05/04/2026
SI KRISTO'Y NAMATAY, SI KRISTO'Y NABUHAY
Nakikiisa ang San Pedro City Tourism, Culture and Arts Office sa pagdiriwang ngayong araw ng mga kababayan nating Kristiyano ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Sa paniniwala ng mga Kristiyano, sa araw na ito muling nabuhay si Hesus mula sa kanyang pagkamatay sa krus. Pinaniniwalaan na ang pangyayaring ito ang katuparan ng mga binanggit ng mga sinaunang propeta sa Bibliya. Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay isa sa mga pangunahing paniniwala ng mga Kristiyano, na matatagpuan sa kanilang Credo o pahayag ng pananampalataya.
Bilang pagdiriwang nito, kadalasang ginagawa ng mga Pilipinong Katoliko sa araw na ito ang tradisyunal na Salubong, o ang pagtatagpo ng imahen ng Jesus Resuscitado (ang muling nabuhay na Hesus) at ng Mater Dolorosa (ang nagluluksang Maria). Sa kanilang pagtatagpo ay kukunin ng isang batang nakabihis-anghel ang itim na belo ng Mater Dolorosa, na siyang tanda ng pagwawakas ng pagluluksa ni Maria dahil sa nakita niya ang kanyang anak na muling nabuhay.
Patuloy na tumutok sa aming page para sa mga update tungkol sa Semana Santa sa Lungsod ng San Pedro.
02/04/2026
TINGNAN: Isa pang tradisyon sa Lolo Uweng Shrine sa Barangay Landayan, San Pedro City, Laguna na muling isinabuhay noong Martes Santo, March 31, ay ang "Maringal na Pagbibihis kay Lolo Uweng."
Sa nasabing tradisyon, nililinis at binibihisan ng bagong damit ang imahen ng Panginoong Hesukristo sa Santo Entierro, na mas kilala sa mga deboto bilang si "Lolo Uweng."
Ang Maringal na Pagbibihis kay Lolo Uweng ay bahagi ng paghahanda ng mga deboto sa pag-alaala sa pagpapakasakit, pagkamatay sa Krus at muling pagkabuhay ni Hesus ngayong Semana Santa.
Inaasahang muling daragsain ng mga debotong Katoliko ang imahen ni Lolo Uweng sa darating na Huwebes at Biyernes Santo.
(Larawan mula sa San Pedro City Tourism, Culture and Arts Office)
15/03/2026
Nakikiisa ang San Pedro City Tourism, Culture, and Arts Office sa paggunita ngayong araw ng ika-83 taong anibersaryo ng pagpanaw ng Lakambini ng Katipunan na si Gregoria "Oriang" de Jesus.
Ipinanganak at lumaki sa Caloocan, Provincia de Manila (ngayo'y Lungsod ng Caloocan, Kalakhang Maynila), napangasawa ni Oriang ang makabayan at tagapagtatag ng Katipunan na si Andres Bonifacio. Dahil dito, itinuring siyang Lakambini ng Katipunan, kung saan katuwang siya ng samahan sa pagtatago at pagdadala ng mga mahahalagang dokumento.
Noong Setyembre 1897, ilang buwan matapos bitayin ng kanilang mga kaaway ang kanyang asawa, nagkubli si Oriang sa noo'y Bayan ng San Pedro Tunasan. Sinasabing dinala siya sa San Pedro Tunasan ng ilang mga kapanalig sa pangunguna ni Koronel Antonino Guevara, at kinupkop ng mga residente. Una siyang tumira sa mga bahay ng mga Amante sa Poblacion, bago lumipat sa bahay ng mga Ilmedo sa Barrio San Roque. Matapos nito ay bumalik siyang muli sa Pasig upang sumama sa mga kapanalig ng kanyang namayapang asawa.
Sa bisa ng Kautusang Panlungsod Bilang 2025-28, nakatakdang magpatayo ang Pamahalaang Lungsod ng San Pedro ng isang bantayog sa karangalan ni Oriang sa loob ng San Roque Elementary School, Barangay San Roque.
