08/10/2026
NAPOLCOM N’yo Po! Mga Lingkod-Bayan ng NAPOLCOM
MR. JIMSON R. RODRIGUEZ
Law Enforcement Evaluation Officer II (LEEO II)
NAPOLCOM Region IX – Technical Services Division (TSD)
Sa likod ng bawat pagsusuri at pagsubaybay sa hanay ng kapulisan, may mga lingkod-bayan na tahimik ngunit mahalaga ang ginagampanang papel.
Isa sa kanila si Jimson R. Rodriguez, isang Law Enforcement Evaluation Officer II (LEEO II) ng NAPOLCOM Region IX – Technical Services Division (TSD).
Tatlong taon na siyang naglilingkod sa pamahalaan, kung saan kabilang sa kanyang mga tungkulin ang pagsubaybay sa mga programa at proyektong itinakda ng Komisyon na may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas.
Para kay Jimson, isa sa pinakamakahulugang bahagi ng kanyang trabaho ang pagsubaybay sa pagkakasangkot ng mga pulis sa mga anomalya at iregularidad sa loob ng hanay ng kapulisan. Sa kanyang paraan, nakatutulong siya sa pagsusulong ng disiplina, pananagutan, at kahusayan sa serbisyo.
Sa araw-araw niyang pagtupad sa tungkulin, kahusayan o efficiency ang isa sa mga pagpapahalagang pinanghahawakan niya. Para sa kanya, ang kahusayan ay ang pagkamit ng pinakamalaking resulta gamit ang pinakamaliit na pagsisikap.
Ngunit higit sa trabaho, ang kanyang pamilya at pangarap na umangat ang kalidad ng pamumuhay ang patuloy na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang magpatuloy sa paglilingkod.
Sa NAPOLCOM Region IX, si Jimson ay isa sa mga taong nagsisikap na tiyaking ang bawat proseso ay may kaakibat na pamantayan, pagsusuri, at pananagutan. Sa ganitong paraan, nakatutulong siya sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko at pagpapabuti ng kalidad ng serbisyong pampubliko.
Para kay Jimson, ang integridad, pananagutan, at malasakit sa kapwa ang nagsisilbing gabay upang manatiling matatag at tapat sa tungkulin, kahit sa harap ng mga hamon.
Dahil sa huli, ang tunay na paglilingkod-bayan ay hindi lamang nasusukat sa dami ng gawa. Nakikita rin ito sa integridad na pinanghahawakan, pananagutang tinutupad, at malasakit na ibinibigay sa kapwa.
Ulat mula sa NAPOLCOM Regional Office IX