LTO San Agustin

Directions Website

LTO San Agustin A frontline government agency showcasing fast and efficient public service for a professional land transport sector.

06/10/2026

π‹π“πŽ, 𝐍𝐀𝐆-πˆπ’π˜π” 𝐍𝐆 π’π‚πŽ 𝐋𝐀𝐁𝐀𝐍 𝐒𝐀 πƒπ‘π€π˜ππ„π‘ 𝐀𝐓 πŽππ„π‘π€π“πŽπ‘ 𝐍𝐆 π‰π„π„πππ„π˜ 𝐍𝐀 π’π”πŒπ€π‹ππŽπŠ 𝐒𝐀 𝐃𝐀𝐋𝐀𝐖𝐀𝐍𝐆 π‘πˆπƒπ„π‘ 𝐒𝐀 πŒπ€π‘πˆπ‹π€πŽ, 𝐁𝐔𝐋𝐀𝐂𝐀𝐍; π‹πˆπ’π„ππ’π˜π€ π’πˆππ”π’ππˆππƒπ„ 𝐀𝐓 π’π€π’π€πŠπ˜π€π πˆππ€π‹π€π‘πŒπ€ 𝐇𝐀𝐁𝐀𝐍𝐆 πˆππˆπˆπŒππ„π’π“πˆπ†π€π‡π€π

Mabilis na inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang itinalagang drayber at operator ng isang pampasaherong jeepney matapos sumalpok sa dalawang motorsiklong na naganap noong Oktubre 2, 2026, sa tapat ng Ningnangan Restaurant, Barangay Saog, Marilao Crossing, McArthur Highway, Marilao, Bulacan.

Batay sa post na ibinahagi ng page na β€œMy Ride PH” na kalaunan ay nakarating sa ahensya, makikita sa video ang isang pampasaherong jeepney na mabilis ang takbo bago biglang lumipat sa kasalungat na linya ng kalsada. Dahil dito, sumalpok ito sa dalawang motorsiklong na kapwa nasa kanilang tamang linyang patungong timog.

Dahil dito, agad na ipinag-utos ni Asec. Lacanilao ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng itinalagang drayber at operator ng jeepney at maisagawa ang kaukulang aksyon laban sa mga responsable.

Nakasaad sa inilabas na SCO na kinakailangang humarap ang mga sangkot sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Oktubre 13 upang magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay, kasama ang iba pang kaukulang dokumento at ebidensyang maaaring magpaliwanag o sumuporta sa kanilang panig.

Nahaharap ang drayber sa alegasyon ng Reckless Driving. Maaari ring tuluyang bawiin ng ahensya ang lisensya ng sangkot na drayber kung mapapatunayang siya ay Improper Person to Operate a Motor Vehicle, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Samantala, nahaharap naman ang operator sa alegasyon ng Employing Reckless, Insolent, Discourteous or Arrogant Drivers.

Bukod dito, kapwa drayber at operator ay nahaharap din sa alegasyon ng Operating the Unit/s with Defective Parts and Accessories.

Inaasahang isusuko ng drayber ang kanyang lisensya sa IID at isasailalim ito sa 90-araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang proseso. Kasabay nito, isinailalim na rin sa alarm status ang nasabing jeepney bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng ahensya.

β€œHindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng pagmamaneho, lalo na kung may nalalagay na buhay sa panganib. Ipinag-utos ko ang agarang imbestigasyon at nararapat na aksyon laban sa mga responsable. Kung mapatutunayang may paglabag, pananagutin natin sila alinsunod sa batas,” pahayag ni Asec. Lacanialo.

Patuloy na paiigtingin ng LTO ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa mga drayber at operator na naglalagay sa panganib sa buhay ng ibang motorista. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na patuloy na i-report ang mga insidente ng mapanganib na pagmamaneho, lalo na kung may larawan, video, o iba pang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon. Ang bawat ulat mula sa publiko ay maaaring maging susi upang agad na matukoy ang mga responsable at maipatupad ang nararapat na aksyon.