Larawan mula sa Project Saysay
13/03/2026
The NHCP Museo ni Ramon Magsaysay and the Local Government Unit of Castillejos, Zambales will spearhead the commemoration of the 69th Death Anniversary of President Ramon Magsaysay on March 17, 2025.
The program will start at 7:30 am for the mass at Sta. Maria Chapel and followed by wreath laying and speeches of the Representative of Magsaysay clan and LGU Officials at the President Ramon Magsaysay monument inside the museum.
As we commemorate his untimely passing, let us relive his life and legacy of servant leadership to our Filipino nation.
11/03/2026
Ambag ni Magsaysay, kinilala ng San Pedro LGU
Opisyal nang isinabatas sa San Pedro City, Laguna ang pagkilala sa naging ambag ng dating Pangulong Ramon Magsaysay sa kasaysayan ng nasabing lungsod.
Nilagdaan kamakailan ni Mayor Art Mercado ang City Ordinance No. 2026-07 kung saan idinedeklara ang March 17 bilang "Araw ni Magsaysay" sa San Pedro City.
Sa nasabing petsa nasawi ang dating Pangulo nang bumagsak ang eroplanong kanyang sinakyan sa isang bundok sa Cebu noong 1957.
Ayon sa San Pedro City Tourism, Culture and Arts Office, layunin ng ordinansang ito na bigyang-pugay ang iniambag ni Pangulong Ramon Magsaysay sa Lungsod ng San Pedro.
Partikular na kinilala ang naging papel ni Magsaysay sa pagwawakas ng matagal nang alitan sa pagitan ng mga residente ng San Pedro at ng Hacienda San Pedro Tunasan noong 1954.
Pinahihintulutan rin ng Ordinansa ang City Government of San Pedro na magtayo ng isang monumento para kay Pangulong Magsaysay sa San Pedro City Plaza, kung saan ginanap ang pormal na pagbili sa mga lupain ng Hacienda Tunasan noong 1954 upang ipamahagi sa mga residente ng San Pedro.
Inaatasan rin ng nasabing Ordinansa ang Pamahalaang Lungsod na makipag-ugnayan sa National Historical Commission of the Philippines ukol sa pagdiriwang nito at sa pagpapagawa ng pinaplanong bantayog ng dating pangulo.
Ang mga barangay ng Langgam, Magsaysay, United Bayanihan, United Better Living, Estrella, Laram, Riverside, Bagong Silang, at ang mga nayon ng Bayan-Bayanan at Villarosa sa San Vicente ay nagsisilbi ngayong buhay na legasiya ng mga hakbang ni Magsaysay upang magkaroon ng sariling lupa at tirahan ang mga San Pedrense.
(OpinYon News Team/Larawan mula sa San Pedro City Tourism, Culture and Arts Office)
09/03/2026
| ANG BANTAYOG NG KASAPADIMA PARA SA MGA BAYANI NG IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG
Noong 09 Marso 1952, pinasinayaan sa San Pedro Town Plaza ang isang bantayog para sa mga namatay na San Pedrenseng kasapi ng US Army Forces in the Far East (USAFFE) noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa loob ng mahabang panahon ay nagsilbi itong monumentong pang-alaala ng nakalipas na giyera sa noo'y bayan ng San Pedro.
Ang pagpapatayo ng nasabing bantayog ay pinangunahan ng Kapisanan sa Pagpapalaganap ng Diwang Makabayan (KASAPADIMA), isang lokal na organisasyong pangkabataan sa San Pedro na itinatag noong 1951. Sa pamumuno ng kanilang pangulo na si Jose Rosal, napagpasyahan nila na ipatayo ang nasabing monumento. Inspirasyon nito ang tinatawag na battlefield cross, na kalimitang ginagamit na panandang pang-alaala para sa mgasundalong namatay sa mga giyera. Nakalagay ito sa isang pedestal, na sa ibaba nito ay nakalagay ang panandang (marker) naglilista sa 24 na San Pedrenseng miyembro ng USAFFE na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng Pilipinas.
