25/04/2022
SAPILITANG PANININGIL PARA SA PAG-IBIG MEMBERSHIP, DAGDAG-PASANIN SA OFW!
Abril 25, 2022
May panibagong bayarin na naman na itatali sa pagpoproseso ng Overseas Employment Certificate. Ipatutupad ito sa gitna ng kawalan ng sapat na ayuda at serbisyo sa mga OFW at pamilyang biktima ng krisis na dala ng pandemya at mga nagdaang kalamidad.
Sa lahat ng administrasyon, si Duterte ang naka-master ng pamamaraan kung paano sapilitang kukunan ng pera ang bawat OFW. Siya rin ang pangulong nagdagdag ng pinakamalaking sapilitang singilin sa mga OFW mula sa SSS at Philhealth hanggang ngayon itong sa PAG-IBIG.
Ninanais at kailangan namin ng serbisyo at panlipunang proteksyon ngunit ang mga kahilingian namin na iyon ay hindi dapat nagdudulot ng karagdagang pahirap sa amin at panghuhuthot mula sa gobyerno.
Hindi dapat sapilitan ang paniningil para sa PAG-IBIG membership sa mga dine-deploy na OFW. Huwag nang dagdagan ang pasanin ng mga migrante!
14/03/2022
Tutulan ang walang ampat na pagtaas ng presyo ng langis at bilihin! Sahod, itaas! Presyo, ibaba! Ayuda sa mamamayan, ipamahagi!
Bukas, ika-15 ng Marso, ipapatupad ang one-time oil price hike na nagkakahalagang 12/litro sa diesel at 7/litro sa gasolina, pinakamalaking OPH mula nang maipasa ang Oil Deregulation Law 24 taon ang nakararaan. Mula Enero ng 2021 hanggang Pebrero ng 2022, tumaas ang presyo ng langis nang P21/litro sa diesel P18/litro sa gasolina, at P8/litro sa kerosene na palolobohin pa ng panibagong OPH bukas. Mula pa huling kwarto ng nakaraang taon, walang ampat nang linggo-linggong ipinapatupad ang pagtataas ng presyo ng langis at katumbas na pagtaas na presyo ng bilihin at yutilidad na lubusang nagpapahirap sa masang migrante at anakpawis.
Hindi makatwiran ang artipisyal na pagtataas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan dahil lamang sa ispekulasyon sa isyu ng supply bunsod sa nangyayaring imperyalistang panghihimasok sa Ukraine. Hindi makatarungan ang sunod-sunod na pagtataas ng presyo ng langis ng mga malalaking negosyanteng nagsasamantala sa mga konsyumer na binibigyang-daan ng deregulasyon sa industriya ng langis.
Sa kagyat, kailangang suspendihin ang VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo na signipikanteng magpapababa ng presyo ng mga ito. Kailangan nang ibasura ang Oil Deregulation Law upang magkaroon ng transparency at regulasyon sa pagpepresyo ng mga produktong petrolyo. Imbis na matulog sa kangkungan habang hinihintay ang eleksyon, dapat magpatawag si Duterte ng special session ng kongreso upang maisalang ng mga mambababatas ang mga batas na makakatulong sa pagpapadali ng kalbaryo ng masang pinahihirapan ng taas-presyo.
Kailangang kagyat na magpamahagi ng sapat na ayuda na sasaklaw sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura. Sa tuloy-tuloy at sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin dahilan ng lubusang pagbaba ng tunay na halaga ng minimum wage, kailangang taasan na ang sahod ng mga manggagawa. Kailangang ipamahagi na ang 10,000 ayuda para sa migrante, manggagawa, maralita, at lahat ng apektado ng kasalukuyang krisis sa ekonomiya at kalusugan.
Nananawagan kami sa masang migrante at anakpawis na malakas na tutulan ang taas-presyo at manindigan para sa nakabubuhay na sahod, ayuda, at kabuhayan. Sumama tayo sa mga nakahanay na pagkilos upang irehistro ang ating mga panawagan:
MAMAYA: Bisperas ng Pagtaas | 5pm | Petron, Tomas Morato
Marso 15 - Protestang Bayan Laban sa OPH | 8am | España
BUSINA vs OPH | 5pm
Why so high? Twitter Spaces on OPH, 8pm
Marso 16 - Ayuda, Asaan Na? Pandemic Lockdown 2nd Year Anniv | 10am | DSWD Main office
PEOPLES UNITY VS. PRICE HIKES, Forum | 2pm
Marso 17 -
Picket protest vs. Meralco Power Rate Hike | 10am | Meralco Edsa-Kamias
P750 NMW Bill, Ipasa!