06/10/2026

🚨 π’π‡πŽπ– 𝐂𝐀𝐔𝐒𝐄 πŽπ‘πƒπ„π‘ 𝐔𝐏𝐃𝐀𝐓𝐄 🚨

Matapos ang isinagawang imbestigasyon at pagdinig ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng colorum taxi driver na naningil ng P200 kada kilometro sa isang Person with Disability (PWD) na pasahero mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), tuluyang ipinataw ng ahensya ang Perpetual Revocation o Lifetime Ban sa pagkuha ng driver's license.

Matatandaang naglabas ang LTO ng Show Cause Order (SCO) laban sa nasabing taxi driver at operator nito matapos iulat ng magulang ng pasahero ang insidente ng overcharging. Ayon sa ulat, nang malaman ng pasahero na P200 kada kilometro ang sinisingil sa kanya, hiniling niyang ibaba na lamang siya sa isang gasolinahan at naghanap ng ibang paraan upang makauwi.

Sa isinagawang pagdinig sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office, napatunayan ang paglabag ng taxi driver sa Overcharging of Fare matapos maningil ng β‚±200 kada kilometro sa pasahero, gayundin sa Duty to have License dahil sa paggamit ng expired na lisensya habang namamasada. Natuklasan din na gumamit ang sangkot na taxi driver ng pekeng pagkakakilanlan at pekeng lisensya.

Dahil dito, idineklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang nasabing driver, na nagresulta sa Perpetual Revocation o Lifetime Ban sa pagkuha ng driver's license mula sa ahensya.

Samantala, nananatiling nasa alarm status ang ginamit na taxi bilang bahagi ng pagpapatupad ng kaukulang aksyon ng LTO.

Para sa karagdagang detalye hinggil sa insidente, i-click ang link sa ibaba: https://www.facebook.com/share/p/1bDKrsHyxu/

05/10/2026

π‹π“πŽ π‚π‡πˆπ„π…, 𝐀𝐆𝐀𝐃 𝐍𝐀 πˆππˆππ€π†-π”π“πŽπ’ 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐏𝐀𝐓𝐀𝐖 𝐍𝐆 π‹πˆπ…π„π“πˆπŒπ„ 𝐁𝐀𝐍 𝐒𝐀 πƒπ‘π€π˜ππ„π‘ 𝐍𝐀 ππ”πŒπ€ππ†π†π€ 𝐒𝐀 πŸ–πŸ-π€ππ˜πŽπ’ 𝐍𝐀 π“π”πŒπ€π“π€π–πˆπƒ 𝐒𝐀 ππ„πƒπ„π’π“π‘πˆπ€π 𝐋𝐀𝐍𝐄 𝐒𝐀 𝐍𝐀𝐆𝐀 π‚πˆπ“π˜; π’π€π’π€πŠπ˜π€π, πˆππ€π‹π€π‘πŒπ€

Agad na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kaugnay ng insidenteng kinasangkutan ng isang drayber na bumangga sa isang 82-anyos na babaeng pedestrian na tumatawid sa itinalagang pedestrian lane sa Naga City, Camarines Sur.

Batay sa isinumiteng ulat, bandang alas-5 ng umaga noong Oktubre 5, 2026, binabaybay ng naturang sasakyan ang kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Concepcion Grande, Naga City, Camarines Sur patungo sa Barangay Del Rosario nang mabangga nito ang 82-anyos na pedestrian na tumatawid sa itinalagang pedestrian lane.

Dahil sa insidente, nagtamo ng malubhang pisikal na pinsala ang biktima at agad na isinugod sa Bicol Medical Center para sa kaukulang lunas. Gayunman, kalaunan ay idineklarang dead on arrival ang biktima.

Kaugnay nito, agad na ipinag-utos ni Asec. Lacanilao ang lifetime ban sa naturang drayber bilang kaukulang pananagutan sa insidente.