Ang mga Opisyal na nakalista doon ay sina Kapitan Abelardo Remoquillo, at Tenyente Antonio Almeida, habang ang mga Sarhento na sina Moises Arguelles, Candido Alvarez, Jose Andreza, Domingo Gereza, at Teofilo Brigola. Nakasulat rin dun ang mga Cabo (corporal) na sina Pedro Berroya, Pedro Inovio, at Pedro Olivarez, at ang mga Soldado (Private) na sina Dominador Abano, Salvador Yambao, Antonio Bergantinos, Sofronio Endrinal, Ricardo Escudero, Sergio Lacdan, Vicente Lacdan, Rodolfo Lacdan, Gerardo Leysan, Antonio Mendoza, Manuel Parto, Wilfredo Rimerata, at Mateo Sietereales.
Pinasinayaan ang nasabing bantayog isang araw matapos ang ikapitong taong anibersaryo ng pagkamartir ni Kap. Remoquillo sa Bay, Laguna. Binasbasan ito ng noo'y Kura Paroko ng San Pedro Apostol Parish na si Reberendo Padre Sisenando Medrano, habang nagsilbing panauhing pandangal si Heneral Mateo Capinpin, ang dating Komandante ng Philippine Army 21st Division na isa sa mga lumaban sa Bataan noong 1941-1942 Philippine Campaign. Sinasabi na umiyak si Capinpin -- na noo'y nakatira sa katabing-bayan na Biñan -- habang binibigkas ang kanyang talumpati, dahil sa pag-alala niya sa kanyang mga tauhan na namatay noong Digmaan.
Sa loob ng maraming taon ay nagsilbi itong dambanang pang-alala ng San Pedro para sa lahat ng mga namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kalaunan, pinalitan ito ng isang bantayog na may obelisk na kahalintulad ng nasa Rizal Park, Luneta. Sa kasalukuyan, ang dating puwesto nito ang siyang kinatitirikan ng kasalukuyang bantayog ni Jose Rizal at ng Clock Tower sa San Pedro City Plaza.
MGA SANGGUNIAN:
Dolleton, Jose. 1986.“𝘚𝘢𝘯 𝘗𝘦𝘥𝘳𝘰, 𝘓𝘢𝘨𝘶𝘯𝘢... 𝘐𝘯 𝘙𝘦𝘵𝘳𝘰𝘴𝘱𝘦𝘤𝘵.” San Pedro Tourism, Culture, and the Arts Archives.
The MERALCO Magazine (Manila). 1963. “San Pedro Tunasan,” vol XV no. 3.
x x x
Ang ay isang proyekto ng San Pedro Tourism, Culture, and the Arts Office na nagtatanghal ng mga artikulo tungkol sa kultura, sining, at kasaysayan ng Lungsod ng San Pedro. Ito ang nagsisilbing ambag ng aming Tanggapan sa mga adhikain ng Local Historical Committees Network ng National Historical Commission of the Philippines.
I-like at i-follow ang aming page upang masubaybayan ang iba pang mga programa ng aming tanggapan na patungkol sa kultura, sining, at kasaysayan ng ating lungsod.
08/03/2026
PAGGUNITA: CAPT. ABELARDO REMOQUILLO (1922-1945)
Nakikiisa ang San Pedro City Tourism, Culture, and Arts Office sa paggunita ngayong araw ng ika-81 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Kapitan Abelardo "Abeling" Remoquillo.
Kilala rin sa tawag na "Kap Remo," isa siya sa mga itinuturing na kabataang bayani ng San Pedro. Bagamat nasa rurok ng kanyang kabataan, sumapi siya sa Hunters ROTC Guerrillas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sumama sa pakikipaglaban sa mga mananakop na Hapones. Kasama siya sa mga gerilya na sumalakay sa New Bilibid Prison noong Hunyo 1944, at tumulong sa pagpapalaya ng Los Baños Internment Camp (ngayo'y UP Los Baños) noong Pebrero 1945. Siya noon Executive Officer ng 1st Battalion, Hunters 45th Regiment sa Silangang Laguna at nagsisilbing Komandante ng "D" Company sa kasagsagan ng pagpapalaya ng bayan ng Bay, Laguna nang siya ay mapatay sa isang engkwentro laban sa mga Hapones.
