25/10/2026
๐ ๐จ๐๐๐ก๐ ๐ฃ๐๐๐๐๐๐๐ก๐๐ช ๐ฆ๐ ๐ฆ๐๐๐๐ง๐๐ก๐ โ๐๐จ๐ ๐๐โ: ๐๐ข๐๐๐๐ง๐๐๐ข๐ก๐ ๐ฃ๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐ก๐๐๐ก, ๐๐๐ก๐๐ ๐ฃ๐๐ก๐๐๐๐๐๐ง๐.
Pahayag ni dating Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat
Bago pa man dumating ang mga kolonyalista sa ating bansa, narito na ang mga katutuboโmay kani-kaniyang wika, kultura, tradisyon, pagkakakilanlan, at sariling ugnayan sa kanilang mga lupang ninuno.
Ang salitang Lumad ay salitang Bisaya na tumutukoy sa katutubo. Isa itong kolektibong katawagan para sa 18 pangkat etnolingguwistiko sa Mindanao. Hindi ito nilikha upang burahin ang pagkakaiba-iba ng aming mga identidad, lalong hindi upang pag-awayin o pagwatak-watakin ang aming mga komunidad.
Sa halip, ang paggamit sa salitang Lumad ay nakaugat sa mahabang kasaysayan ng aming pakikibaka laban sa diskriminasyon, pagyurak sa aming mga karapatan, pangangamkam sa aming mga lupang ninuno, at pandarambong sa likas na yaman ng aming mga komunidad. Ito ang mga tunay na suliraning patuloy naming kinakaharap at nangangailangan ng makabuluhang tugon.
Kinikilala namin na ang bawat pangkat ng mga katutubo ay may natatanging pangalan, wika, kultura, tradisyon, at kasaysayan na dapat igalang at pangalagaan. Ngunit ang pagkakaroon ng kolektibong katawagan ay hindi nangangahulugang binubura nito ang aming mga pagkakaiba. Maaari naming kilalanin ang aming sari-sariling identidad habang nagkakaisa sa pagtatanggol sa aming mga karapatan.
Ang tunay na usapin ay hindi kung dapat bang gamitin ang salitang Lumad, kundi kung paano tunay na igagalang at poprotektahan ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang identidad, sariling pagpapasya, at lupang ninuno.
Mariin naming tinututulan ang mga proyektong sumisira sa aming mga lupang ninuno, kabilang ang pagmimina, pagtotroso, pagtatayo ng mga dam, mga proyektong pang-enerhiya, at iba pang mapanirang proyektong nagtataboy sa mga katutubo mula sa kanilang mga komunidad.
Para sa amin, ang lupang ninuno ay hindi lamang lupa. Ito ang aming buhay at tahanan. Dito nakaugat ang aming kasaysayan. Dito nanirahan ang aming mga ninuno. Dito namin ipinagpapatuloy ang aming kultura, nagtatanim ng aming pagkain, at hinuhubog ang kinabukasan ng aming mga anak.
Ang ilog ay hindi lamang pinagkukunan ng tubig. Ang kagubatan ay hindi lamang pinagkukunan ng troso. Ang bundok ay hindi lamang deposito ng mineral. Ang mga ito ay bahagi ng aming buhay, kultura, at pagkakakilanlan.
Kapag nasira ang kagubatan, nadumihan ang ilog, nawala ang sakahan, o ipinagkait sa amin ang paggamit at pangangalaga sa aming lupang ninuno, hindi lamang kabuhayan ang nawawala. Bahagi ng aming pagkatao, kasaysayan, at kinabukasan ang nanganganib na mabura.
Hindi namin itinatanggi ang pangangailangan sa pag-unlad. Ngunit kailangang itanong: Pag-unlad para kanino? Pag-unlad sa anong halaga? At sino ang may kapangyarihang magpasya?
Kung ang isang proyekto ay nangangailangan ng aming lupa o makaaapekto sa aming kabuhayan at komunidad, nararapat lamang na marinig ang aming tinig at igalang ang aming pasya. Dapat kaming magkaroon ng sapat, malinaw, at nauunawaang impormasyon tungkol sa mga epekto nito.
Ito ang diwa ng Free, Prior and Informed Consent o FPICโang malaya, pauna, at may sapat na kaalamang pahintulot ng mga katutubo, alinsunod sa aming mga karapatan sa ilalim ng batas. Hindi dapat kami ang huling nakaaalam sa mga proyektong itatayo sa aming lupang ninuno. Hindi dapat basta na lamang kaming paalisin dahil may mga interes na nais makinabang sa aming lupain. Hindi dapat ang kaunlaran ng iilan ay mangahulugan ng pagkawala ng tahanan, kabuhayan, at kinabukasan ng aming mga komunidad.
Mayroon tayong mga batas na kumikilala sa karapatan ng mga katutubo, kabilang ang Indigenous Peoplesโ Rights Act o IPRA. Ngunit hindi sapat ang pagkakaroon ng batas kung hindi naman naipatutupad ang mga proteksiyong ipinangako nito.
Ang tunay na sukatan ay kung ligtas ba ang aming mga lupang ninuno; kung may sapat na edukasyon at serbisyong pangkalusugan ang aming mga anak; kung may disenteng kabuhayan ang aming mga komunidad; kung napoprotektahan ang aming mga lider at tagapagtanggol ng karapatang pantao; kung iginagalang ang aming kultura, wika, at tradisyon; at kung may tunay kaming kapangyarihang makilahok sa mga desisyong direktang nakaaapekto sa aming buhay.
Sa huli, ang pagkilala sa aming pagkakakilanlan ay dapat kaakibat ng pagkilala sa aming mga karapatan. Hindi maaaring ipagdiwang ang aming kultura habang inaagaw ang aming lupa. Hindi maaaring sabihing ipinagtatanggol ang aming karapatan habang isinasantabi ang aming tinig at sariling pagpapasya.
Ang pagkakaisa ay hindi pagbura sa ating pagkakaiba. Ang tunay na pagkakaisa ay pagkilala, paggalang, at pagtatanggol sa karapatan ng bawat pangkat ng mga katutubo.
Bilang mga katutubo at tagapangalaga ng aming mga lupang ninuno, naninindigan kami para sa karapatan sa sariling pagpapasya, pagtatanggol sa aming mga teritoryo, at pangangalaga sa kalikasan. Pananagutan nating lahat na pangalagaan ang ating Inang Kalikasan at ang iisang tahanang pinagsasaluhan nating lahat.
Ipaglaban ang karapatan ng mga katutubo! Igalang ang aming pagkakakilanlan! Lupang ninuno, ipagtanggol!