Sahod itaas, presyo ibaba! | 1pm | House of Representative
Tiktok Mo Reklamo Mo
Social Media Rally vs. OPH
Marso 18 - PAMBANSANG ARAW NG PROTESTA LABAN SA OPH
Human Chain | 4:00PM | Tondo, Manila
Motorbikers Motorcade vs. OPH | 530pm | Welcome Rotonda
March 19- Anakpawis Mural
Sahod Itaas, Presyo Ibaba! | 9am | Katipunan
March 20- “Sahod Itaas, Presyo Ibaba" - Workers4Leni
16/08/2021
Kagyat at ligtas na pauwiin ang ating mga kababayan sa Afghanistan!
AUGUST 16, 2021
"Hindi kami sure kung ano mangyari sa amin bukas. Kumilos na po. Kumilos na po kayo please." Ito ang pakiusap ni Ricardo Tacbad, isang OFW na kasalukuyang naghihintay ng evacuation sa Afghanistan. Isa siya sa 130 na naapektuhan ng krisis pampulitika sa Afghanistan.
Kasalukuyang libu-libo ang lumilikas mula sa nasabing bansa. Dahil dito ay marami ang nagsisiksikan sa mga paliparan upang makalikas. Bilang mga Pilipino, tungkulin ng gobyerno ng Pilipinas na tulungan silang kagyat at ligtas na makauwi.
Dahil sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas, marami sa mga Pilipino ang sinusugal ang kanilang buhay upang magtrabaho sa mga bansang tulad ng Afghanistan. Hindi na ito mangyayari kung may sapat na trabaho sa bansa.
Sa pinakakagyat, nananawagan kami ng agarang repatriation sa lahat ng naapektuhan ng krisis sa Afghanistan. Kasunod nito, nararapat lamang na pagkauwi ay mabigyan ang mga tulad nila Ricardo ng suporta mula sa gobyerno dahil sila ay nawalan ng hanapbuhay.
#
26/07/2021
Mamamayan, umahon sa lusak ng kapabayaan, kapalpakan, katiwalian, at pasismo! Wakasan ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-China-Duterte!
Mamamayan, umahon sa lusak ng kapabayaan, kapalpakan, katiwalian, at pasismo! Wakasan ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-China-Duterte!
Sa loob ng limang taong paghahari ng tiranikong Duterte sa Malacañang, lubos na nalugmok sa lusak ng kahirapan ang mamamayang Pilipino. Walang ibang nakitang sagot ang rehimen sa krisis pang-ekonomiya at krisis sa kalusugan kundi walang-patid na pasismo. Wala itong ibang nakitang solusyon sa kahirapan kundi paslangin ang mamamayang naghihirap.
Sa harap ng pandemya ay lalong nilantad ng rehimen ang kawalan nito ng pakialam sa kalusugan, kabuhayan, at karapatan ng mamamayan - malaya nitong pinapasok sa bansa ang COVID 19 virus, pilit nitong tinakpan ang kaniyang tainga sa gitna ng malakas na panawagan ng mamamayan para sa mass testing at pagsasagawa ng mga solusyong medikal at hindi mga militaristang lockdown. Sa kasalukuyan, ipinepresenta muli ng rehimen ang muling pagla-lockdowon dulot ng paglaganap ng Delta Variant ng COVID. Nagiging panakip-butas at natatanging tugon ang palagiang mga lockdown dahil hindi ginagawa ng rehimen ang mga hakbanging tunay na magsasalba sa krisis pangkalusugan ating bansa - libre at aksesibleng mass testing, epektibo at episyenteng contact tracing; ligtas, libre at episyenteng pagbabakuna; at pagsasaayos ng pampublikong sistemang pangkalusugan sa bansa na isinasagawa ng mga doktor at eksperto na bihasa sa usaping pangkalusugan at hindi ng mga alipores ni Duterte na dating mga heneral at pulis na walang kakayanang harapin ang pandemya.
