala at nararapat na masusi at agarang imbestigahan.
Mula sa Escalante Massacre noong diktadurang Marcos Sr., Sagay Massacre at Oplan Sauron 1 at 2. Malalim at mahaba ang kasaysayan ng pyudal na pagsasamantala, militarisasyon at pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa Negros. Tinatrato ang isla bilang isang kampo ng militar, kung saan ang mga magsasaka at manggagawang bukid ay dumaranas ng tuloy-tuloy na paniniktik, pananakot, sapilitang “pagsuko,” at red-tagging sa ngalan ng kontra-insurhensya.
Sa kasalukuyan, pinaigting ng Memorandum Order No. 32 ang deployment ng pwersa ng estado na nagreresulta sa paglala ng militarisasyon at pagdami ng mga paglabag sa karapatang pantao. Ipinapakita ng sunud-sunod na kaso ng pang-aabuso sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ang adyenda nitong supilin ang paglaban ng mamamayan laban sa mga proyektong nagbabanta sa kanilang kabuhayan at paninirahan.
Hindi kailanman matatabunan ng red-tagging at panlilinlang ng NTF-ELCAC sa publiko ang katotohanan na sa halip na tugunan ang ugat ng kahirapan sa kanayunan—ang kawalan ng lupa, kagutuman, at kawalang-kabuhayan, ay pinipili ng papet na rehimen na pairalin ang dahas upang protektahan ang interes ng mga panginoong maylupa, dayuhang kapital, at malalaking negosyo, habang pinapatahimik ang lehitimong paglaban ng mamamayan.
Nakikiisa ang Gabriela Youth sa panawagan na panagutin at singilin ang 79th Infantry Battalion, 303rd Infantry Brigade, at 3rd Infantry Division ng AFP at ang buong rehimeng Marcos Jr.
Hindi titigil ang mga kabataan kababaihan hangga't hindi nakakamit ang hustisya para sa lahat ng biktima ng pasismo ng estado. Hindi kailanman terorismo ang pag-aaral sa lipunan, pakikipamuhay sa uring anakpawis at pagkilos tungo sa tunay na pagbabago ng lipunan.
Pagpupugay kina Alyssa Alano, Maureen Keil Santuyo, RJ Ledesma, Errol Wendel, at sa lahat ng nag-alay ng kanilang buhay para paglingkuran ang sambayanan!
Pananagutin ang AFP at rehimeng US-Marcos Jr.!
Wakasan ang militarisasyon sa kanayunan!
Ipaglaban ang karapatan ng mamamayan ng Negros!
01/04/2026
𝐆𝐚𝐛𝐫𝐢𝐞𝐥𝐚 𝐘𝐨𝐮𝐭𝐡 𝐂𝐨𝐧𝐝𝐞𝐦𝐧𝐬 𝐀𝐅𝐏 𝐀𝐛𝐮𝐬𝐞𝐬, 𝐃𝐞𝐦𝐚𝐧𝐝𝐬 𝐈𝐦𝐦𝐞𝐝𝐢𝐚𝐭𝐞 𝐑𝐞𝐥𝐞𝐚𝐬𝐞 𝐨𝐟 𝐂𝐡𝐚𝐫𝐥𝐢𝐳𝐞 𝐆𝐚𝐫𝐳𝐨𝐧
“Nitong katatapos lang ng Women’s Month, muli tayong hinaharap sa malinaw na katotohanan: ang estado mismo ang patuloy na lumalabag sa karapatan ng kababaihan—at ginagamit ang batas upang patahimikin ang mga lumalaban,” pahayag ni Fran Reyes, National Spokesperson ng Gabriela Youth.
Noong Marso 29, inaresto ng 68th IBPA at 203rd Infantry Brigade si Ceeka (Charlize Garzon), isang artista at lider-aktibista, matapos ang isang engkwentro sa pagitan ng militar at NPA sa San Jose, Occidental Mindoro. Kasunod nito, agad na naglabas ang militar ng mga litrato upang iugnay siya sa NPA, isang malinaw na taktika ng red-tagging. Sa kasalukuyan, nananatili siyang nakapiit sa San Jose Municipal Police Station (MPS), kung saan siya iniimbestigahan at posibleng sampahan ng gawa-gawang kaso, habang patuloy na hinaharass at tinatakot ang kanyang pamilya.
“Hindi ito isolated case. Ito ay bahagi ng sistematikong kampanya ng AFP: red-tagging, disinformation, at panunupil laban sa kababaihang aktibista upang pagtakpan ang sarili nilang mga krimen,” dagdag ni Reyes.
Matatandaang nitong nakaraang Bagong Taon, pinaulanan ng bomba at bala ng 76th Infantry Battalion at 203rd Brigade ng Philippine Army ang Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Occidental Mindoro—na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong batang Mangyan-Iraya at isang kabataang mananaliksik.
Hindi ito iisang insidente. Paulit-ulit na binobomba ng AFP ang mga komunidad ng katutubo sa Mindoro. Habang pinapaslang ang mga sibilyan, abala ang militar sa pagbaluktot ng katotohanan—binabansagan bilang terorista ang mga inosente at mga nagtatanggol ng karapatang pantao.
“Ganito rin ang parehong mukha sa kaso nina Jerlyn Rose Doydora at Chantal Anicoche, at ngayon kay Ceeka—ang red-tagging ay ginagamit bilang panakip sa pananagutan at lisensya sa karahasan ng estado. Kung kaya, paano natin mapagkakatiwalaan ang AFP sa kanilang mga pahayag tungkol kay Ceeka kung malinaw ang kanilang mahabang rekord ng karahasan laban sa mamamayan?” dagdag nito.
Ang sunud-sunod na paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. at mga galamay nito ay naglalantad sa agenda nito na supilin ang paglaban ng mamamayan laban sa mga proyektong nagbabanta sa kanilang kabuhayan at paninirahan.
“Ang kababaihan ay hindi lamang simpleng biktima ng bulok na sistema, hindi kami tatahimik. Sa walang habas na panunupil at pananakot ng estado ay lalong lalakas ang paglaban ng mamamayan!” giit ng Gabriela Youth.
Sa gitna ng tumitinding pasismo at krisis sa kabuhayan, lalong dadami ang mga kabataang kababaihan tulad ni Ceeka na pinipiling ilaan ang kanilang talento, kakayahan, at oras para magsaliksik, ilahad ang tunay na kalagayan ng kanayunan at makipamuhay sa mga batayang sektor upang makibaka para sa tunay na reporma sa lupa.
“Ang tunay na banta sa mamamayan ay armadong pwersa ng estado patuloy na lumalabag sa mga karapatang pantao.” diin pa ng pambansang tagapagsalita.
Panawagan ng Gabriela Youth — Palayain si Ceeka ngayon! Hustisya para sa mga biktima ng militarisasyon sa Mindoro! Palayasin ang mga militar sa isla ng Mindoro!