Sa pamamagitan ng kanyang naging buhay, ipinakita ni Abeling ang angking katapangan, katapatan, at pagmamahal sa Inang Bayan. Nawa ito ay maging inspirasyon ng bawat isang San Pedrense, lalo ng mga kabataan, upang laging isulong ang kapakanan ng bayan at ipagtanggol ito sa panahon ng kagipitan.
Bilang parangal sa kanyang naging buhay ay idineklara ng noo'y Pamahalaang Bayan ng San Pedro ang 08 Marso ng bawat taon bilang San Pedro Veterans Day. Gaganapin ang seremonya para rito bukas, 09 Marso 2026, 4:00 n.h. sa San Pedro City Plaza.
07/03/2026
NATATANGING BETERANO NG SAN PEDRO: PFC VICENTE REMOQUILLO
Kabilang sa mga natatanging beterano ng Lungsod ng San Pedro si Vicente "Enteng" Remoquillo. Siya ang nakababatang kapatid ng gerilyero at kabataang bayani ng ating Lungsod na si Abelardo "Abeling" Remoquillo.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumulong si Enteng sa kanyang ama na si Jose na patakbuhin ang tanggapan ng ingat-bayan ng San Pedro. Kasabay nito ay sumapi rin siya sa Miguel Ver Composit Regiment ng Hunters ROTC Guerrillas. Dahil sa pagsali ni Abeling sa 1944 New Bilibid Prisons Raid, dinakip siya ng mga Hapones, ngunit pinakawalan rin kalaunan. Sa kabila nito ay nagpatuloy siya sa pagsama sa mga operasyon ng Hunters hanggang sa paglaya ng Pilipinas noong 1945.
Kalaunan, naglingkod si Enteng bilang Senior Examiner ng Bureau of Internal Revenue, at aktibong nakilahok sa iba't ibang samahang pansibiko tulad ng San Pedro Lions Club at Veterans Federation of the Philippines - San Pedro Post. Sa kanyang pagpanaw noong 2024 ay kinilala siya bilang kahuli-hulihang beteranong San Pedrense ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
x x x
Ang Mga Natatanging Beterano ng San Pedro ay isang serye ng San Pedro City Tourism, Culture, and Arts Office na ginawa bilang paggunita sa nalalapit na San Pedro Veterans Day.
Patuloy na tumutok dito sa aming page para sa iba pang mga kaalaman tungkol sa kasaysayan at kultura ng Lungsod ng San Pedro.
07/03/2026
NATATANGING BETERANO NG SAN PEDRO: LT. ANTONIO PARTOZA SR.
Si Lt. Antonio Partoza Sr. ay isa sa mga pangunahing gerilyero sa Lungsod ng San Pedro noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagsilbi siyang pinuno ng lokal na balangay (company) ng Hunters ROTC Guerrillas, at nagsilbing Punong Bayan noong panahon ng Liberation.
Kilalang abugado noon sa San Pedro si Partoza nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong Disyembre 1941. Ilang buwan matapos sumuko ang mga puwersang Amerikano at Pilipino sa mga Hapones noong 1942, sumama siya sa ilang mga kalalakihan ng San Pedro sa pagtulong sa pang-eespiya sa mga Hapones at pagtatago ng mga baril. Makalipas ang dalawang taon, pormal siyang sumapi sa kilusang gerilya noong Abril 1944 at itinalaga ng komandante ng "C" Company, Hunters Blue Lake Battalion na binubuo ng mga residente ng San Pedro. Sa kanyang pamumuno ay nagsagawa ng iba’t ibang intelligence activities ang kanyang yunit sa San Pedro, maging noong panahon na siya ay nagtatago sa Carmona dahil sa pagtugis sa kanya ng mga Hapones.