Inatasan ang naturang drayber na isuko ang kanyang driver’s license sa Intelligence and Investigation Unit (IIU) ng LTO Regional Office V para sa kaukulang proseso.

Inilagay na rin sa alarm ang naturang sasakyan at sinuspinde ang lahat ng kaugnay na transaksyon at operasyon nito habang isinasagawa ang kaukulang proseso ng ahensya.

β€œHindi natin maaaring balewalain ang ganitong insidente, lalo na kapag pedestrian na nasa tamang tawiran ang nabiktima. Malinaw ang ating paninindigan na kailangang managot ang mga drayber na naglalagay sa panganib sa buhay ng ibang road users. Sa ganitong mga kaso, paiiralin natin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas at kaukulang pananagutan,” ayon kay Asec. Lacanilao.

Muling pinaalalahanan ng LTO ang lahat ng motorista na mahalagang bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga pedestrian, lalo na sa mga itinalagang pedestrian lane. Ang maingat at responsableng pagmamaneho, gayundin ang pagbibigay-daan sa mga pedestrian, ay mahalaga upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng malubhang pinsala o pagkawala ng buhay.

05/10/2026

π‹π“πŽ, 𝐍𝐈-π‘π„π•πŽπŠπ„ 𝐀𝐍𝐆 π‹πˆπ’π„ππ’π˜π€ 𝐍𝐆 πƒπ‘π€π˜ππ„π‘ 𝐍𝐀 ππ€π†π•πˆ-π•πˆπƒπ„πŽ 𝐇𝐀𝐁𝐀𝐍𝐆 ππ€π†πŒπ€πŒπ€ππ„π‡πŽ 𝐀𝐓 ππ€π†ππˆπ“π€π– 𝐍𝐆 π‡πˆππƒπˆ π€ππ†πŠπŽπ 𝐍𝐀 πŠπŽπŒπ„ππ“πŽ 𝐒𝐀 πˆππ’πˆπƒπ„ππ“π„ 𝐒𝐀 πŠπ€π‹π’π€πƒπ€

Binawi ng Land Transportation Office (LTO), sa pangunguna ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang lisensya ng isang drayber matapos mapatunayang lumabag sa batas-trapiko dahil sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho upang kunan ng video ang isang insidente sa kalsada, kung saan narinig din ang hindi angkop nitong komento.

Dumalo ang drayber sa isinagawang pagdinig ng LTO kaugnay ng insidente. Batay sa naging pagtalakay at imbestigasyon ng ahensya, napatunayang nilabag ng drayber ang Anti-Distracted Driving Act matapos nitong sadyang magdahan-dahan sa gitna ng mabigat na daloy ng trapiko upang kunan ng video ang insidente habang nagmamaneho. Narinig din sa video ang komento nitong, β€œSayang naman, hindi pa namatay,” kung saan tinutukoy nito ang insidenteng tinutugunan ng mga law enforcer. Ang paggamit niya ng cellphone habang nagmamaneho at ang pagpapabagal ng takbo upang kumuha ng video ay nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng drayber at ng iba pang motorista.

Natuklasan din sa imbestigasyon na mayroon nang naunang rekord ang drayber sa local government unit (LGU) traffic enforcement kaugnay ng dati nitong paglabag na counterflow.

Dahil dito, idineklara ang sangkot na drayber bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na naging batayan ng pagpapataw ng ahensya ng revocation sa kanyang driver’s license.

Samantala, kusang isinuko ng drayber ang kanyang lisensya, habang nananatiling nasa alarm status ang sasakyan bilang bahagi ng kaukulang aksyon ng ahensya.

