31/07/2025
July 31, 2025
PagbaBAGo : A Million Trees Campaign
Ngayong araw, ang Pangalawang Pangulo Sara Z . Duterte, kasama si Former Speaker Lord Allan Jay Velasco ay nagtungo sa Pulang Lupa Shrine sa bayan ng Torrijos para sa PagbaBAGo : A Million Trees Campaign.
Kasama ang Tanggapan ng DENR at PENRO Imelda Diaz, ang lokal na pamahalaan ng Munisipyo ng Torrijos sa pangunguna ni Mayor Joey Peñaflor, mga kinatawan ng Barangay Bolo sa pamumuno ni Brgy. Chairman Recto V. Rioveros at mga Sangguniang Kabataan mula sa iba’t ibang bayan ng Marinduque ay nagtanim ng mga puno ng Narra, Fire tree at Golden Shower ngayong umaga.
Layunin ng programang ito na makapagtanim ng isang libong mga puno sa Isla ng Marinduque alinsunod sa National Greening Program sa ilalim ng Executive Order 23 at 26 Series of 2011. Ang gawaing ito ay nagsusulong ng pagkakaisa para sa kalikasan at paanyaya sa mga mamamayan na makibahagi sa mas luntiang kinabukasan.
30/07/2025
July 30, 2025
PanSarap Project at PagbaBAGo Campaign
Personal na bumisita ang ating Pangalawang Pangulo, Sara Duterte, kasama si Dating Speaker Lord Allan Velasco, sa mga Paaralang Elementarya ng Talawan at Argao sa isla ng Marinduque.
Sa kanilang pagbisita, mainit silang sinalubong ng mga g**o at mag-aaral ng Talawan Elementary School sa pangunguna ni Marites R. Pelobello (Head Teacher II), kasama rin ang mga opisyal ng Barangay Talawan sa pamumuno ni Kapitan Ruel F. Macdon. Samantala, sa Argao Elementary School, pinangunahan ni Alerma M. Ola (Principal I) at Kapitan Ma. Cielo J. Solis ng Barangay Argao ang pagtanggap sa kanila.
Layunin ng PanSarap Project na tugunan ang karagdagang pangangailangang pangnutrisyon ng mga batang may edad 4–12 taong gulang na itinuturing na wasted at severely wasted. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pamamahagi ng masustansyang PanSarap sa loob ng 90–120 araw.
Kasabay nito, namahagi rin sila ng mga gamit sa paaralan at bag para sa mga mag-aaral bilang bahagi ng programang PagbaBAGo ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
27/07/2025
Mahal na Ka Eduardo Manalo,
Ang kapayapaan po ay sumainyo. Nawa’y umabot sa inyo ng maluwalhati ang aking pagbati.
Una sa lahat ay isang malugod na pagbati ang aking nais ipaabot sa inyo at sa buong kapatiran ngayong ika-111 Anibersaryo ng Iglesia ni Cristo. Aking dalangin, sampu ng aking pamilya, ang
ibayong lakas at pagpapala sa inyo ng Iglesia ni Cristo upang inyong màipagpatuloy ang mabuting gawain para sa ating kapwa Pilipino, dito sa bansa at sa buong mundo.
Maraming salamat po sa lahat ng inyong tulong at sa suportang patuloy na iginagawad ng Kapatiran sa inyong abang lingkod at sa minamahal naming Lalawigan ng Marinduque.
Muli, binabati ko po kayo ng isang maligayang anibersaryo. Mabuhay po kayo Ka Eduardo! Mabuhay ang Iglesia ni Cristo!
Lubos na gumagalang,
Atty. Lord Allan Jay Q. Velasco
26/05/2025
Nais po naming ipabatid sa publiko na nakarating sa aming tanggapan ang mga ulat hinggil sa paglilipat ng ballot boxes sa Bayan ng Santa Cruz noong Mayo 23, 2025, at sa Bayan ng Gasan ngayong Mayo 26, 2025.
Para sa kaalaman ng lahat, wala pong kinalaman ang aming tanggapan sa mga aksyong ito at kami ay hindi rin naabisuhan o nabigyan ng anumang pormal na komunikasyon mula sa Commission on Elections (COMELEC) ukol sa nasabing mga aktibidad.
Sa harap ng mga ulat na ito, kami po ay kaisa ng ating mga kalalawigan sa panawagan na maprotektahan ang mga balota at lahat ng dokumentong may kaugnayan sa nakaraang halalan noong Mayo 13, 2025. Kami na rin po mismo ang sumulat sa COMELEC upang humiling ng paliwanag at katiyakan kaugnay sa mga usaping ito.