Pinangunahan ni Partoza ang mga puwersa ng Hunters sa pagpapalaya sa San Pedro noong 07 Pebrero 1945. Matapos nito, itinalaga siya bilang Acting Town Mayor ng San Pedro, at namuno sa mga mopping-up operations sa mga kabundukan ng bayan. Matagumpay rin nilang napigilan ang pagtatangka ng mga Hapones na magsagawa ng amphibious landing sa Barrio Landayan noong Abril 1945. Bumalik siya sa pagiging abugado matapos niyang magbitiw sa puwesto noong Oktubre 1945. Makalipas ang ilang taon ay lumipat siya sa Mindanao, kung saan siya nagpraktis ng abogasya sa Maguindanao at Zamboanga. Kalaunan ay nahalal siyang Konsehal ng Pagadian, Zamboanga del Sur.
x x x
Ang Mga Natatanging Beterano ng San Pedro ay isang serye ng San Pedro City Tourism, Culture, and Arts Office na ginawa bilang paggunita sa nalalapit na San Pedro Veterans Day.
Patuloy na tumutok dito sa aming page para sa iba pang mga kaalaman tungkol sa kasaysayan at kultura ng Lungsod ng San Pedro.
05/03/2026
NATATANGING BETERANO NG SAN PEDRO: COL. AGAPITO HEREDIA SR.
Isa sa mga natatanging beterano ng San Pedro si Koronel Agapito Berroya Heredia Sr. Isa siya sa mga lumaban sa Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at napabilang rin sa Bataan Death March.
Kabilang si Koronel Heredia sa Philippine Military Academy Class of 1943, kung saan kaklase niya sina Medal of Valor Awardee Captain Conrado Yap, ang tagapagtatag ng Hunters ROTC Guerrillas na si Tenyente Miguel Ver, at ang tagapagtatag ng Army Scout Ranger Regiment na si Heneral Rafael Ileto. Cadet Second Class (katumbas ng Third Year College) na siya nang sumiklab ang giyera, at dahil sa matinding pangangailangan ng mga sundalo ay ikinomisyon sila ng kanilang mga upperclassmen sa PMA Class of 1942 bilang mga Tenyente sa Philippine Army. Kabilang siya sa mga nagtanggol sa Bataan hanggang sa pagsuko nito noong Abril 1942, at matapos noo'y napabilang rin sa malagim na Bataan Death March. Sa kanyang paglaya ay sumali siya sa Bureau of Constabulary ng mga Hapones at idinestino sa Calauan, Laguna. Doon ay kinumbinsi niya ang kanyang mga tauhan na sumama sa kanya sa kilusang gerilya, na kanila namang ginawa. Bilang gerilya ay naging miyembro siya ng Allied Intelligence Bureau sa Timog Luzon.
Nang magtapos ang giyera ay nagpatuloy siya ng kanyang karera sa Philippine Army, kung saan kasama siya sa mga lumaban sa rebelyon ng mga HUKBALAHAP noong dekada '50. Naging Pinuno siya kalaunan ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), at nagretiro sa serbisyo bilang Koronel. Matapos ng kanyang serbisyo pangmilitar ay naging opisyal siya ng Philippine Air Lines at ng Philippine National Bank, sa paanyaya na rin ng mga pangulo nito.
Ang kanyang serbisyo sa bayan ang naging inspirasyon ng kanyang mga anak upang pasukin rin ang pagsusundalo. Ang kanyang panganay na anak na si Armando (US Naval Academy Class of 1967) ay nagretiro bilang Kapitan (katumbas ng Koronel) sa Philippine Navy at naging military analyst sa Estados Unidos. Ang isa pa niyang anak na si Agapito Jr. (PMA 1970) ay naging isang Koronel sa Philippine Air Force. Pamangkin naman niya ang dating Deputy Director General (ngayo'y Police Lieutenant General) ng Philippine National Police na si Rommel Heredia.
Nagpapasalamat ang ating Tanggapan kina Gng. Ivy Heredia-Austria at G. Mario Bergantiños sa pagbabahagi ng mga larawan at impormasyon tungkol kay Koronel Heredia.
x x x
Ang Mga Natatanging Beterano ng San Pedro ay isang serye ng San Pedro City Tourism, Culture, and Arts Office na ginawa bilang paggunita sa nalalapit na San Pedro Veterans Day.
Patuloy na tumutok dito sa aming page para sa iba pang mga kaalaman tungkol sa kasaysayan at kultura ng Lungsod ng San Pedro.