β€œHindi biro ang isang insidenteng may nasaktan o nalagay sa panganib, kaya hindi dapat balewalain ang anumang kilos ng motorista na maaaring magdulot ng panganib sa kalsada. Sa kasong ito, malinaw na may pananagutan ang drayber sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at sa kanyang naging kilos sa insidente. Dahil dito, ipinataw ng LTO ang kaukulang aksyon alinsunod sa umiiral na batas,” ani Asec. Lacanilao.

Muling hinihikayat ng LTO ang mga motorista na maging responsable sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at panatilihin ang maayos na asal sa kalsada. Hinihikayat din ang publiko na agad i-report sa LTO ang anumang insidente o paglabag na kanilang nasasaksihan upang maaksyunan at maimbestigahan ng ahensya.

05/10/2026

π‹π“πŽ π‚π‡πˆπ„π…, 𝐀𝐆𝐀𝐃 𝐍𝐀 πˆππˆππ€π†-π”π“πŽπ’ 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆-π€π‹π€π‘πŒπ€ 𝐍𝐆 πŒπ†π€ πŒπŽπ“πŽπ‘π’πˆπŠπ‹πŽ 𝐀𝐓 ππ€π†π’π”π’ππˆππƒπ„ 𝐍𝐆 πŒπ†π€ π‹πˆπ’π„ππ’π˜π€ 𝐍𝐆 πŒπ†π€ π‘πˆπƒπ„π‘ 𝐍𝐀 π’π€ππ†πŠπŽπ“ 𝐒𝐀 πˆπ‹π„π†π€π‹ 𝐍𝐀 πŠπ€π‘π„π‘π€ 𝐒𝐀 πˆπ’π€ππ„π‹π€

Agad na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO), sa pangunguna ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kaugnay ng insidente ng ilegal na karera sa San Agustin, Isabela na ginanap noong Oktubre 3–4, 2026, bilang bahagi ng San Agustin Eco-Tourism Ride 2026 (SAECv3).

Matapos makarating sa ahensya ang viral na video, agad na tinukoy ng ahensya ang apat na organizer ng naturang aktibidad at naglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa kanila kaugnay ng nasabing insidente. Batay sa video na naging batayan ng aksyon ng LTO, makikita ang ilang kalahok na nagmamaneho nang mapanganib, hindi sumusunod sa itinakdang speed limit, at hindi nagsasagawa ng kinakailangang pag-iingat sa pagmamaneho. Ayon din sa police report na nakalap ng ahensya, nagresulta ang insidente sa pisikal na pinsala at pagkasira ng mga ari-arian.

Sa inilabas na SCO, inaatasan ang mga organizer na tukuyin ang mga rider na sangkot sa insidente at humarap sa tanggapan ng LTO. Inaatasan din silang magsumite ng kanilang paliwanag sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng SCO upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa anumang pananagutang administratibo kaugnay ng pag-oorganisa at pagsasagawa ng naturang aktibidad.

Samantala, bilang bahagi ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko ng LTO, susuriin din ng ahensya ang legalidad ng Waiver of Liability na nilagdaan ng mga kalahok ng SAECv3. Nakasaad dito na batid at tinatanggap ng mga kalahok ang mga panganib ng kanilang paglahok, kabilang ang kanilang pananagutan sa sariling kaligtasan, asal, kondisyon ng sasakyan, at pagsunod sa mga batas trapiko at event rules, pati na ang anumang apprehension, multa o parusang maaaring resulta ng sarili nilang paglabag.

β€œHindi dapat nag-oorganisa o sumasali sa isang aktibidad na nauuwi sa paglabag sa batas-trapiko. Lalo na kung malinaw naman sa mga kalahok ang kanilang responsibilidad bilang mga motorista at alam nila ang mga panganib na maaaring idulot ng kanilang mga kilos sa kalsada," pahayag ni Asec. Lacanilao.

β€œSa LTO, walang paglabag na dapat balewalain. Anumang insidente ng paglabag sa batas trapiko ay makararating sa aming tanggapan at tiyak na haharap sa kaukulang aksyon. Patuloy naming ipatutupad ang batas upang mapanagot ang mga lumalabag at mapanatiling ligtas ang ating mga kalsada.” dagdag niya.

