17/09/2026
PROSESO NG PAGDONATE NG KALSADA SA BARANGAY PARA MAPASIMENTUHAN π
Mga kabarangay, nais po nating ipaliwanag nang simple kung paano ang proseso kapag ang isang private road o pribadong bahagi ng lupa na ginagamit na daanan ng mga residente ay nais ipa-donate sa Barangay upang maaari itong maisalang sa proseso ng pagpapasemento.
1. ALAMIN ANG TUNAY NA MAY-ARI NG LUPA
Unang hakbang ang pagtukoy at pakikipag-ugnayan sa tunay na may-ari ng lupa. Kailangan ang mga dokumento tulad ng TCT/OCT, Tax Declaration at valid ID ng may-ari.
Mahalaga ang pahintulot at willingness ng may-ari dahil kung hindi niya pahihintulutan ang pag-donate ng bahagi ng kanyang lupa, hindi maaaring basta-basta gamitin ng Barangay ang pribadong property para sa isang permanenteng proyekto.
2. MAGPAGAWA NG SURVEY PLAN / TECHNICAL DESCRIPTION
Kailangang malinaw kung aling bahagi ng lupa ang magiging daanan, ang sukat, lapad, haba at eksaktong lokasyon.
3. GUMAWA NG DEED OF DONATION
Gagawa ng Deed of Donation na nagsasaad na ang bahagi ng lupa ay ibinibigay sa Barangay para sa public road/right-of-way purposes.
4. MAGPASA NG BARANGAY RESOLUTION
Dadaan ito sa Sangguniang Barangay para sa pormal na pagtanggap ng donation at kaukulang authorization.
5. PIRMAHAN AT IPA-NOTARYO
Pipirma ang donor o may-ari at ang kinatawan ng Barangay, alinsunod sa legal requirements, at ipa-notaryo ang dokumento.
6. IPA-CHECK SA MUNICIPAL LEGAL OFFICE / ASSESSOR
Ipa-review ang mga dokumento upang masiguro na maayos ang ownership at kumpleto ang mga kinakailangang legal requirements.
7. IPA-REGISTER ANG TRANSFER SA REGISTER OF DEEDS
Ang Deed of Donation ay kailangang iproseso para sa registration upang maging maayos at opisyal ang record ng paglipat ng property.
8. IHANDA ANG BARANGAY PROJECT PARA SA CONCRETING
Kapag maayos na ang legal na usapin sa lupa, saka ihahanda ang mga kinakailangan para sa proyekto tulad ng engineering design, program of works, budget at procurement requirements.
9. IMPLEMENTATION
Kapag kumpleto na ang requirements, may available na pondo at nakumpleto ang procurement process, saka maisasagawa ang road concreting, kasama ang inspection at acceptance ng proyekto.
Mahalaga po: Hindi sapat na ginagamit lamang ng publiko ang isang private road para awtomatikong mapasemento ito gamit ang pondo ng Barangay. Kailangang maayos muna ang legal na status ng lupa at ang kinakailangang proseso.