21/10/2026
ALLACAPAN, LASAM, SANTA TERESITA AT BAGGAO, KINILALA SA PROJECT EXCELLENCE AWARD – LOCAL ACCESS ROAD CATEGORY SA 2026 PROVINCIAL SUBAYBAYANI AWARDS
CAGAYAN — Kinilala ang mga lokal na pamahalaan ng Allacapan, Lasam, Santa Teresita at Baggao sa Project Excellence Award – Local Access Road Category sa 2026 Provincial Subaybayani Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Sa apat na bayan, Baggao ang nagwagi sa nasabing kategorya.
Itinatampok ng pagkilalang ito ang mga proyektong pang-imprastraktura na naglalayong mapabuti ang mga daang nag-uugnay sa mga komunidad at nagpapadali sa pagbiyahe ng mga residente. Mahalaga ang mga local access road sa pagdadala ng mga produkto, pagpunta sa mga pangunahing serbisyo, at pagsasagawa ng mga pang-araw-araw na gawain ng mga mamamayan.
Nagpahayag ng pagkilala si Governor Egay Aglipay sa mga lokal na pamahalaang pinarangalan bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap na maisakatuparan ang mga proyektong tumutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Ipinakikita rin ng mga proyektong ito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan at mga lokal na pamahalaan sa pagpapabuti ng imprastraktura at paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad.
Patuloy na binibigyang-halaga ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga proyektong may direktang pakinabang sa mga residente, kabilang ang pagpapabuti ng mga daang nag-uugnay sa mga barangay at kabayanan. Sa pamamagitan ng koordinasyon at sama-samang pagkilos, layuning matugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad at pamilyang Cagayano.