Samantala, sa sandaling matukoy ang mga rider na sangkot sa insidente, iniutos ni Asec. Lacanilao na ilagay sa alarm status ang kanilang mga motorsiklo at ipatupad ang 90-araw na preventive suspension sa kanilang mga lisensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Maaari ring patawan ng kaukulang parusa ang mga mapatutunayang lumabag sa umiiral na batas trapiko kabilang ang mga naaangkop na probisyon ng Section 48 ng Republic Act No. 4136.

Binigyang-diin ng LTO na ang pagsasagawa ng anumang organisadong aktibidad sa kalsada ay may kaakibat na pananagutan sa kaligtasan ng publiko. Anuman ang layunin ng isang pagtitipon, dapat laging manaig ang disiplina, pag-iingat, at paggalang sa kaligtasan ng ibang motorista at ng publiko. Bilang mga lisensyadong drayber, tungkulin ng bawat isa na gamitin ang kanilang pribilehiyo sa pagmamaneho nang responsable at alinsunod sa batas, sa lahat ng pagkakataon.

04/10/2026

🚨 π’π‡πŽπ– 𝐂𝐀𝐔𝐒𝐄 πŽπ‘πƒπ„π‘ 𝐔𝐏𝐃𝐀𝐓𝐄 🚨

Matapos ang isinagawang imbestigasyon ng ahensya, ipinataw ng Land Transportation Office (LTO) ang apat na taong revocation ng driver’s license ng drayber ng pampasaherong jeep na sangkot sa insidenteng ikinasawi ng backrider ng isang motorsiklo sa Ortigas Avenue, Cainta, Rizal noong Setyembre 20, 2026.

Batay sa mga ebidensiyang nasa rekord at mga dokumentong nakalap kaugnay ng insidente, napatunayang may sapat na batayan upang patawan ng kaukulang pananagutan ang naturang drayber. Sa naturang insidente, bumangga ang pampasaherong jeep sa likurang bahagi ng motorsiklo habang minamaniobra ito mula sa gitnang lane patungo sa inner lane sa westbound lane ng Ortigas Avenue. Dahil dito, nahulog ang drayber at backrider ng motorsiklo, kung saan kalaunan ay nasawi ang backrider.

Kabilang sa mga paglabag na napatunayan laban sa drayber ang Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na naging batayan sa pagbawi ng kanyang driver’s license sa loob ng apat na taon.

Samantala, tinukoy rin ang pananagutan ng rehistradong may-ari o operator ng naturang pampasaherong jeep sa kasong Employing a Reckless Driver.

Nananatiling naka-alarm naman ang naturang pampasaherong jeep.
Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng naunang inilabas ng ahensya tungkol sa insidenteng ito, maaaring bisitahin ang link sa ibaba:

https://www.facebook.com/share/p/1CDpTx1VHy/?mibextid=wwXIfr

02/10/2026
01/10/2026

🚨 π’π‡πŽπ– 𝐂𝐀𝐔𝐒𝐄 πŽπ‘πƒπ„π‘ 𝐔𝐏𝐃𝐀𝐓𝐄 🚨

Matapos ang isinagawang pagdinig laban sa drayber at rehistradong may-ari ng SUV na sangkot sa insidenteng ikinasawi ng isang apat na taong gulang na bata habang tumatawid sa kalsada sa Pasig City, ipinataw ng Land Transportation Office (LTO) ang Perpetual Revocation o Lifetime Ban sa pagkuha ng lisensya laban sa sangkot na drayber.

Matatandaang naglabas ang LTO ng Show Cause Order (SCO) laban sa drayber at rehistradong may-ari ng SUV matapos mabundol ang bata habang tumatawid sa F. Victorino Street, malapit sa Arch Bambang, Pasig City.

