28/10/2026
𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔: NAPC, DTI Region 2, at CLGU Ilagan nagsanib-pwersa para isulong ang Ligtas na Produkto at Protektadong mga Konsyumer
Sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 at National Anti-Poverty Commission (NAPC), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Ilagan, isinagawa ang Consumer-Business Convergence: 15th Cagayan Valley Consumer Assembly na may temang “Safe Products, Confident Consumers” sa Capital Arena, Ilagan City, ngayong araw, Oktubre 27.
Sa pamamagitan ng isang video message, nagpaabot ng mensahe si NAPC Secretary Emmanuel “Manny” Pacquiao Sr., kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga konsyumer, lalo na sa mga pamilyang kabilang sa mga batayang sektor na may limitadong kakayahang pinansyal.
Ayon kay Secretary Pacquiao, ang pagbili ng mga produkto, tulad ng pagkain, kagamitan sa pagsasaka, at mga kasangkapan sa tahanan, ay hindi lamang simpleng transaksiyon para sa mahihirap na pamilya, kundi isang mahalagang paggasta na nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Aniya, ang mga hindi ligtas, depektibo o substandard na produkto ay maaaring magdulot ng pagkalugi at higit pang magpalala sa kahirapan.
Binigyang-diin din niya na ang proteksiyon sa mga konsyumer ay isang mahalagang haligi ng paglaban sa kahirapan at usapin ng katarungang panlipunan. Kaugnay nito, hinikayat niya ang lahat na protektahan ang publiko laban sa mga digital scam, pekeng produkto, at mga substandard na bilihin.
“Let us protect our people against digital scams, counterfeit goods, and substandard commodities. To our local entrepreneurs and micro, small, medium enterprises, remember that you are not just building a brand or selling a commodity. You are building trust and providing dignity to our fellow Filipinos,” saad ni Secretary Pacquiao.
Samantala, binigyang-diin ni NAPC Undersecretary Roman Dannug na ang aktibidad na ito ay isang konkretong halimbawa ng pagsasakatuparan ng convergence at pagtutulungan ng pamahalaan at lipunan. Aniya, sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga ahensiya at iba pang sektor, masisiguro ang maayos na paghahatid ng mga serbisyo at programa ng pamahalaan, na mahalaga upang maging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang mga ito sa mamamayan.
Dagdag pa ni Usec. Dannug na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pagtupad sa mga pangako ng pamahalaan, mas mapapalakas ang tiwala ng publiko at maisusulong ang unti-unting pag-ahon ng mga komunidad mula sa kahirapan, kabilang ang mga lugar sa Cagayan Valley at iba pang mga rehiyong nangangailangan ng mas pinaigting na suporta.
Sa kanyang mensahe, binigyang-halaga naman ni City of Ilagan Vice Mayor Jay Eveson “Jayve” Diaz na ang pagbibigay ng dekalidad na produkto at serbisyo, pagsunod sa patas na mga gawi sa negosyo, at tapat na pakikitungo sa mga konsyumer ay hindi lamang mga legal na obligasyon, kundi mahahalagang pananagutan sa publiko.
Ayon pa sa kanya, patuloy na nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa mga pambansang ahensiya, sektor ng negosyo, at iba pang mga katuwang upang matiyak ang proteksiyon ng mga konsyumer, pagiging patas ng mga pamilihan, at paggalang sa dignidad ng bawat mamamayan.
Nagpaabot din ng pasasalamat si DTI Region 2 Regional Director Ma. Sofia Narag sa NAPC sa patuloy nitong suporta sa mga programa at proyekto ng DTI, kabilang ang tulong sa pagsasagawa ng mga aktibidad na nagtataguyod ng kapakanan ng mga konsyumer.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang patuloy na convergence at pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor, mga organisasyon, at ng publiko upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga konsyumer tungkol sa kanilang mga karapatan at pananagutan.
Nakibahagi rin sa aktibidad si NAPC Policy and Planning Service (PPS) OIC Director at Regional Coordinating Officer for Region 2 Ronaldo Mateo, kung saan kanyang tinalakay ang temang: “Product Safety for Poverty Reduction: Institutionalizing Consumer Protection and Trust.”
Sa kanyang presentasyon, ipinaliwanag niya na ang pagbili ng mga produktong mababa ang kalidad o hindi ligtas ay maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan, pinsala sa ari-arian, at pag-aaksaya ng limitadong pinansyal na yaman ng mga pamilyang mahihirap. Kabilang sa mga halimbawa nito ang sunog na dulot ng depektibong baterya o electrical wiring, mga sakit na dulot ng kontaminadong pagkain at mapanganib na kosmetiko, at pagkalugi sa kabuhayan dahil sa hindi maayos na kagamitan sa pagsasaka o depektibong binhi.
Nagsilibing reactor naman sa talakayan tungkol sa food and product safety and security si Regional Basic Sector Coordinating Council (RBSCC) Cagayan Valley Regional Coordinator at Persons with Disabilities (PWD) Sectoral Representative Amalia Decena na nagbahagi ng pananaw hinggil sa usapin ng kaligtasan at proteksiyon ng mga konsyumer.
Nakiisa rin sa aktibidad sina Basic Sector Coordination and Advocacy Service (BSCAS) Division Chief Cyrus Pangan, Senior Technical Officer I Alexander Decena, at Region 2 Focal Person Dune Jason Catuday, kasama ang mga miyembro ng NAPC-RBSCC Region 2.