31/10/2025
LUPANG IBINENTA NG PAMANGKIN NG WALANG KASULATAN, PWEDE BANG BAWIIN NG ANAK?
Dear CELO,
Noong nabubuhay pa ang Tiyo Ador, ibinenta niya sa akin ang isang lote. Wala kaming pinirmahang kasulatan, pero ibinigay naman niya sa akin ang titulo at unti-unti ko siyang binayaran. Pagkatapos niyang pumanaw, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagbabayad sa kapatid niya na si Tiyo Diego. Simulang maibenta sa akin ang lote, dito na ako nakatira at ako na rin ang nagbabayad ng amilyar.
Pero nitong mga nakaraang buwan, pinipilit na akong paalisin ng dalawang anak ni Tiyo Ador. Nalaman daw kasi nila na nakapangalan pa rin sa tatay nila ang titulo ng lupa. Ayon sa kanila, sila ang mga legal na tagapagmana at wala raw akong karapatang manatili sa lupa dahil wala akong maipakitang kasulatan na nagpapatunay na nabili ko ito.
Gusto ko lang po sanang malaman kung pwede po ba nilang bawiin sa akin ang lupa kahit matagal na akong nakatira dito, ako ang nagbabayad ng buwis, may kasunduan naman kami noon ni Tiyo Ador kahit hindi nakasulat, at nabayaran ko ang lote ?
Maraming salamat po sa oras ninyo at umaasa po akong matutulungan ninyo ako.
Gumagalang,
Angelo
***
Dear Angelo,
Sa kasong Benedicto Batara Ocampo and Daisy Garcia-Ocampo v. Noblesa Batara-Sapad and Ernesto C. Batara (G.R. No. 256343. April 2, 2025), sinabi ng Korte Suprema na kahit walang kasulatan ang bentahan ng lupa, pwede pa rin itong ituring na valid at may bisa basta may ebidensyang natupad na ito—kahit bahagya lang.
Sa nasabing desisyon, kinilala ng Korte ang verbal na kasunduan sa pagitan nina Marcos Batara at ng kanyang pamangkin na si Benedicto Ocampo. Wala silang pinirmahang kontrata, pero ibinigay na kay Ocampo ang titulo ng lupa, lumipat na siya sa lupa, at nagpatayo na siya ng improvements kaya naman sabi ng Korte, valid pa rin ang bentahan kahit wala itong kasulatan.
Ayon sa Civil Code, dapat talaga ay may kasulatan para mapatupad ang bentahan sa korte. Pero kung may pruweba na nagkaroon na ng delivery ng lupa at nagkabayaran kahit paunti-unti, at lalo na kung lumipat na sa lupa ang bumili at siya na ang nagbabayad ng buwis o nagpatayo ng bahay, puwedeng kilalanin ng batas ang kasunduan kahit verbal lang ito. Maaari rin ang salaysay ng mga testigo para patunayan ang bentahan.
Sa kaso mo, malinaw na may bentahan na naganap sa pagitan mo at ng Tiyo Ador mo. Kaya hindi na maaaring bawiin ng mga anak niya ang lupa, dahil naipasa na sa iyo ang pagmamay-ari nito, at may sapat kang ebidensyang magpapatunay na totoo ang bentahan.
Sana’y nakatulong ang aming payo.
Gumagalang,
CELO
Paalala: Ang impormasyong ito ay pang-edukasyon lamang. Pinapayuhan po naming kayong mag-konsulta pa rin sa mga ganap na abogado para sa legal na payo sa inyong kaso.
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay face-to-face, free legal consultation mula Lunes hanggang Biyernes, 2:00 hanggang 3:30 ng hapon sa 4th flr ng Taguig City Hall.
Limitado po ang slots. Kaya habang maaga, mag-book na po ng appointment. Hanapin lang po ang "Book now" button sa may itaas ng FB Page City Executive Legal Office.
,
30/10/2025
LOTE NA IBINENTA NG CO-OWNER, MAAARI BANG BAWIIN NG IBANG CO-OWNERS?