Mariin naming kinokondena ang pagpapakalat ng maling impormasyon (fake news) na tila layong sirain ang aming pangalan. Hindi po makatwiran na bawat kilos o desisyon ng COMELEC ay basta-basta na lamang isisi sa aming panig. Hinihiling po namin sa lahat na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at huwag maging kasangkapan sa pagkalat ng paninira at kasinungalingan.
Nananawagan po kami sa COMELEC na tiyakin ang transparency, maayos na proseso, at patas na pagtrato sa lahat ng partido at kandidato. Anumang hakbang na may kinalaman sa mga balota o dokumento ng halalan ay nararapat na may sapat na abiso at konsultasyon sa mga kinauukulan.
Patuloy po ang aming paninindigan para sa malinis na pagtutuos, ganap na transparency, at pananagutan sa proseso—hindi lamang para sa Marinduque, kundi para sa integridad ng halalan at ng ating demokrasya.
Ipaglaban natin ang katotohanan. Itigil ang paninira. Magsimula tayo sa tama.
24/05/2025
Ang halalan ay hindi lamang isang kaganapang pampulitika, ito ay salamin ng ating pagkatao bilang isang demokratikong bansa. Ang bawat boto ay hindi dapat ituring na simpleng numero. Ito ay tinig, ito ay dangal, at higit sa lahat, ito ay sagradong karapatan na dapat igalang ng lahat ng institusyon ng ating bayan.
Dahil dito, ako po ay pormal na naghain ng apela para sa isang manual recount, hindi lamang para sa kapakanan ng lalawigan ng Marinduque, kundi para sa mas malawak na layunin para sa buong sambayanang Pilipino.
Totoong may isinasagawang random manual audit pagkatapos ng halalan. Ngunit sa kasalukuyang sistema, hindi natin matitiyak na ito ay tunay na random. Ilan lang ba ang presinto? Paano ito pinili? Sapat ba ang dami upang magsilbing representasyon ng integridad ng buong automated election system?
Kung nais nating tunay na masubok ang katapatan at pagiging maaasahan ng sistemang ito na ipinatupad ng COMELEC, ang nararapat ay isang mas malawak na saklaw ng manual recount, hindi lamang ilang piling presinto, kundi buong lalawigan. At kung kailangan ng isang pilot area para rito, bukas ang Lalawigan ng Marinduque.
Ito ay panawagan hindi lamang para sa akin, kundi para sa lahat ng Pilipinong nagnanais ng isang halalan na totoo, malinis, at mapagkakatiwalaan. Dahil kung ang sistema ay pilit nating tinatanggap, dapat ito ay dumaan sa masusing pagsubok. Dapat itong magpakita ng 100% accuracy o isang mataas na antas ng katiyakan na karapat-dapat sa tiwala ng mamamayan.
Hindi tayo lumalaban para sa posisyon, lumalaban tayo para sa katotohanan. Dahil kung ang integridad ng ating halalan ay kaduda-duda, ang demokrasya mismo ang nakataya. Ang laban na ito ay laban ng bawat Pilipino. Ang panawagan para sa maningning at tapat na kinabukasan ay dapat magsimula sa pagkilala sa tunay na mandato ng taongbayan.
Panatilihin nating banal ang proseso ng halalan. Panatilihin nating buhay ang tiwala ng taumbayan.
Maraming salamat sa inyong panalangin, suporta, at paninindigan. Sama-sama tayong magbantay, magsuri, at manindigan para sa isang halalang may puso, dangal, at katotohanan.
13/05/2025
Sa bawat kamay na kumaway, sa bawat tinig na sumigaw ng suporta, at sa bawat pusong naniwala sa ating panawagan—maraming salamat po.
Sa mga tumaya, tumulong, at tumindig para sa ating layunin—sa bawat pamilya, kabataan, nakatatanda, manggagawa, magsasaka, at mangingisda—kayo po ang dahilan kung bakit ako nagpatuloy, lumaban, at naglingkod.
Hindi matutumbasan ng salita ang aking pasasalamat sa inyong mga tumindig at nakiisa para sa isang gobyernong may puso, para sa isang Marinduqueng tunay na dama ng bawat isa.
Maraming salamat, Marinduque.
11/05/2025
Happy Mother's Day!
Ngayong espesyal na araw, taus-puso po akong nagpupugay sa lahat ng mga ilaw ng tahanan -- mga ina na walang kapagurang nagmamahal, nagsasakripisyo, at nagbibigay ng lakas sa kanilang pamilya. Kayo po ang tunay na bayani ng ating lipunan.
Sa lahat ng ina sa Marinduque at sa buong bansa -- maraming salamat po sa inyong walang kapantay na pagmamahal at malasakit.
Mabuhay po kayo, mga Nanay!