Batay sa isinagawang pagdinig at sa mga nakalap na impormasyon, napatunayang lumabag ang drayber sa Reckless Driving at idineklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na nagresulta sa Perpetual Revocation o Lifetime Ban sa pagkuha ng lisensya.

Nananatiling nasa alarm status ang sasakyan ng sangkot na drayber bilang bahagi ng pagpapatupad ng kaukulang aksyon ng LTO.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring basahin ang unang pahayag ng ahensya kaugnay sa insidenteng ito:

https://www.facebook.com/share/p/19WWFhUr97/

30/09/2026

π‹π“πŽ, ππˆππ€ππ€ππ€π†πŽπ“ 𝐀𝐍𝐆 πƒπ‘πˆπ•π„π‘ 𝐍𝐀 π‡πˆππƒπˆ ππ€π†ππˆπ†π€π˜-𝐃𝐀𝐀𝐍 𝐒𝐀 ππ„πƒπ„π’π“π‘πˆπ€π 𝐋𝐀𝐍𝐄; π’π‚πŽ πˆππˆππ€πƒπ€π‹π€, π‹πˆπ’π„ππ’π˜π€ π’π”π’ππ„ππƒπˆπƒπŽ 𝐀𝐓 π’π€π’π€πŠπ˜π€π πˆππ€π‹π€π‘πŒπ€

Alinsunod sa direktiba ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, agad umaksyon ang LTO sa isang bidyong nakarating sa ahensya, kung saan makikita ang isang SUV na nagpatuloy sa pagmamaneho habang may mga pedestrian na tumatawid sa isang pedestrian lane.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Intelligence and Investigation Division (IID) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari at itinalagang driver ng SUV. Matapos matukoy ang mga ito, pinadalhan sila ng LTO ng Show Cause Order (SCO).

Batay sa SCO, inatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang driver na humarap sa IID sa LTO Central Office sa Oktubre 8, 2026 upang dumalo sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kalakip ang mga kaukulang dokumentong maaaring sumuporta sa kanilang paliwanag laban sa mga alegasyong nakasaad sa SCO.

Maaaring maharap ang driver sa pananagutan sa ilalim ng Republic Act No. 4136, kabilang ang posibleng paglabag sa right of way, gayundin ang posibleng pagdeklara sa kanya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan para sa pagsuspinde o pagbawi ng kanyang driver's license.

β€œAlam naman ng bawat motorista na kailangang magbigay-daan sa mga pedestrian na tumatawid sa tamang tawiran, kaya walang dahilan para balewalain ito. Hindi palalampasin ng LTO ang ganitong paglabag, lalo na kung malinaw na may panganib sa kaligtasan ng mga tumatawid,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Samantala, isinailalim na rin sa 90-araw na preventive suspension ang driver's license ng naturang driver at inatasan siyang agad itong isuko sa IID. Inilagay na rin sa alarm status ang SUV habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

Muling pinaalalahanan ng LTO ang mga motorista na laging bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga pedestrian at sundin ang mga alituntunin sa kalsada, lalo na sa mga itinalagang tawiran. Ang pagsunod sa batas-trapiko ay hindi lamang obligasyon kundi bahagi ng pagiging responsable sa kalsada.

Nagpasalamat din ang LTO sa patuloy na pakikipagtulungan ng publiko sa pagsusumbong at pagbabahagi ng mga ulat kaugnay ng mga posibleng paglabag sa kalsada, na nakatutulong sa ahensya na agad maaksyunan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa mga motorista at pedestrian.