Dear CELO,
Ako, ang aking kapatid na si Harry, at ang aming tiyahin na si Adelaida ay co-owner’s ng isang lupa. Kami ng aking kapatid ang naka-okupa at gumagamit ng lupa. Kalaunan ay ipinagbili ni Tiya Adelaida ang kanyang bahagi ng lupa kay Caloy, at ito ay opisyal na nakarehistro sa pangalan ni Caloy matapos masukat at maipamahagi ang lupa. Anim (6) na taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang bentahan.
Bagama’t naparehistro ni Caloy ang parte ni Tiya Adelaida, sa nasabing lupa, sinubukan naming bawiin ito sa pamamagitan ng paghahain ng reklamo para sa legal redemption. Subalit ibinasura ng mababang hukuman ang aming reklamo sa dahilang pasó na ang pagsasampa ng kaso,(ibig daw sabihin, lagpas na tamang panahon ang pagsampa).
Nais ko lamang pong malinawan kung may legal na batayan pa upang ituloy ang aming kaso, lalo na't hindi namin nagamit ang aming karapatang ma-redeem ang lupa bilang co-owners sapagkat wala kaming natanggap na nakasulat na abiso mula kay Tiya Adelaida tungkol sa bentahan ng kaniyang bahagi.
Maraming salamat po sa inyong tugon.
Lubos na gumagalang,
Mark
***
Dear Mark,
Sa kasong Antonio Azurin, Jr. and Rafael Azurin v. Carlito Chua (G.R. No. 259662. April 23, 2025), ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang isang “co-owner” ay kailangang magbigay ng nakasulat na abiso sa iba pang co-owners bago ipagbili ang kaniyang bahagi ng isang ari-arian. Gayunpaman, kung ang ibang co-owner ay may kaalaman na sa bentahan at nabigong gamitin ang kanilang karapatang bilhin ang bahagi sa loob ng 30 araw, hindi na kinakailangan ang nakasulat na abiso.
Nilinaw ng Korte Suprema sa nasabing kaso na bagaman mahalaga ang nakasulat na abiso, maaari itong hindi na kailanganin kung: (1) May di-pangkaraniwang mga pangyayari na naging dahilan upang malaman ng ibang co-owners ang tungkol sa bentahan, at (2) hindi sila kumilos o naging pabaya sa kanilang karapatang mag-redeem, na sa batas ay tinatawag na laches.
Sa madaling salita, dahil kayo ay nasa aktwal na pagmamay-ari ng lupa at may kaalaman sa isinagawang survey, masasabi na rin na kayo ay may alam sa naganap na bentahan na naganap anim na taon na ang nakalilipas. Bukod pa rito, si Caloy na siyang nag-okupa ng bahagi ng lupa na dating pag-aari ni Adelaida,ay malinaw na nagpapakita na ito ay naibenta na. Gayunpaman, lumipas ang mahigit anim na taon bago kayo kumilos upang bawiin ang nasabing ari-arian. Dahil dito, ang rekisito ng nakasulat na abiso ay maaari nang hindi ipatupad sa inyong kaso, dahil sa natatanging mga pangyayari at ang pagkakaroon ng laches (o lubhang pagpapabaya ng karapatan sa matagal na panahon) na nagpapahina sa inyong karapatan laban kay Caloy.
Nawa’y nakatulong ang nasabing payo.
Gumagalang,
CELO
Paalala: Ang impormasyong ito ay pang-edukasyon lamang. Pinapayuhan po naming kayong mag-konsulta pa rin sa mga ganap na abogado para sa legal na payo sa inyong kaso. )
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay face-to-face, free legal consultation mula Lunes hanggang Biyernes, 2:00 hanggang 3:30 ng hapon sa 4th flr ng Taguig City Hall.
Limitado po ang slots. Kaya habang maaga, mag-book na po ng appointment. Hanapin lang po ang "Book now" button sa may itaas ng FB Page ng City Executive Legal Office.
