31/07/2014
Hindi Eleksyon o rebolusyon ang Pag-asa!
Ang problema ng ating demokrasya ay nag-uugat sa eleksyon. Ang mga tumatakbong kandidato na nagwawagi ay karamihang mga mapagsamantala, mapagkunwari na mga mayayaman. Nakakamit nila ang posisyon dahil sa boto ng mga “Botanteng Zombie.” Ito yung nakakaraming botanteng mamayan na nakukuha sa pera at pangako ng mga Mayamang Manlolokong Politiko (MMP). Ang mga nalolokong mamayan na mga ito ang mismong ginagawang tuntungan ng mga MMP. Silang mga botanteng Zombie ang nagbibigay buhay sa career ng mga MMP. Kung walang mga BZ walang mga MMP. Kaya habang nandyan ang mga BZ mananatiling walang pagbabago sa ating politika, lahat ng mahahalal ay mga MMP. Sa madaling sabi ang pinaka problema ng bansa ay ang mga botanteng naloloko ng mga manloloko. Napakaliit lang nang bilang ng mga botante ang matatawag na botanteng may alam, o yung botante na kinikilala nyang lubusan ang kakayanan, o moralidad ng kandidato.
Kaya kahit ilang eleksyon pa ang lilipas sa kasaysayan ng Pilipinas. Patuloy at patuloy na mangyayari ito. Bawat mahahalal ay walang tunay na intensyon na maglingkod sa sambayanan kundi ang paglingkuran lamang ang kanilang interes. Gagamitin ang posisyon para ma iposisyon pa nilang maigi ang kanilang mga interes. Ang pork barrel scandal ay isa lamang sa napakalaking nabunyag na pandarayang krimen ng mga MMP. Kasuklam suklam ang kanilang pagiging gahaman, bilyones na pangungurakot samantalang ang daming dapat pagkagamitan ng nasabing pera para sa ikabubuti ng bansa sa agrikultura, edukasyon, at mahahalagang inprastruktura. Ito ay isang patunay sa kanilang kasinungalingang sila daw ay maglilingkod sa bayan.
Ang demokrasya na ating inaasam na maghahatid sa atin ng ginhawa ang siya ring ginamit ng mga manloloko para pahirapan ang bansa. Ang demokrasya ay napakainam na idolohiya at dapat nating pangalagaan ito. Sa sistemang demokrasya nahahawakan natin ang ating pansariling katauhan, at di kagaya ng monarkiya o diktadura na tayo ay nagiging alipin. Tayong mga mamayang Pilipino ay nakasakay sa isang barko na tawag ay demokrasya. Gagawin natin ang lahat para matapalan ang butas nito ng hindi tuluyang lumubog itong ating barko. Ang nasabing butas ay ang eleksyon, na kung saan dito dumadaan ang mga mayayamang manlolokong politiko. Binabayaran nila ang mga botante upang sila ay mailuklok sa pwesto. Tatanggalin natin ito sa pamamagitan ng samahan ng mga hindi magpapalokong mamayan. At yan ay ikaw, ako, tayo sa Samahang Bayanihan. Magtutulungan tayo na buuin ang Multi-Sectoral Peoples Supreme Council. Ito ay isang organisasyon na binubuo ng iba’t ibang sector. Itong ang magiging tutuong people’s power. Tayo mismong mga mamayan ang mag tatakda kung sino ang karapat dapat na bigyang responsibilidad na magpalakad ng mga departamento ng gobyerno. Tayo ang uupo bilang Executive Branch, sa pamamagitan ng Management Team. Lahat ng departamento ay bubuksan natin sa sinumang karapatdapat na aplikante. Ito ang paraan upang matigil na ang mga political appointees na mga walang silbi, at ang ating mga kagawaran ay magkakaroon ng tamang tagapamahala. Ang mga miyembro ng Management Team ay hindi permanente upang maiwasan ang monopoliya ng kapangyarihan, Ang mga myembro ay pabago bago na nagmumula sa mga aprubadong “technical men” ng Supreme Council. Wala tayong party leadership. Mag dedesisyon tayo sa pamamagitan ng botohan. Ang ating figure head o kagaya ng isang Presidente na siyang mag rerepresent sa mga transaksyong internasyonal ay pagobago rin bawat okasyon depende kung sino ang hihirangin ng Supreme Council. Ngunit magtatakda tayo ng mga career diplomats na siyang magiging representative ng bansa sa alinmang bansa na tayo ay may treaty of alliance.
Aalisin na rin natin halalang lokal, sa halip ay magtatakda na lang ang local chapter ng multisectoral council ng mga magiging Province, City, Town, and barangay administrators. Ito sila ay mga career service personnel rin. Dito wala ng patayan sa halalang lokal.
Hinggil naman sa Legislative Branch, ang sangay ng pamahalaan na bumubuo ng mga batas para mabigyang legaledad ang anumang programa upang ito ay sumang-ayon sa konstitusyon ay mananatili, ngunit ang ating mga mambabatas ay maluluklok din lang sa posisyon sa pamamagitan ng appointment ng Supreme Council. Wala nang eleksyon ng mga Senador o Kongresman. Menos gastos at segurado tayo na ang mga hinirang ay talagang may nalalaman sa pagtatalaga ng mga batas. Ang kanilang trabaho ay ang pag-aaral at pagbubuo ng mga nararapat na batas sa ikauunlad ng bayan. Wala ng iringan, patutsadahan, at wala nang mga absentee legislators.