05/03/2026
NATATANGING BETERANO NG SAN PEDRO: LT. BENJAMIN MANAS
Kabilang sa mga kilalang beterano ng Lungsod ng San Pedro si Lt. Benjamin Manas, na kapatid ng isa pang natatanging gerilya ng ating Lungsod na si Capt. Clodualdo Manas.
Nang sumuko ang mga puwersang Pilipino at Amerikano sa mga Hapones noong 1942, nagkusa ang noo'y 15 taong gulang na si Ben na maging mensahero ng mga puwersang gerilya sa kaligiran ng katimugang Luzon. Mula Laguna, nakarating siya sa mga lalawigan ng Batangas at Tayabas (ngayo'y Quezon) para magdala ng mga mahahalagang komunikasyon sa pagitan ng mga gerilya. Noong 1944, ilang buwan matapos ang matagumpay na pagsalakay ng kanyang kapatid na si Cloding sa New Bilibid, dinakip siya ng mga Hapones bilang isa sa mga pinaghihinalaang gerilya sa San Pedro. Nakatakas siya kasama ng iba pang mga itinuro ng mga MAKAPILI na mga gerilya sa San Pedro, at mula doon ay sumama siya sa Hunters ROTC Guerrillas. Kasama siya sa mga sumagip sa mga Amerikanong sibilyan na nakakulong noon sa Los Baños Internment Camp (ngayo'y UP Los Baños) noong Pebrero 1945.
Matapos ang giyera ay naging isa siyang abugado at naging isa sa mga prominenteng residente ng San Pedro. Kagaya ng kanyang kapatid, naging aktibo rin siya sa iba't ibang mga samahang pansibiko sa Lungsod, at naging kilala sa kanyang hilig sa mga motorsiklo at pagsusulong ng interes ng mga kapwa niya motorcycle riders.
x x x
Ang Mga Natatanging Beterano ng San Pedro ay isang serye ng San Pedro City Tourism, Culture, and Arts Office na ginawa bilang paggunita sa nalalapit na San Pedro Veterans Day.
Patuloy na tumutok dito sa aming page para sa iba pang mga kaalaman tungkol sa kasaysayan at kultura ng Lungsod ng San Pedro.
05/03/2026
NATATANGING BETERANO NG SAN PEDRO: CAPT. CLODUALDO MANAS
Isa si Captain Clodualdo Manas sa mga kabataang bayani ng San Pedro. Ipinakita niya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na hindi hadlang ang edad upang ipaglaban ang kalayaan ng bayan.
Magtatapos pa lang siya noon sa UP Rural High School sa Los Baños, Laguna nang sumiklab ang giyera. Pormal siyang sumapi sa Hunters ROTC Guerrillas noong 1943 at isa sa mga naging platoon leaders na sumalakay sa New Bilibid Prison noong Hunyo 1944. Dahil dito, tinugis rin siya ng mga Hapones at inaresto ang ilan sa kanyang mga kapamilya. Ito ang nagtulak sa kanya na lumipat sa Silangang Laguna at maging Intelligence Officer (S-2) ng buong 45th Regiment, Hunters 44th Division. Bilang Intelligence Officer, tumulong siya sa pagpapalaya ng mga bayan sa Silangang Laguna mula sa mga Hapones.
Nang matapos ang digmaan ay nag-aral siya sa Unibersidad ng Santo Tomas at naging isang doktor. Noong dekada '50, itinalaga siya ni Pangulong Ramon Magsaysay bilang administrador ng National Resettlements and Rural Administration (NARRA) sa San Pedro, at pinamahalaan ang pamamahagi ng mga lupain ng Tunasan Estate (dating Hacienda San Pedro Tunasan). Naging aktibong kasapi rin siya ng iba’t ibang mga samahang pangsibiko sa San Pedro, at nakilala sa kanyang pagpupunyagi sa isport na swimming.
x x x
Ang Mga Natatanging Beterano ng San Pedro ay isang serye ng San Pedro City Tourism, Culture, and Arts Office na ginawa bilang paggunita sa nalalapit na San Pedro Veterans Day.
Patuloy na tumutok dito sa aming page para sa iba pang mga kaalaman tungkol sa kasaysayan at kultura ng Lungsod ng San Pedro.