,
29/10/2025
𝙆𝙖𝙥𝙖𝙜 𝙨𝙖𝙧𝙞𝙡𝙞 𝙖𝙣𝙜 𝙞𝙥𝙞𝙣𝙖𝙜𝙩𝙖𝙣𝙜𝙜𝙤𝙡, 𝙠𝙖𝙞𝙡𝙖𝙣 𝙞𝙩𝙤 𝙢𝙖𝙩𝙪𝙩𝙪𝙧𝙞𝙣𝙜 𝙣𝙖 𝙨𝙚𝙡𝙛-𝙙𝙚𝙛𝙚𝙣𝙨𝙚?
Dear CELO,
Ako po si Alvin, isang construction worker. Noong isang gabi, nagkaroon kami ng handaan sa site para sa birthday ng aming engineer. Habang nag-iinuman, tinanong ako ng katrabaho kong si Fred kung bakit daw mas mataas ang suweldo ko kaysa sa kanya. Sinabi ko na hindi ko alam at mas mabuting itanong niya na lang sa aming foreman. Bigla siyang nagalit, nagmura, at sinundan pa ako nang lumipat ako ng mesa para umiwas. Doon niya ako hinamon ng suntukan.
Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari—nagkainitan kami at bigla na lang akong natumba, nasa ibabaw ko na siya, sinasakal at pinagsusuntok ako. Pilit kong tinataboy ang mga suntok at napahawak ako sa kung anong bagay sa lupa. Ginamit ko iyon para ipagtanggol ang sarili ko, pero laking gulat ko nang makita kong kutsilyo pala iyon. Nasugatan siya at kalaunan ay namatay.
Inaresto ako ng pulis at sinampahan ng kasong homicide. Gusto ko lang malaman kung maaari ba akong mapawalang-sala kung ipinagtanggol ko lang naman ang sarili ko.
Maraming salamat sa inyong tugon.
Lubos na gumagalang,
Alvin
***
Dear Alvin,
Ayon sa Korte Suprema sa kasong Aquino vs. People of the Philippines (G.R. No. 274077. 24 February 2025), maaaring mapawalang-sala ang isang akusado kung mapapatunayan na ang kanyang ginawa ay purong self-defense.
Sa nasabing kaso, parehong sitwasyon ang nangyari: si Daniel at ang biktimang si Lorvin ay nag-away matapos ang isang pagtatalo. Nahiga si Daniel sa lupa habang sinasakal at pinagsusuntok ni Lorvin, kaya kinuha niya ang unang bagay na mahawakan—isang kutsilyo—para ipagtanggol ang sarili niya.
Sabi ng Korte, lahat ng elemento ng self-defense o pagtatanggol sa sarili ay nandoon:
May aktuwal na pag-atake o unlawful aggression. Si Lorvin ang unang umatake at malinaw na gustong saktan si Daniel. Hindi haka-haka ang banta, totoong may panganib sa buhay niya.
Walang sapat na provocation mula kay Daniel. Hindi siya ang nagsimula ng gulo; sa katunayan, umiwas pa siya sa tensyon sa pamamagitan ng paglipat ng mesa.
May makatwirang paggamit ng paraan o reasonable means para ipagtanggol ang sarili. Dalawang beses lamang nasaksak ni Daniel si Lorvin, isa sa binti at isa sa dibdib. Ayon sa Korte, ginawa ito ni Daniel hindi para pumatay kundi para mapigilan ang pananakit ni Lorvin.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na kung ang isang tao ay kumikilos dahil sa takot na mapahamak o mapatay, makatuwiran lang na ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Dahil dito, pinawalang-sala si Daniel.
Sa madaling salita, kung napatunayan na ikaw ay umatras muna at umiwas, ngunit tuloy pa rin ang pananakit sa iyo, at ginamit mo lamang ang makatuwirang paraan para ipagtanggol ang sarili mo, maaari kang mapawalang-sala sa ilalim ng self-defense.
Nawa’y nakatulong ang nasabing impormasyon.
Gumagalang,
CELO
( Paalala: Ang impormasyong ito ay pang-edukasyon lamang. Pinapayuhan po naming kayong mag-konsulta pa rin sa mga ganap na abogado para sa legal na payo sa inyong kaso. )
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay face-to-face, free legal consultation mula Lunes hanggang Biyernes, 2:00 hanggang 3:30 ng hapon sa 4th flr ng Taguig City Hall.