Naging kalakaran ng rehimen ang pagpapatupad ng mga striktong lockdown nang walang pakialam sa kung paano maitatawid ng taumbayan ang pang-araw araw na gastusin ng kanilang mga pamilya. Limitado at kulang na kulang ang kapiranggot na ayudang natanggap ng maliit na bahagi ng populasyon sa panahon ng krisis. Imbis na gawing prayoridad ang kalusugan, kabuhayan, at karapatan ng mamamayan sa gitna ng pandemya, pinili nitong lalong payamanin ang mga imperyalista, malaking kapitalista at mga oligarko sa kaniyang poder.
Imbis na dalhin sa ayuda, kalusugan, serbisyo at kabuhayan, bilyon-bilyong pondo ang sinayang ng rehimen sa mga programang hindi napapakinabangan ng naghihirap na mamamayan: pekeng white sand beach sa Manila Bay, pondo para sa paghahasik ng lagim ng NTF-ELCAC, at dagdag na pondo sa pensyon at bonus para lalong amuhin ang militar at kapulisan na makinarya nito sa pasismo. Habang nagwawaldas ng pera ng taumbayan ay nagbubulag-bulagan si Duterte sa mga alipores nitong korap na opisyal na harap-harapang ibinubulsa ang pondo para sa mamamayan.
Hindi matawaran ang bilang ng mga migranteng manggagawa na dahil sa pandaigdigang krisis ay nawawalan ng trabaho sa ibang bayan at tuloy-tuloy na umuuwi sa Pilipinas kung saan wala silang mahahanap na sustenableng kabuhayan o ayuda man lang mula sa gobyerno. Habang ipinapaketeng "bagong bayani" ang mga OFW, isinantabi ang kanilang kapakanan matapos palimusin ng limitado at di-aksesibleng DOLE AKAP. Walang patid ang pagpapatupad ng mga travel at deployment ban nang hindi ininasaalang-alang ang kabuhayan ng mga migranteng manggagawa, gayong handang ipagpalit ng rehimen ang mga OFW kapalit ng bakuna mula sa Europa.
Habang humahaba ang listahan ng mga biktima ng anti-mahirap na Oplan Tokhang, sa bisa ng Terror Law kakabit ng mga pakana ng NTF-ELCAC, walang kapararakan rin ang mga masaker, tortyur, paghuli, panghaharass, at pananakot sa mga aktibista, oposisyon o sinumang nagsasaboses ng opinyon tungkol sa katiwalian at kapalpakan ng kaniyang administrasyon. Ginawang normal ni Duterte ang kultura ng dahas sa lansangan habang pinoprotektahan ang mga berdugong militar at kapulisang lantarang nandadahas ng simpleng mamamayan.
Sa kabila ng pagpo-posturang matapang at walang kinatatakutan, sabik na sabik si Duterte sa pamamanikluhod sa mga imperyalistang US at China. Nangangayupapa ang papet na rehimeng ibigay ang interes ng dalawang amo nito kapalit ang kalayaan at soberanya ng Pilipinas.
Sa takot na harapin sa hukuman ang mga krimen niya sa mamamayan, pinipilit ituloy ni Duterte ang kaniyang paghahari hanggang sa susunod na administrasyon. Lantarang niratsada ni Duterte at ng kaniyang mga alipores ang Charter Change sa pag-aasam na pahabain ang kaniyang termino. Ipinipresenta ang posibilidad ng No Elections habang ngayon pa lamang ay pinapabango na ng rehimen ang tambalan ng dinastiyang Duterte-Duterte at mga alipores nilang sina B**g Go at Bato dela Rosa para sa susunod na halalan.
Mahaba na ang listahan ni Duterte sa taumbayan. Hindi hahayaan ng mamamayan na pahabain pa ng rehimeng Duterte ang legasiya nito ng kapabayaan, kapalpakan, katiwalian, at pasismo. Kaisa ng sambayanan ang mga migranteng manggagawa sa pagmamartsa sa kalsada ngayong araw ng SONA. Iisa ang ating sigaw: Tama na! Sobra na! Wakasan na ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-China-Duterte!
07/06/2021
Pumirma sa petisyon para sa ayuda sa OFW at pamilya:
Sign the Petition
Ayuda Para Sa OFW at Pamilya