Pagtitibayin natin ang mga gawain ng Commission On Audit, bilang pangunahing bantay ng yaman ng bayan. Aayusin din natin ang koleksyon ng buwis at bantayan ang BIR na dapat wala sinuman sa kanila ang tatanggap ng commission sa mga negosyante o mayayamang matakaw sa discount sa tax. Dito ang koleksyon ng buwis ay uunlad, at magagamit na ng tama sa mga proyekto para sa mamayan. Kung makokolekta ng husto ang buwis ng Pilipinas, magkakaroon tayo nang maraming public hospitals, paaralan at mga school bus upang mapangalagaan ang transportasyon ng mga batang malalayo ang tirahan, makakagawa ng mga kalsada sa mga remote areas, upang mailuwas na ng mga magsasaka ang kanilang produktong agrikultura. Dahil dito wala ng lupang tiwangwang, hindi na tayo kakapusin sa pagkain. Maari rin tayong magtayo ng mga processing plants sa mga remote areas upang mahikayat natin na lumipat ang mga nagsisisiksikang mahihirap sa mga syudad kagaya ng Maynila at Cebu na bumalik sa probinsya at doon na magtrabaho kasama ang kanilang pamilya. Dito mawawala na ang kalunos lunos na imahe ng kahirapang nilalarawan ng mga pamilyang nakatira sa mga kariton at tagpi tagping cardboard sa mga ilalim ng tulay, o gilid ng lansangan.
Ang ating supreme court ay magiging muling kapitagpitagan dahil mawawala na ang mga hoodlums in robe, dahil ang bawat hukom na tatanggap ng suhol papatayin natin sa firing squad. Dito ang hustisya sa Pilipinas ay magpipiring na sa mata, hindi kumikilala sa sinumang nasasakdal kung siya man ay mahirap o may pera. Karampatang parusa sa mga may sala at abswelto sa sinumanag mapatunayang walang sala.
Ito ay silip lamang sa isang gintong kinabukasan na naghihintay sa ating bansa kung mabigyan natin ng solusyon ang ating problema. Sa nakalipas na limampung taon, hindi tayo umunlad sa pamamagitan ng eleksyon. Panahon na para magbayanihan na lang tayo. Tulong tulong tayong mamahala sa ating gobyerno. Tayo ang tunay na boss. Kung anong gusto natin syang matutupad, at mangyayari yan kung tayo ay magkaisa. Tagalog, Ilocano, Bicolano, bisaya o mga tribung muslim, kaya natin to. Parehong tayong mga tao na marunong umintindi kahit saan mang sulok ng Pilipinas pinanganak. Itabi na natin ang ating pagiging regionalistic. Sa halip pagtibayin natin ang diwa ng bayanihan.
Ngunit ang pagkakaisa ay isang napakalawak na salita. Sabi nila ito ay malabong mangyari. Sila yun, iba tayo kaya natin magkaisa. Huwag nyong pakinggan ang mga “sila” nandito tayo, tayo ang pag-asa. Balang araw sasama na rin sila. Lahat ng pangarap ay may katuparan kapag ito ay sinimulang gawin. Ito ang magagawa natin ngayon: Hanapin mo ang sector mo. Kung ikaw ay estudyante, bumuo kayo ng maliit na grupong estudyante, at irehistro nyo dito sa Samahang Bayanihan. Kung ikaw ay negosyante humanap ka ng kapwa mo negosyante, buuin ang grupo rehistro dito, ikaw ay teacher mag grupo kayo ng kapwa g**o nyo. Ikaw ay driver grupo kayo ng kapwa driver nyo. Ganyan lang hanggang dumami tayo. Hindi tayo mag ma martsa, o magtitipon sa ngayon. Mag-uusap lang tayo at ipakalat ang diwa ng Samahang Bayanihan, ang ating samahan. Darating ang araw na laganap na ang ating grupo, magiging majority na tayo yan na ang ating panahon. Ang democracy ay rule ng majority. Mababago na natin ang sistema, ng walang dugong mabubuwis. Magagawa na nating patakbuhin ang pamahalaan. Gaganda na ang takbo ng ating ekonomiya dahil wala nang magnanakaw na mga politiko, liliwanag na ang ating kinabukasan. Kailangang simulan na natin to ngayon dahil ayaw na nating humaba pa ang paghihirap ng sambayanan. Ito ang kinakatakutan ng mga naghaharing uri, ang pagkakaisa ng mga mamayan. Hindi kailangang marami kaagad tayo. Ang malaking sunog ay maaring magsimula sa isang apoy mula sa isang kiskis ng palito ng posporo.
Wag pong kalimutan, isang barko tayo, ayaw nating lumubog itong ating barko. Wag hayaang lumaki ang butas, tapalan natin sa pamamagitan ng pagtutulungan. Ang atin pong gobyerno ay ating kalakal, patakbuhin natin to sa ikayayaman natin pong mga mamayan. Isulong ang diwa ng bayanihan. Mabuhay ang Samahang Bayanihan. Ang samahan ng hindi magpapalokong mamamayan.