Limitado po ang slots. Kaya habang maaga, mag-book na po ng appointment. Hanapin lang po ang "Book now" button sa may itaas ng City Executive Legal Office (CELO) FB Page.
,
28/10/2025
PATUNAY BA NG PAGBABAYAD NG 13TH MONTH ANG PAYROLL LISTING?
Dear CELO,
Ako po ay dating empleyado ng isang airline company. Ako ay nagsumite ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) laban sa naturang kompanya dahil ako ay tinanggal sa trabaho nang walang makatarungang dahilan, at hindi ako nabayaran ng aking karampatang sahod at 13th month pay alinsunod sa batas.
Subalit, ibinasura ng Labor Arbiter ang aking reklamo kaugnay ng ilegal na pagtanggal sa trabaho. Tungkol naman sa aking mga monetary claims, sinabi ng Labor Arbiter at ng NLRC na nagsumite ang kumpanya ng mga dokumento ng payroll bilang patunay ng pagbabayad. Gayunman, nais kong idiin na ako ay hindi nakatanggap ng anumang bayad.
Gusto kong ni-apela ang desisyong inilabas kaugnay ng aking kaso, bago pa man maglabas ng pinal na pasya ang NLRC. Kaugnay nito, nais ko pong malaman kung may sapat na legal na batayan para ituloy ang hakbang na aking isinasaalang-alang.
Maraming salamat po sa inyong tugon.
Danilo
***
Dear Danilo,
Ayon sa kasong Philippine Airlines, Inc. vs. Romeo N. Ahmee et al., at Romeo N. Ahmee et al., vs. Philippine Airlines, Inc. (G.R. No. 221065 at G.R. No. 221164. April 7, 2025), ipinaliwanag ng Korte Suprema na hindi sapat ang ebidensiyang inilahad ng Philippine Airlines, Inc. (PAL) upang patunayan ang pagbabayad ng sahod at 13th month pay sa mga dating empleyado nito. Ang Payroll Listing at 13th Month Pay Payroll Register na ipinakita ng PAL ay hindi sapat, sapagkat hindi nito napatunayan na tunay na natanggap ng mga empleyado ang mga bayad.
Upang mapatunayang binayaran sa pamamagitan ng bangko ang sahod ng mga empleyado, kailangang maipakita ng mga employer na ang payroll ay naipasa at natanggap ng bangko. Sa nasabing kaso, pinagtibay ng Korte Suprema ang pasya ng Court of Appeals at binigyang-diin na ang payroll records at vouchers ay maituturing na matibay na ebidensiya ng pagbabayad lamang kung malinaw na nakasaad dito na natanggap ng empleyado ang pera at kung kailan ito ibinayad.
Para sa mga suweldo at benepisyo na dinadaan sa payroll account, binanggit ng korte na may tatlong yugto ito: una, ang paghahanda ng payroll; ikalawa, ang pagsusumite nito sa bangko; at ikatlo, ang pag-credit ng sahod sa bank account ng mga empleyado.
Upang mapatunayan ang pagbabayad, kailangang may ebidensiya ang employer na: isinumite ang payroll advice sa bangko, at ito ay aktwal na natanggap ng bangko, at sa kalaunan ng empleyado.
Nawa’y nakatulong ang nasabing payo.
Gumagalang,
CELO
Paalala: Ang impormasyong ito ay pang-edukasyon lamang. Pinapayuhan po naming kayong mag-konsulta pa rin sa mga ganap na abogado para sa legal na payo sa inyong kaso.
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay face-to-face, free legal consultation mula Lunes hanggang Biyernes, 2:00 hanggang 3:30 ng hapon sa 4th flr ng Taguig City Hall.
Limitado po ang slots. Kaya habang maaga, mag-book na po ng appointment. Hanapin lang po ang "Book now" button sa may itaas ng aming FB Page.