30/09/2026

𝐆𝐑𝐀𝐁 π“π€π—πˆ πƒπ‘πˆπ•π„π‘ 𝐍𝐀 ππ€πŠπˆππ€π†π“π€π‹πŽ 𝐀𝐓 ππ€π†π“π€ππ†πŠπ€ππ† πŒπ€ππ€πŠπˆπ“ 𝐒𝐀 ππ€π’π€π‡π„π‘πŽ, ππˆππ€πƒπ€π‹π‡π€π 𝐍𝐆 π’π‚πŽ 𝐍𝐆 π‹π“πŽ; π‹πˆπ’π„ππ’π˜π€ 𝐍𝐆 πƒπ‘πˆπ•π„π‘ π’π”π’ππ„ππƒπˆπƒπŽ, π’π€π’π€πŠπ˜π€π πˆππ€π‹π€π‘πŒπ€

Ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang pagsasailalim sa imbestigasyon ng isang Grab Taxi driver na inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) matapos ireklamo dahil sa pakikipagtalo sa isang pasahero sa Makati City.

Batay sa sinumpaang salaysay ng complainant, nangyari ang insidente noong Setyembre 22, 2026 sa Solstice Tower 1, Circuit, Makati City. Ayon sa complainant, nang malapit na sila sa drop-off point, sinabi niya sa driver na magpatuloy sa entrance ramp upang makarating sa lobby ng gusali, ngunit tumanggi ito at iginiit na nasa main road ang naka-pin na drop-off point sa Grab application.

Ayon pa sa complainant, nauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap hanggang sa umatras ang driver pabalik sa main road at doon siya pinababa. Humingi siya ng tulong sa isang security guard upang ipaliwanag ang lokasyon ng lobby. Bago siya tuluyang makababa, nagkaroon pa ng palitan ng masasakit na salita. Ayon sa complainant, nang makalabas na siya ng sasakyan, agad na lumapit ang driver sa kanya na tila nagtangkang manakit, dahilan upang pumuwesto ang security guard sa pagitan nilang dalawa para maiwasan ang pisikal na komprontasyon.

Dahil dito, inatasan ng LTO ang rehistradong may-ari ng sasakyan, na siya ring itinalagang driver nito, na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Oktubre 2, 2026 para sa pagdinig at pagkakataong maipaliwanag ang kanyang panig. Inaasahan siyang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kalakip ang mga kaukulang dokumento upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan sa pagsuspinde o pagbawi ng kanyang driver’s license.

Samantala, agad na ipinasusuko ang driver’s license ng driver at isasailalim sa 90-araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inilagay din sa alarm status ang sasakyang sangkot sa insidente.

Nagpadala rin ang LTO ng imbitasyon sa complainant upang dumalo sa clarificatory hearing at magsumite ng mga dokumentong makatutulong sa paglilinaw ng mga pangyayari. Isasaalang-alang ang kanyang salaysay at mga isusumiteng dokumento sa nagpapatuloy na imbestigasyon upang mabigyan ng kaukulang resolusyon ang kanyang ulat.

β€œKapag namamasada ka, hindi lang sasakyan ang ipinagkakatiwala sa iyo kundi pati kaligtasan at kapakanan ng iyong mga pasahero. Responsibilidad mong kontrolin ang iyong emosyon at panatilihin ang respeto sa pasahero," ani Asec. Lacanilao.

"Hindi dapat dalhin sa biyahe ang init ng ulo. Hindi karapat-dapat bumiyahe ang ganitong pag-uugali, at alam ng bawat driver ang responsibilidad na kaakibat ng pagkakaroon ng lisensya,” dagdag niya.

Muling pinaalalahanan ng LTO ang mga pampublikong driver na ang pagkakaroon ng lisensya ay may kaakibat na responsibilidad na magbigay ng maayos, magalang at ligtas na serbisyo sa mga pasahero. Patuloy na aaksyon ang LTO sa bawat ulat ng paglabag at magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon upang matiyak na napapanagot ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas.

Address

Guintigui-an Street, Poblacion, San Agustin
Romblon
5501

Opening Hours

Monday 7:45am - 5pm
Tuesday 8am - 5pm
Wednesday 8am - 5pm
Thursday 8am - 5pm
Friday 8am - 5pm

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when LTO San Agustin posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Shortcuts

Share