21/10/2026
🦟 KILOS KONTRA DENGUE: PALAKASIN ANG KAALAMAN, PAIIGTINGIN ANG PAG-IWAS!
Nagsagawa ang Cagayan Valley Center for Health Development (CVCHD), sa pakikipagtulungan ng Isabela Integrated Provincial Health Office (IIPHO) at San Mariano Local Health Unit, ng Pagsasanay sa "Vector Control and Strategic Spraying Training for Community Workers."
Aktibong lumahok sa pagsasanay ang mga barangay tanod, Barangay Health Workers (BHWs), at mga kagawad na gaganap ng mahalagang papel sa pagpapalakas ng mga hakbang pangkalusugan sa kani-kanilang barangay.
Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at paunlarin ang kakayahan ng mga kalahok sa wastong pagsubaybay at pagtukoy sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok, gayundin sa ligtas at tamang pagsasagawa ng strateging pag-iisprey ng pamatay-insekto sa mga angkop na lugar upang makatulong sa pagkontrol sa pagdami ng mga lamok na nagdadala ng Dengue.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mas magiging handa ang mga kalahok na tumukoy ng mga lugar na nangangailangan ng agarang aksiyon, magsagawa ng angkop na hakbang sa pagkontrol ng mga lamok, at makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran. Mahalaga rin ang kanilang papel sa paghikayat sa mga mamamayan na alisin ang mga naipong tubig na maaaring pamugaran ng lamok at isabuhay ang “4 o’clock habit” o regular na paghahanap at pagsira sa mga pinamumugaran ng lamok.
Taos-pusong pasasalamat sa ating mga tagapagsalita, Engr. Arnel P. Noriega at Sir Marvin Valiente , sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman, kasanayan, at karanasan na makatutulong sa pagpapalakas ng ating mga programang pangkalusugan.
Sa pagtutulungan ng mga kawani ng kalusugan, barangay tanod, BHWs, mga kagawad, at bawat mamamayan, mas mapapalakas natin ang ating depensa laban sa Dengue!
💪 Sama-sama sa pagkilos, sama-sama sa pag-iwas, sama-sama nating puksain ang Dengue!