,
26/10/2025
MENOR DE EDAD PINILIT MAKIPAGTALIK NG 60 GULANG NA FOREIGNER
Dear CELO,
Ako po si Alma at mayroon akong anak na si Mary, isang menor de edad na 15 taong gulang. Si Mary ay may nakilala sa Facebook na isang foreigner nagngangalang Pete, 60 taong gulang, na kalaunan ay naging kanyang online “sweetheart.” Mula noon, nagsimulang humingi si Pete kay Mary ng mga hubad na larawan, na pinagbigyan naman ng aking anak kapalit ng pera. Bagamat kusa niyang ipinadala ang mga larawan, sinubukan niyang sabihin kay Pete na tigilan na ang paghingi ng mga ito. Subalit nagalit si Pete at tinakot si Mary na ipo-post niya ang mga larawan sa kanyang page.
Pagkatapos nito, ipinahayag ni Pete ang kagustuhan niyang makipagkita nang personal sa aking anak. Pumayag si Mary na makipagkita kay Pete kapalit ng PHP10,000.00. Nagkasundo silang magkita noong Enero 31.
Sa napagkasunduang araw, pumunta si Mary sa lugar na iyon at sila ay nagtalik. Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Mary kay Pete na tumigil na siya, ngunit hindi siya pinakinggan. Umiyak si Mary at muling nakiusap na itigil na ito, ngunit hindi pa rin siya pinakinggan. Nang makatulog si Pete, saka lamang nakatakas si Mary.
Nais ko lamang pong malaman kung may basehan ba upang masampahan ng kaso si Pete, kahit na sa simula ay pumayag ang aking anak na magpadala ng mga hubad na larawan at makipagtalik sa kanya.
Maraming salamat po sa inyong tugon.
Alma
***
Dear Alma,
Sa kasong People of the Philippines vs. Willem Johannes Peek (G.R. No. 256452. 25 February 2025), ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang pag-imbita at pakikipagkita sa isang menor de edad para sa layunin ng seksuwal na pagsasamantala ay isang uri ng “Qualified Trafficking in Persons.” Sa nasabing kaso, napatunayang nagkasala ng “Rape” at “Qualified Trafficking in Persons” ang isang 68-anyos na dayuhan dahil sa seksuwal na pagsasamantala sa isang menor de edad. Ayon sa Korte, pinilit ng dayuhan ang biktima na pumunta sa kanyang apartment upang makipagtalik kapalit ng pera, at may bantang ia-upload ang kanyang hubad na larawan sa internet kung siya'y tatanggi.
May trafficking kapag ang isang tao ay kinakanlong o tinatanggap para sa prostitusyon, pornograpiya, o seksuwal na pagsasamantala. Ang kanlungan (harboring) ay maaaring tumukoy sa pananatili o panunuluyan ng isang tao sa lugar kung saan siya pagsasamantalahan, habang ang pagtanggap (receipt) ay maaaring tumukoy sa pakikipagkita sa biktima sa isang napagkasunduang lugar. May seksuwal na pagsasamantala kapag ang isang tao ay napipilitang makilahok sa prostitusyon o paggawa ng pornograpikong materyal dahil sa banta o pang-aabuso sa kanyang kahinaan. Ang krimen ay nagiging kwalipikado, o may mas mabigat na parusa, kung ang biktima ay isang menor de edad.
Samantala, ang panggagahasa o “r**e” sa ilalim ng Article 266-A(1)(A) ng Revised Penal Code (RPC) ay nagaganap kapag ang isang lalaki ay nakikipagtalik sa isang babae sa pamamagitan ng puwersa, banta, o pananakot, o kung ang biktima ay wala pang 12 taong gulang.
Sa madaling salita ay maaaring makasuhan si Pete ng r**e at Qualified Trafficking in Persons.
Nawa’y nakatulong ang nasabing impormasyon.
Gumagalang,
CELO
( Paalala: Ang impormasyong ito ay pang-edukasyon lamang. Pinapayuhan po naming kayong mag-konsulta pa rin sa mga ganap na abogado para sa legal na payo sa inyong kaso. )
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay face-to-face, free legal consultation mula Lunes hanggang Biyernes, 2:00 hanggang 3:30 ng hapon sa 4th flr ng Taguig City Hall.
Limitado po ang slots. Kaya habang maaga, mag-book na po ng appointment. Hanapin lang po ang "Book now" button sa may itaas ng aming FB Page.
,